Miyerkules, Pebrero 7, 2018

Año: Mga tanod bawal gumamit ng baril; Mga kapitan may pananagutan


Nanawagan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Chief Eduardo M. Año sa mga punong barangay na tiyaking hindi nagdadala at gumagamit ng baril ang kanilang mga tanod kahit pa sa katwirang ito’y sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Ipinaalala ni Año na ang mga tanod — o mga community brigade na binubuo ng mga civilian volunteers at itinalaga ng mga punong barangay ayon sa rekomendasyon ng Barangay Peace and Order Council – ay hindi pinapahintulutan sa ilalim ng batas na magdala ng armas kahit pa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kani-kanilang mga komunidad.
“Bilang kayong mga punong barangay ang pumili, nagtalaga, at nangangasiwa ng inyong mga tanod, kayo rin ang may pananagutan sa paraan ng pagsasagawa ng katungkulan ng inyong mga tanod,” aniya.
Ayon kay Año, ang mga tanod ay maaari lamang gumamit ng nightstick na may teargas (probaton) at may sinturon at holster, posas na may holster, pito, flashlight, kapote, rainboots, maliit na kuwaderno at ballpen, first aid kits, at ibang hindi nakamamatay na gadget.
“Bagaman mahalaga ang papel ng mga tanod sa pagtulong sa pagbabantay at pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa mga barangay, kailangan pa rin pong linawin at ipaalala na hindi sila pinahihintulutang magdala at gumamit ng baril kahit pa ang armas ay personal nilang kagamitan at kahit pa mayroon silang permit to carry,” sabi ni Año.
“Kung ang mga tanod ay may hinaharap na peligrosong sitwasyon, dumulog sila sa lokal na pulisya. Trabaho iyon ng mga pulis,” aniya.
Ipinaliwanag ng DILG chief na mula nang maisabatas ang Republic Act (RA) No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act noong 2012 ay napawalang-bisa na ang otoridad ng mga kasapi ng police auxiliary units tulad ng mga tanod na magdala ng armas, na dating pinapayagan sa ilalim ng Circular No. 2008-013 ng National Police Commission. “Wala na pong ligal na basehan para bigyan ng pahintulot na magdala at gumamit ng armas ang mga tanod,” sabi ni Año.
Nananawagan din ang DILG chief sa lahat ng mga local chief executives na tiyaking sumusunod sila sa kautusang ito at bawiin ang mga armas na ipinagkatiwala nila sa kanilang mga tanod.
Kanya ring binigyang-diin na ang mga nakarehistrong armas ng local government units (LGUs) ay maaari lamang iisyu sa mga permanenteng opisyal at kawani ng gobyerno na may plantilla position ayon sa Section 5.5.2 ng Implementing Rules and Regulations ng RA 10591.
“Ang mga tanod ay hindi po permanenteng mga manggagawa ng gobyerno kaya hindi sila maaaring gumamit ng armas maging iyong mga nakarehistrong baril ng LGU,”aniya.
“Ayaw na po nating may mapabalita pang tanod na sangkot sa paggamit ng baril kahit pa ikatwirang dahil ito sa kanyang pagganap ng kanyang trabaho sa barangay peace and order. Gawin po natin ang ating trabaho ng hindi lumalabag sa batas,” babala ni Año.
Samantala, ayon sa Section 389 (c) ng Local Government Code, maaaring magmay-ari at magdala ng armas sa loob ng kanilang mga nasasakupang lugar ang mga punong barangay para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ngunit dapat pa rin silang sumunod sa mga panuntunan at regulasyong naaayon sa batas.
Ayon naman kay DILG Spokesperson ASec. Jonathan E. Malaya, isa sa mga palatandaan ng isang mabuting punong barangay na ‘nararapat iboto’ sa paparating na barangay elections ay iyong mga maalam sa mga kapangyarihan at tungkulin gayundin ang mga limitasyon ng kanyang mga manggagawa sa barangay tulad ng mga tanod.
“Unang-una, nananawagan tayo sa publiko na bumuto sa darating na barangay elections.Pangalawa, piliiin po nilang mabuti ang ating mga ihahalal nang sa gayun ay maging maunlad at mapayapa ang kanilang komunidad na ligtas sa kapahamakan ng iligal na droga, kriminalidad, at korapsyon,” sabi ni Malaya.
Sinabi rin niya na maglalabas ang DILG ng listahan ng mga katangian ng isang mabuting barangay official at magsisilbi itong gabay ng mga botante sa paparating na Barangay at Sangguniang Kabataan elections. Ayon pa sa kanya, hihimukin ng DILG ang publiko na bumuto ng mga bagong barangay officials na “Matino, Mahusay at Maaasahan.” (DILG News). Photo Credit: gmanetwork.com

Lunes, Nobyembre 20, 2017

Naiibang 'armas' para sa barangay tanod

Narito ang naiibang 'armas' na maaring makatulong ng malaki sa mga barangay tanod para mabilis at ligtas na masupil ang mga pasaway sa barangay.                      

Ito’y isang uri ng pananggalang para madisarmahan ang isang tao.  Itatapat lang ito sa mukha, may pipinduting buton at kaagad na may bubugang likido mula sa unahang dulo nito.   

Ang likidong ito ay  pansamantalang bubulagin ang mga mata ng isang katunggali para siya ay madisarmahan at kaagad na magapi.



Makikita sa video sa ibaba ang isang insidente ng pananaksak na nangyari sa harap mismo ng isang barangay hall sa Maynila.

Kung mayroon sana ang mga barangay tanod ng naturang pananggalang, madali sanang nagapi at nadisarmahan ang nanaksak, at walang napahamak na residente ng nasabing barangay.
  

Ayon sa security expert na si Joel Supan na nakaimbento nito, epektibo ito kahit na armado pa ng itak ang isang tao dahil kaya nitong bumuga ng likido sa layong  mula 6 hanggang 10 feet.


Joel Supan, Security Expert

Dagdag pa ng PMA-graduate na imbentor, awtor at security consultant ng mga korporasyon, kahit may hawak na baril pa ang isang tao, basta’t malapitan, kaya siyang maunahan ng tanod gamit ang instrumenting ito.

Nang kapanayamin ng Balitang Barangay, nagpahayag ng interes ang imbentor na makipagtulungan sa pamunuan ng mga barangay para mapanatili ang katahimikan sa kanilang lugar.                                  

Sabi ni Supan, sa tulong ng kanyang imbensiyong ito na tinawag niyang PEPPER BATON, makatutulong siya ng malaki  para sa ikatitiwasay ng mga residente ng barangay. 
                                        

Dahil dito, minabuti ng pahayagang ito na tumulong sa paghahatid ng kaalaman sa mga barangay tungkol sa kanyang imbensiyon.

Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa PEPPER BATON, makipag-ugnayan lamang sa telepono bilang 232-2096 o sa 0936-9776285. 


I-like at i-share ang Balitang Barangay sa Facebook 

Linggo, Oktubre 29, 2017

Liblib na Barangay Sa Bataan Dinalaw ng Pamahalaang Lokal

DINALUPIHAN, Bataan – Sa pagpapatuloy ng programang Dalaw sa Barangay na may temang “Kaya Mo  Kaya Ko” ng Pamahalaang Bayan ng Dinalupihan na pinasimulan kamakailan lang, ang isinunod na dinalaw ni Mayor Gila at iba pang opisyal ng pamahalaan ay ang Barangay Sapang Balas.
Ayon kay Dinalupihan Mayor Gila Garcia ibinaba niya sa barangay ang programang ito para alamin ang mga suliranin at mabigyan ng katugunan na hindi umaalis ang mga mamamayan at opisyal ng barangay sa kani-kanilang lugar. Ang unang nabigyan ng mga nasabing serbisyo ay ang Barangay Tubo-Tubo kung saan ang halos lahat ng mga naninirahan ay mga kulot o Aeta.
Ang nasabing programang na isinasagawa tuwing Martes ay iikot sa 46 na barangay hanggang 2018.
Sinabi pa ng Mayora na sa ganitong pamamaraan mailalapit ng pamahalaan ang mga serbisyong kailangan ng mamamayan.
Ilan sa mga serbisyong dala sa mga barangay ay ang mga Health Services, Dental Services, Social Services, LCR Services, Agricultural Services, Veterinary Services, Peso Services, Engineering Services, Mpdo, Assesor, Business Permit & Licensing, Negosyo Center/ DTI,  Treasury, Public Market at Administrative Support Services.
Isa sa mga nailapit ni Punong Barangay Rogelio Caraig ng Sapang Balas ang natitira pang 6 na kilometrong farm to market road na proyekto ng Department of Public Works and Highways, na kung matatapos at makokongkreto ay madali nilang maibababa ang kanilang aning gulay at palay sa pamilihan na sa tuwing uulan ay halos hindi na madaanan.
Sa kanyang maikling mensahe sa mga taga Sapang Balas, sinabi ni Mayor Gila na gaano man kalayo ang kanilang barangay sa kabayanan, gaano man kahirap ang kanilang buhay, na kung minsan gustuhin man nilang pumunta sa kabayanan ay wala naman silang pamasahe, kung kaya’t sila na mismo ang pumupunta sa barangay upang maipadama at mailapit sa mga mamamayan ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan.
Kinatawan naman ni G. Caraig ang buong pusong pasasalamat ng kanyang mga kabarangay kay Mayor Gila at sa lahat ng mga opsiyal na kasama pati na ang mga doktor at dentista na nagbigay ng kanilang oras at libreng sebisyo. (1Bataan)

Lunes, Oktubre 2, 2017

Lisensya, permit sa barangay 1 araw na lang



Mapapabilis na ang proseso ng business permit oras na maisabatas ang panukalang inaprobahan sa Kamara.
Sa ilalim ng panukala, ang pagproseso ng lisensiya, clearance o permit ay hindi dapat lumagpas ng isang working day para sa barangay governments, habang 3 working days naman sa simple applications at 10 working days naman sa ‘complex applications’ simula ng araw na matanggap ang aplikasyon.
Para naman sa ‘special type’ na negosyo na nangangailangan ng clearance, accreditation o lisensiya mula sa ahensiya ng gobyerno kung saan kinakailangan ang technical evaluation sa proseso ng lisensiya, clearance o permit, ang proseso ay hindi dapat lumagpas ng 30 wor­king days.
Aprobado na ng House committee on trade and industry ang panukalang “An Act Establishing a National Policy on Ease of Doing Business, Crea­ting for the Purpose the Ease of Doing Business Commission.”
Ito ay kahalili ng House Bill Nos. 2171, 5031, 5093, 5383, 5634, 5809, at 6401 na iniakda nina Batangas Rep. Vilma Santos-Recto, Bohol Rep. Arthur Yap, Quezon City Rep. Winston Castelo, Parañaque City Rep. Gus Tambunting, Bukidnon Rep. Manuel Zubiri at Camarines Sur Rep. Luis Raymond Villafuerte.
Ayon kay Villafuerte, lumago ang foreign investment ng mga kalapit na bansa dahil sa mas pinasimpleng proseso at pinaigsing processing period ng mga aplikasyon sa pagnenegosyo.
“The Philippines is ranked 171st out of 185 economies in the ease of doing business. There are ­currently now 16 procedures and 28 days to start a business, compared to the ­region’s average of 7 procedures and 23 days.
Basically we want to be at par or maybe better than these regio­nal neighbours,” paliwanag ni Villafuerte. (Thanks to Abante)

Biyernes, Agosto 18, 2017

Barangay sa Sarangani nanguna sa Region 12 Gawad Kalasag Awards

g

Buong pagmamalaking ipinakita ni Punong Barangay Lydia Hizoler ng Barangay Calabnit ang  katibayan ng kanyang pagkapanalo bilang pinakamahusay na Barangay sa Region 12, Rural Category,  sa   2017 Regional Gawad Kalasag Search for Excellence in Disaster Risk Reduction Management and Humanitarian Assistance noong ika-10 Agosto 2012.  Bukod sa plake, nakatanggap din ang barangay ng P50,000.00 cash incentive.  Ang barangay Calabnit ay nasa Bayan ng Glan, Sarangani Province.  (Tres Besa na/SARANGANI COMMUNICATIONS SERVICES)  Reposted from www.sarangani.gov.ph

Martes, Agosto 15, 2017

May 2018 barangay polls okay sa Comelec


By: Leslie Ann G. Aquino
Walang nakikitang problema ang Commission on Elections (Comelec) kung mauusog ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa May 2018.
“This proposal of May 2018, we are okay with it since we have one year (interval),” pahayag ni Comelec Chairman Andres Bautista sa isang press conference.
Nauna nang nag-decide ang House of Representatives na ilipat ang Barangay at SK elections sa May 2018 sa halip na isagawa ito sa darating na October.
Gayun pa man, muling sinabi ni Bautista na nanatili silang “neutral” sa issue kung ipagpapaliban o hindi ang October polls.
“We have always been neutral. Our only appeal is for them not to make it too close to the next elections,” sabi ni Bautista.
“It should have an interval of at least one year,” dagdag niya. (Tempo)    

Sisimulan na ng Commission on Elections (Comelec) sa Agosto 21 ang pag-imprenta ng 85 milyong balota na gagamitin sa October 31 Barangay and Sangguniang )Kabataan elections.
Sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na kinakailangan nilang simulan agad ang pag-imprenta ng mga balota sa National Printing Office sa Quezon City dahil sa malaking bilang ng mga botante.
“Based on our timetable we need 60 days within which to print the ballot,” pahayag ni Bautista sa isang press briefing sa Maynila.
“We want to give some leeway. Remember the number of ballots we are printing this elections is much high. In 2013, I think it was only about 50 million. Now, its 85 million because of the SK,” dagdag pa ni Bautista. (Tempo