Ang barangay ang pinakamaliit na yunit ng pamahalaan nguni’t siyang pinakamahalaga, sa tingin ko. Ang mga barangay – na may 42,028 na ngayon sa buong bansa – ay nagsisilbing pundasyon ng ating pamahalaan.
Base sa adhikain ng mga may akda ng Local Government Code of 1991, ito ang tagapaghatid ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno sa tao.
Ang barangay din ang siyang mekanismo para sa tinatawag na participatory economic governance sa pagsugpo ng kahirapan, pagkakaroon ng kabuhayan at mga trabaho at katarungang panlipunan para sa mga naninirahan sa bawat barangay.
Ang nakalulungkot, hindi natin gaanong naisakatuparan ang magandang hangaring ito ng mga bumuo ng Local Government Code sa mahigit na 20 taon mula nang ito'y naisabatas, laluna sa mga kanayunan na kung saan naninirahan ang karamihan ng ating mga mamayan. Saan kaya nagkaroon ng pagkukulang ang batas na ito para sa mabuting pamamahala ng mga barangay?
Sa unang 100 araw ng isang bagong halal na opisyal ng barangay, dito makikita ng mga bumoto sa kanya kung ano ang magiging hugis ng susunod na 995 na araw sa 3 taon ng kanyang panunungkulan.
Isang gabay ang makatutulong ng malaki sa mga kapitan at kagawad upang mapabuti nila ang uri at sistema ng kanilang pagpapalakad ng pamahalaang barangay.
Ipinalimbag ng Department of Interior and Local Government, ang Guide for Punong Barangay and Sangguniang Barangay Officials ay naglalaman ng mga praktikal na payo sa ikatatagumpay ng isang opisyal ng barangay hindi lamang sa unang 100 araw niya sa puwesto kung hindi maging sa buong termino ng kanyang panunungkulan. Isa sa mga natatanging inisyatibo ng dating DILG Secretary Jess Robredo, ito ay libre mula sa tanggapan ng naturang ahensiya ng pamahalaan sa alinmang bayan o lungsod.
Naniniwala ako na ang potensyal ng
tao, ng likas-yaman at ng mga oportunidad para tayo ay maging productive at maging isang maunlad na bansa ay nasa mga
barangay. Hindi nga lang natin ito binibigyan
ng kaukulang pansin.
Kapag pinagsama-sama ang programang galing sa ibaba, lideratong nakabase sa tao at mga bagong development models, ang barangay o ang komunidad na bumubuo nito ay tiyak na magiging isang napaka-makapangyarihang makinarya ng kaunlaran.
Para maisakatuparan ito, kailangang bawa’t isa sa mahigit na 42,000 barangay ay may kapasidad na maisagawa ang sariling mga proyekto nito. Kailangan ng bawa’t opisyal ng barangay na matukoy kung ano ang tunay na pangangailangan ng kani-kanilang mga barangay at ito ang dapat na bigyan ng pansin at unahin. Sa ganitong paraan lamang maaring masasabing empowered o may tunay na kapangyarihan ang isang barangay.
Ano ang ibig sabihin nito?
Ang isang empowered na barangay ay may kalayaan na makapaghanda ng budget para sa mga gastusin na tutugon sa pagkakaloob ng mga pangunahing serbisyo at pangangailalangan ng mga naninirahan dito. Hindi na sila aasa pa at halos magmakaawa sa mga nakaupo sa pamahalaang bayan o lalawigan. Ito aya para na rin mawalan ng puwang ang pamumulitika at manipulasyon ng ibang mga nasa itaas para sa kanilang mga makasariling political agendas.
Ang empowered na barangay ay katulong ang mga people's organizations sa paggpapaunlad nito. Bagama't nasa batas ito, kakaunti pa lamang ang mga barangay na nakapagpapatupad nito. Mas malakas ang isang barangay kapag katu-katulong ng mga namumuno rito ang mga barangay development councils sa pagpapalakad nito.
Kung tutuusin, hindi naman bago na ang sistemang ito. Daan taon pa bago dumating ang mga banyaga at "makabagong" paraan ng pamamahala sa ating bansa, may sistema na ang ating mga ninuno sa pamamahala ng mga komunidad. Noon pa man, ang mga namumuno ay nakikipagkonsultasyon na sa tao sa pagpapalakad ng kanilang tribo o ng kanilang barangay sa makabagong tawag.
Baka nakakalimutan natin na tayo ang nakaimbento ng salitang barangay.
Kung tutuusin, hindi naman bago na ang sistemang ito. Daan taon pa bago dumating ang mga banyaga at "makabagong" paraan ng pamamahala sa ating bansa, may sistema na ang ating mga ninuno sa pamamahala ng mga komunidad. Noon pa man, ang mga namumuno ay nakikipagkonsultasyon na sa tao sa pagpapalakad ng kanilang tribo o ng kanilang barangay sa makabagong tawag.
Baka nakakalimutan natin na tayo ang nakaimbento ng salitang barangay.