Lunes, Pebrero 20, 2017

KASAMBAHAY DAPAT IPAREHISTRO SA BARANGAY - DILG

Hinikayat ni Secretary Ismael “Mike” Sueno ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga amo na may kasambahay sa kanilang tahanan na iparehistro ang mga ito sa barangay.
DILG Secretary Mike Sueno

Sa isang direktiba sa mga pinuno ng lokal na pamahalaan, iniutos niya ang pagpapatupad ng Republic Act (RA) Blg.10361 o ang “Batas Kasambahay” na nagtatakda sa mga amo na iparehistro nila ang lahat ng mga katulong sa Registry of Domestic Workers in Barangays o Barangay Registration of Kasambahays.

“Malaking papel ang ginagampanan ng mga kasambahay sa pagpapabuti ng ating ekonomiya at lipunan.  Sila ang nangangalaga ng ating mga tahanan at tumitingin sa ating mga anak kapag tayo ay nasa mga gawain natin,” sabi ni Sueno.

“Karapat-dapat lang na pangalagaan ang kanilang kapakanan tulad din ng mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor,” dagdag pa niya.

“Ang pagpaparehistro ng mga ito ay kapwa makabubuti sa kanila gayundin sa kanilang mga amo,” pagbibigay diin niya.

Sa isang direktiba, nanawagan din ang DILG Secretary sa lahat ng mga punong barangay na magsagawa ng ordinansa sa kanilang barangay bilang suporta sa RA 1036 at ipatupad ang Barangay Registration of Kasambahays sa kanilang nasasakupan.

“Hinihikayat ko rin ang mga opisyal ng barangay na talakayin ang pagpapatupad ng Batas Kasambahay sa Barangay Assembly Day sa ika-25 ng Marso ng taong kasalukuyan,” sabi niya.

Sa ilalim ng RA 10361, ang isang kasambahay ay sinuman na gumaganap ng mga gawain sa tahanan bilang isang manggagawa tulad ng katulong, yaya, tagaluto, hardinero o tagapaglaba ngunit hindi kabilang ang mga madalang o paminsan-minsan lang kung gumawa sa isang tahanan.

Hindi rin kabilang ang mga kabataang pinag-aaral at binibigyan ng baon at gastusin para sa mga project at gawain sa paaralan.

Barangay Kasambahay Desk

Noong Hulyo 2013, inatasan ng DILG ang mga punong barangay na magkaroon ng Kasambahay Desks at magpatupad ng sistema upang matiyak na nairerehistro ang lahat ng mga kasambahay sa kanilang barangay kasama na ang online registration sa kanilang website o e-mail.

Maaring makakuha ng KR Form 1 at Kontrata sa Paglilingkod sa Tahanan mula sa mga barangay at tanggapan ng Public Employment Service Office (PESO) sa mga lungsod at pamahalaang bayan.  Maari rin na mai-download ang mga forms na ito mula sa www.dilg.gov.ph at www.dole.gov.ph.
Kailangang ipaalam ng mga amo sa Kasambahay Desk kung natapos na ang kontrata ng kasambahay para sa updating ng mga record.

Ang pagbibigay ng barangay o ng mga lokal na tanggapan ng PESO ng impormasyon tungkol sa kasambahay o sa amo nito ay kinakailangang naaayon sa itinatakda ng RA No. 10173 (Data Privacy Act of 2012) at iba pang batas na nakasasakop dito.  Ang mga lalabag ay papatawan ng kaukulang multa o pagkabilanggo. (Isinalin sa Filipino mula sa Manila Times Feb. 18, 2017 issue)