Martes, Marso 7, 2017

TRAINING WORKSHOP NAGBIGAY INSPIRASYON SA MGA BARANGAY NG LA UNION

Para kay Ofelia Malaga, 63 anyos, ang mga pagsasanay kaloob ng ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan ay makatutulong para magbigay inspirasyon sa maraming residente ng La Union na makagawa ng mga produktong de-kalidad at makipagsabayan sa world market.
Si Ofelia, kasalukuyang barangay secretary ng Langcuas sa San Fernando City, La Union, ay isa sa mga lumahok sa ikalawang batch ng “Business, Planning Training and Workshop” na isinulong ng pamahalaang lungsod noong ika-21 hanggang 24 ng Pebrero, 2017.
Layon ng pagsasanay na palakasin ang mga napiling income generating projects (IGPs) sa lahat ng barangay sa Lungsod ng San Fernando.
May 118 opisyal ng barangay at mga residente mula sa 59 na barangay sa lungsod ang lumahok sa pagsasanay na kung saan tinukoy ng bawat barangay ang mga agri-products na kanilang isusulong.
Ang napiling proyekto ng mga taga-Barangay Langcuas ay ang paggawa ng alak mula sa ube.
Isang marka ng ube wine. Photo: The Cordillera Sun
“Inilunsad namin ang ube wine-making project bilang IGP namin noong Oktubre 2014 nang mabigyan kami ng pamahalaang lungsod ng paunang tulong na P50,000 para makabili ng mga kagamitan at materyales,” sabi ni Malaga.
Nakipag-ugnayan din ang barangay sa Don Mariano Marcos Memorial State University (DMMMSU) at ang pamahalaang lungsod ng San Fernando.
Sa kasalukuyan, dalawang residente ang nag-aasikaso ng ube wine processing plant na pansamantalang nasa barangay hall ng Langcuas.
“Tamang-tama ang pagkakaroon namin nitong business planning workshop and training para matuto at ma-inspire kami sa tamang paggawa ng aming mga produktong alak mula sa ube hindi lamang sa pagpo-proseso nito kung hindi pati na rin sa pagpo-promote at pagdadala sa mga pamilihan,” dagdag ni Malaga.
Bukod sa ube wine, ang mga residente ay gumagawa rin ng iba pang produkto mula sa ube tulad ng ube pastillas at ube puto.
“Kailangan namin ng mga pagsasanay sa product innovation at packaging para makaabot kami sa standards na itinatakda ng Department of Science and Technology (DOST) at ng Bureau of Food and Drugs (BFAD),”  sabi niya.
Sinabi naman ni Ofelia V. Mendoza, ang economic and business development officer ng pamahalaang lungsod ng San Fernando, pinangunahan ng kanyang tanggapan ang pagsasagawa ng business planning and training para isulong ang mga produkto mula sa income generating projects o IGPs ng mga barangay.     
Ayon sa kanya, ang pagsasanay ay makatutulong sa residente ng mga barangay para makagawa ng mga produktong de-kalidad at maging kaakit-akit ang mga ito sa mga mamimili. 

Habang ang ating bansa ang siyang host ngayong taong 2017 ng mga pagpupulong at kumperensiya ng ASEAN, isa sa mga temang nakatakdang talakayin ay ang pagsusulong ng "entrepreneurial mindset" sa mga may-ari ng maliliit at katamtamang-laking negosyo sa bansa. (Pinagmulan ng ulat: Philippine Information Agency)