Biyernes, Agosto 14, 2015

Barangay Chairman sa Dapitan City Pinugutan ng Abu Sayyaf

Pinugutan ng mga bandidong Abu Sayyaf ang hinostage na barangay chairman sa Sulu na dinukot ka­sama ng dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard sa Dapitan City, Zamboanga del Norte noong Mayo, ayon sa opisyal kahapon.
Kinumpirma ni Col. Allan Arrojado, commander ng Joint Task Group Sulu ang pagpugot sa biktimang si Chairman Rodolfo Buligao ng Barangay Aliguay Island sa Dapitan City.
Dakong alas-9:45 ng gabi noong Martes nang matagpuan ang bangkay na walang ulo ni Buligao sa bahagi ng Brgy. Lunggang sa bayan ng Maimbung, Sulu.
Natagpuan ng tropa ng militar at pulisya sa ibabaw ng bangkay ng biktima ang papel na may nakasulat na - “Rodolfo Buligao, Brgy. chairman ng Brgy. Aliguay Island, Dapitan City, Zamboanga del Norte.
Gayon pa man, sa search operation ng security forces natagpuan naman ang ulo ng biktima dakong alas-10 ng gabi na itinapon sa may di-kalayuan sa kinatagpuan sa bangkay.
Lumilitaw sa imbestigasyon na hindi nakabayad ng P10 milyong ransom ang pamilya ni Buligao kaya pinugutan ito ng mga bandido.

Nabatid na ikinabit na ng mga doktor sa Sulu Integrated Provincial Health Office ang ulo ng biktima at ibiniyahe na patungo sa Zamboanga City para maihatid sa kaniyang pamilya.

Si Buligao ay dinukot ng mga bandido kasama ang dalawang PCG na sina SN2 Gringo Villaluz at SN1 Rod Pagaling noong Mayo 4 sa Dapitan City, Zamboanga del Norte kung saan ang mga bihag ay itinago sa Sulu.
Sa kasalukuyan, patuloy ang search and rescue ope­rations sa dalawang PCG men at iba pang bihag ng mga bandido sa Sulu.
Nauna nang humingi ng P10-M ransom kada bihag ang mga bandido kapalit ng pagpapalaya matapos itong i-post sa facebook na ipinakikita ang video footage ng tatlong hostage. Original Post: Bihag na Barangay Chairman Pinugutan ng Abu. NewsUnited.com