Isang barangay sa Bataan, ang Barangay Pag-Asa sa bayan ng Dinalupihan, ang nagsilbing "showcase" sa unang Barangay Assembly Day ng mga barangay sa Gitnang Luzon para sa taong 2014, ayon sa PIA, ang information agency ng pamahalaan.
Sa okasyong ito, na sabay-sabay na ginanap sa buong bansa noong ika-29 ng Marso, 2014, ipinahayag ni Punong Barangay Basilio Layug sa kanyang State of the Barangay Address ang kanyang mga naisakatuparan na at isasakatuparan pang mga programa.
DILG Director Florida Dijan |
Sa
isang mensahe, binigyan diin naman ni DILG Regional Director Florida Dijan ang
kahalagahan ng pagkakaisa ng pamahalaang barangay at mga residente nito para sa
ikabubuti ng komunidad. “Walang
imposible kung sama-sama at tulung-tulong tayo sa paggawa”.
Nangako naman si Mayor Angela Garcia na magkakaloob ng kinakailangang tulong upang bigyang pansin ang mga kakulangan sa pagpapatupad ng mga proyekto at mga gawain ng barangay.
Dagdag pa rito, ipinahayag ni Governor Albert Raymond Garcia ang inisyatibo ng pamahalaang panlalawigan tulad ng pagsusulong sa pagkakaroon ng maraming hanapbuhay; ang pagiging sentro ng lalawigan sa pag-akit ng mga mamumuhunan sa Bataan Freeport Area; ang mga flood control projects sa mga bayan ng Dinalupihan at Hermosa at; ang pagsasaayos at pagpapatakbo ng mga power generating plants sa Bataan.
Gov. Albert Garcia and Mayor Angela Garcia |
Bagama't hindi gaanong naidetalye sa ulat na ito kung bakit at paano nagsilbing showcase ang Barangay Pag-asa, isa itong hakbang sa tamang direksiyon.
Kailangan na maiulat ang mga best practices sa pagsasagawa ng Barangay Assembly para sa ikauunlad ng kaalaman ng mga opisyal ng barangay.
Ang pagkakaroon ng mga assemblies sa lahat ng mga barangay sa buong bansa tuwing ika huling Sabado ng Marso at ikalawang Linggo ng Oktubre ay sang-ayon sa itinatadhana ng Proclamation 260 na ipinalabas noong Ika-30 ng Setyembre 2011.
Ang susunod na Barangay Assembly ay nakatakdang maganap sa Ika-12 ng Oktubre 2014.
Sa mga opisyal ng barangay na hindi binibigyang halaga ang barangay assembly, maaari silang managot sa batas kapag hindi nila naipatupad ang prosesong ito. Sa kasalukuyang mga regulasyon, binibigyang karapatan ang isang mamamayan o ang mga NGO at People's Organizations na magsampa ng kaso sa Ombusdsman, o hindi kaya sa Sangguniang Pambayan o Lungsod laban sa mga opisyal ng barangay na hindi nagpapatawag ng Barangay Assembly.
Gaano ba ka-importante ang Barangay Assembly?
Ang mga pag-uusap at mga desisyong napagkakasunduan sa pagpupulong na ito ay may pangmatagalang epekto sa buhay ng mga residente ng isang barangay.
Ang Barangay Assembly na nilikha at umiiral sa bisa ng Local Government Code ng 1991 ay isang mahalagang bahagi ng pamahalaan. Ito ay parang isang kongreso o parliyamentaryo ng mga mamamayang Pilipino. Kailangang may gulang na 15 pataas, residente sa barangay ng hindi bababa ng 6 na buwan at nakalista bilang miyembro ng Barangay Assembly para makalahok.
Hindi kinakailangan rehistrado kang botante para makasali sa Assembly.
May mga hindi nakababatid na isa na itong institusyon ng lokal na pamahalaan mula pa noong 1960 sa bisa ng Republic Act 2370 o ang tinatawag na Barrio Charter Act. Kilala na ito noon pa man sa tawag na Barrio Assembly at direktang inihahalal dito ang mga miyembro ng konseho (Barrio Council) ng isang barrio o barangay, hindi katulad ngayon na ang mga miyembro ng konseho o mga kagawad ay inihahalal kasabay ng punong barangay.
Naalala ko tuloy ang ikinuwento sa akin ng kaibigan kong Punong Barangay na babae sa Rizal. Isang retired officer ng Philippine Air Force, naipagmalaki niya sa akin minsan na para maakit niya ang kanyang mga kabarangay na dumalo tuwing may Barangay Assembly, nagpapa-raffle siya ng isang sakong bigas. Ayon sa kanya, laging mataas ang bilang ng sumisipot sa kanyang mga patawag, kumpara sa kanyang mga karatig barangay.
Sa aking pananaw, sadyang hindi dapat na ipagpawalang-bahala ang Barangay Assembly. Naniniwala ako na ito'y isang napakahalagang proseso upang maisakatuparan ang pagbibigay daan sa mga mamamayan na makiisa at makialam sa pamamahala ng barangay.
Wika nga ni DILG Director Florida Dijan, “Layon nito na isulong upang maging institusyon ang pagtugon, ang pananagutan, ang pagiging bukas at pakikilahok sa pamahalaang barangay ng mga mamamayan. Gayundin ang makadaupang-palad sila ng mga namamahala upang kanilang pagtibayin ang pagsasakatuparan ng kanilang mga balakin at programa para sa komunidad”.
Ito sa palagay ko ang isang magandang paliwanag sa tunay na kahulugan ng "people empowerment" at "transparency". BB
Samu't-saring Mga Ulat
VP Binay gustong suweldo ang ibigay sa mga opisyal ng barangay sa halip na honoraria lamang
(Philippine Star) Hiniling in Vice President Jejomar Binay sa kanyang anak na si Senator Nancy Binay na muling i-file ang panukalang batas na naglalayong gawing regular na kawani ng pamahalaan ang mga opisyal ng barangay.
Vice President Jejomar Binay |
“Sa katunayan, nakabinbin ang panukalang batas na ito at natutulog sa Kongreso. Sinabi ko kay Senador Nancy na muli itong buhayin,” sabi niya.
Sinabi rin ng Pangalawang Pangulo na napapanahon na para iangat ang antas ng pamumuhay ng mga opisyal at kawani ng barangay tulad ng mga Barangay Health Workers o BHWs, tanod, street sweepers at iba pang mga manggagawa sa barangay.
Binanggit pa niya na sa kasalukuyan, ang mga opisyal ng barangay at mga manggagawa ay tumatanggap lamang ng honorarium at insentibo para sa kanilang mga serbisyo. Hindi rin sila miyembro ng PAG IBIG, GSIS at Philhealth. BB
Mga bagong-upong opisyal ng barangay sa Capiz, sinanay
Inihanda sa isang pagsasanay ng Department of the Interior and Local Government (DILG-6) Capiz ang mga bagong halal na opisyal ng barangay sa lalawigan sa pamamagitan ng programa nitong Barangay Newly Elected Officials (BNEO) Training Program.
Ang mga nagsanay na bagong opisyal ng barangay sa Capiz |
Sa pakikipagtulungan sa Liga ng mga Barangay, isinagawa ang tatlong araw na pagsasanay na may apat na modules.
Ang mga paksa sa Module 1 ay naglalaman ng Barangay Governance and Administration; Basics of Barangay Development Planning; Basics of Barangay Finance and Basics of Barangay Legislation.
Ang Module 2 naman ay nakatuon sa Strengthening of the Barangay-based Institutions (BDC, BPOC, BADAC, etc.) at ang kanilang Compositions and Functions.
Ang Barangay Governance Performance Management System ay inumpisahan sa Module 3 at kasama ng Disaster Risk Reduction Management and Climate Change Adaptation; Ecological Solid Waste Management Act or RA 9003 at ang Full Disclosure Policy.
Ang pang-apat at huling module, ang Module 4 ay nakatuon sa Barangay Development Planning na may pagbibigay-diin sa paglikha ng Barangay Agenda for Governance and Development (BAGAD) at ang Three-year Barangay Development Plan (BDP).
Ang DILG BNEO Program ay isang term-based program na naglalayong hasain ang kakayahan ng mga bagong halal na opisyal ng barangay sa pagpapatupad ng kanilang mga gawain at tungkulin. Layon din ng programa na tiyakin ang maayos na pagbabagong-kalagayan o transisyon sa barangay gayundin ang pamamaraan sa planning, citizenship building, performance management gayundin ng awards and incentives.
Ang Lalawigan ng Capiz ay mayroong kabuuang bilang na 4,730 opisyal ng barangay (kabilang na rito ang Barangay Secretary at Treasurer) at may 1,888 na mga bagong opisyal. BB