Kulong o suspensiyon sa
tungkulin ang kakaharapin ng barangay official na hinahati ang ayuda ng social
amelioration program (SAP) sa dalawa o higit pang pamilya, babala ni Department
of the Interior and Local Government (DILG) spokesperson Usec. Jonathan Malaya
nitong Sabado.
Sa Laging Handa public briefing ng Presidential
Communications Operations Office, sinabi ni Malaya na ang pagpaparte-parte ng
SAP na nararapat nakaukol sa isang pamilya lamang ay maliwanang na paglabag sa
Republic Act 11469 o ang "The Bayanihan to Heal as One Act," na
naglalayong mamahagi ng ayuda sa may 18-milyong mahihirap na pamilya na itinuturing
na pinaka "at risk" sa harap ng COVID-19 pandemic.
"Kung totoo man po ang mga reports na 'yan na hinati
nga ang ayuda para sa mga pamilya, 'yan po ay pinagbabawal sa batas at pwede po
silang masuspende at makulong pa kung ginawa talaga nila," ani Malaya sa press
briefing.
Nauna nang nakatanggap ang DILG ng mga report na hinahati
umano ang cash assistance ng barangay upang mabigyan mas maraming pamilya ang
mabiyayaan.
"Maliwanag po sa Bayanihan Act, sa guidelines, joint
memorandum circular, at omnibus guidelines na ipinalabas ng DSWD na bawal pong
hatiin ang SAP na ito kasi may reports nga kami na natanggap na sinasabing
hinahati ng ilang kapitan ito sa dalawa o tatlong pamilya para nga daw
makatanggap ang lahat" sinabi niya.
"Hindi po 'yan ang tamang solusyon," dagdag pa
nito.
Agad namang hinimok ni Malaya ang publiko na ireport sa
kanilang tanggapan ang mga pasaway na barangay official upang masampahan ng
kaukulang kaso.
"Kung meron po kayong ebidensya na ang inyong
kapitan o ang iyong local government official ay 'yan nga ginawa, ipadala niyo
po kaagad-agad sa DILG at kami na po mismo ang magpa-file ng kaso laban sa mga
barangay official na 'yan," giit niya. (Content reposted from PIA NCR)
IN PHOTO: DILG Spokesperson Usec. Jonathan Malaya (DILG file photo)
LIKE and SHARE US on FACEBOOK
IN PHOTO: DILG Spokesperson Usec. Jonathan Malaya (DILG file photo)
LIKE and SHARE US on FACEBOOK