Lunes, Setyembre 9, 2019

Barangay may naiibang sistema sa pangungolekta ng basura



May naiibang sistema ang Barangay Mandaragat sa Puerto Princesa upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa barangay. Para makuha ang suporta at kooperasyon ng mga residente rito, naglunsad ang pamunuan nito ng isang ID system para sa maayos na pagkuha ng mga basura na nagmumula sa mga kabahayan.

Ayon kay Barangay Captain Gerry Abad, ang nasabing ID system ay makatutulong sa pagtatala at pagkakaroon ng datos para sa kanilang programa sa solid waste management.

Layon nila na magkaroon ng point system na nagbigigay ng pabuya sa mga residente na maghihiwalay ng kanilang mga basura para madala ang mga mapapakinabangan pa sa itinalagang lugar sa barangay.

Sinabi ni Kapitan Abad na sa kasalukuyang taon, tatangap ang barangay ng mga maaari pang mai-recycle mula sa kanilang mga tahanan at may reward points sila sa mga kalakal tulad ng bote, plastic, bakal, lata, karton at iba pang makukuha.

Dagdag pa niya na sa Point at ID system na ipatutupad, may katumbas na points ang mga kalakal na kukunin ng barangay. Halimbawa, ang limang kilo nito ay may katumbas na five points. Ang makakakuha ng mataas na points ay may reward. Sinabi niya na ang barangay na ang kukuha ng mga recyclables.

“Sana ay ma-encourage tayo kasi ito ay obligasyon natin,” ayon pa sa kanya. 

Hinimok din niya ang kanyang mga kabarangay na magsimulang maghiwalay ng mga basura sa kanilang mga tahanan at ilagay ang mga hindi nabubulok sa sako para sa taga kolekta ng basura at iwanan ang mga nabubulok para gawin namang pataba sa halaman.

“Ang nabubulok ay hindi na natin isali sa basura. Ginawa na yan dati ng mga bioman natin. Wag na rin nating itali o itapon lang kung saan saan. Huwag ganun. Ibahin na natin ang sistema. Kung walang basura kung saan saan lang, ay walang kakalatin ang aso,” sabi niya.

Ayon pa sa kanya, maaari rin nilang gamitin ang mga lumang gulong, balde at plastic containers para magtanim ng gulay sa kanilang bakuran.

Sinabi ni Abad na ang kanilang barangay ay tinutulungan ng City Environment and Natural Resources Office sa pamamagitan ng Environmental Management Services Division sa pagtuturo sa mga residente ng tamang paraan ng paghihiwalay ng basura. 



Nasa larawan: Si Barangay Captain Gerry Abad habang ipinapaliwanag sa kanyang mga kabarangay ang tungkol sa point system ng programa sa pangongolekta ng basura sa kanilang barangay. (Larawan mula sa City ENRO).



Thanks sa pag-LIKE at SHARE sa FACEBOOK

Click here to read our English Edition.