Biyernes, Oktubre 2, 2015

P3B Natipid Ng Pamahalaan sa Barangay Justice



Nakatipid ng P3 Bilyon ang pamahalaan noong nakaraang taon dahil sa pag-aayos ng mga opisyal ng barangay ng mga kasong barangay sa halip na ang mga ito ay umabot pa sa korte, ayon sa bagong Kalihim ng DILG na si Mel Senen Sarmiento.    

“Malaking tulong ang Lupong Tagapamayapa hindi lamang sa mabilisang pagkakaloob ng hustisya sa mga barangay.  Nakatulong din ito ng malaki sa pagkabawas ng mga nakabinbing kaso sa ating mga korte at bilyong halaga ang natipid ng gubyerno dahil dito” sabi ni Sarmiento sa isang pagbati sa 24 na nanalo sa taunang patimpalak, ang Lupong Tagapamayapa Incentives Awards (LTIA).

Ayon sa DILG, sa 461,489 na natalang alitan ng mga magkakabarangay sa buong bansa noong 2014, 76% o 350,554, ay naayos ng mga lupong pangkaturangan, at 18,199 lamang ang kailangang isampa sa mga korte at tinatayang may P3 bilyon ang natipid ng ng pamahalaaan.

Ayon naman sa Public Affairs Office ng DILG, ang halagang ito na natipid ng gubyerno ay nakwenta sa pagkuha kung ilan lahat ang bilang ng mga kaso na naayos ng mga lupon noong 2014 at pinarami ng P9,500, ang halaga ng gastusin sa pag-aayos ng bawat kaso sa barangay, base sa datos ng Korte Suprema.

Sinimulan noong taong 1997, Ang Lupong Tagamayapa Incentives Award ay nagkakaloob ng mga benepisyo sa mga natatanging lupon.  Isang kumite na kinabibilangan ng mga opisyal mula sa DILG, Department of Justice, Korte Suprema, NAPOLCOM at Liga ng mga Barangay ang namimili ng mga gagawaran mula sa 42,028 na barangay sa buong bansa.

Para sa taong 2014, ang mga nagwagi sa pambansang patimpalak  ay ang Barangay Cataming sa Balanga City, Bataan, para sa kategoryang component cities; ang Barangay Poblacion, Polomolok, South Cotabato, para sa kategoryang first-to-third-class municipalities; at Barangay Hingatungan Silago, Southern Leyte, para sa kategoryang fourth-to-sixth-class municipalities.

“Pinaaabot ko rin ang aking natatanging pagbati sa Barangay San Vicente sa Butuan City sa pagkakamit ng LTIA National Award para sa kategoryang urbanized cities category sa dalawang magkakasunod na taon, at nag-iisang Hall of Fame Awardee,” dagdag pa ni Sarmiento. (Pinagmulan ng Ulat:  Philippine Daily Inquirer, Sept. 30, 2015)