Dalawang
grupong pangkalikasan ang tumututol sa panukalang magtayo ng coal power plant
sa Barangay Sawang Calero sa Lungsod ng Cebu na, ayon sa kanila, makasasama sa
kalusugan at kapaligiran.
Sabi
ni Teodorico Navea, secretary general ng Sanlakas Cebu, magsasagawa sila ng
isang protest rally sa harap ng Cebu City Hall habang dinidinig ng sangguniang
panglunsod ang panukala.
Ang
mga kumpanyang Ludo Corporation, Marubeni Corporation at Tokyo Electric Power
Company ay nagpaplanong magkasanib na itayo ang dalawang 150-megawatt na
planta ng kuryente sa barangay. Noong nakaraang taon, nagkaloob ang
Department of Energy ng clearance para sa isang grid impact study ng
proyekto.
“Nauna
nang naipabatid sa mga residente ng barangay ang tungkol sa mga trabaho at iba pang mga
biyayang kanilang matatanggap ngunit wala silang kamalay-malay sa panganib na
kanilang kinakaharap,” sabi ni Navea.
Sinabi
niya na may 960 na ang natalang mga namatay bunsod ng 21 planta na nakatayo sa kasalukuyan. Kung ang panukalang 20 bagong planta ay
maaprubahan, hindi bababa sa 2,410 ang inaasahang mamamatay, dagdag pa niya.
“Maaaring
ang maging epekto ng mga plantang gumagamit ng coal ay mga sakit tulad ng kanser,
sakit sa puso at baga at mga impeksiyon,” sabi naman ni Aaron Pedrosa ng Philippine
Movement for Climate Justice.
Ayon
pa kay Pedrosa, matatandaan na ang sangguniang panglunsod ay nagpasa na ng
isang resolusiyon tatlong taon na ang nakararaan na sumusuporta sa panawagang
ihinto na ang paggamit ng coal at fossil fuels tulad ng langis para paburan ang
mga teknolohiyang gumagamit ng renewable energies. (Cebu Daily News)