Martes, Oktubre 22, 2013

MGA KATUTUBO SASABAK NA RIN SA HALALANG BARANGAY

    Ayon sa isang ulat mula sa Philippine Daily Inquirer, gusto na ring sumabak sa pulitika ang mga katutubo na matatagpuan sa ilang barangay sa bundok ng Sierra Madre na nasasakupan ng Bayan ng General Nakar.
    Hinikayat ng kanilang pinunong si Ramcey Astoveza ang iba pang mga namumuno sa tribo na lumahok sa halalang barangay sa ika-28 ng Oktubre, 2013.
    "Kung gusto nating madinig ang boses natin, tumakbo na rin tayo kahit man lamang sa barangay" sabi niya sa isang panayam kamakailan.
    
Isang Katutubong Agta

    Sino ba ang mga taong ito?  Bakit iginigiit nila na magkaroon sila ng representasyon sa lokal na pamahalaan?
    Kung tawagin sila ay mga Dumagat at kabilang sila sa mga Agta na kalahi rin ng mga Ita. Sila ang mga unang tao na nanirahan sa mga kabundukan ng Sierra Madre na nasasakupan ng Aurora at Quezon. Marahil ay naroon na sila mula pa noong unang panahon.
    Nang dumating ang lahing pinagmulan ng mga Tagalog na galing sa Indonesia at kalaunan ang mga Kastila, nagkawatak-watak at napilitan silang lumayo at mamuhay sa mga kagubatan.
    Ang uri ng kanilang pamumuhay ay pagala-gala lamang. Kung saan may makakain sa kagubatan, doon sila maglalagi at kapag naubos na ito ay maghahanap na naman sila ng malilipatan.
    Nang lumaon ay natuto na rin silang makihalubilo sa mga nasa kapatagan at natutunan na rin nila ang mga gawi at uri ng pamumuhay dito, kasama na ang masama at mabuting sistema ng pamamahala ng mga ito.
    Sa ngayon ay matatagpuan ang iba sa kanila sa siyam na barangay sa Bayan ng General Nakar at may mahigit na 2,000 botante mayroon sa mga barangay na ito.
    Bilang mga katutubo, may mga batas na nagtatakda ng mga alituntunin upang sila ay mapangalagaan at magkaroon ng karapatan.  Bilang mga mamamayan, may karapatan din sila na makilahok sa pagbuo ng mga polisiya na direktang makapagpapabuti sa kanilang pamumuhay at higit sa lahat, ang mamuno.
    Ang mga batas na ito ay ang Republic Act 8371 o ang Indigenous Peoples' Rights Act of 1997 at ang Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991.   
    Ayon kay  Astovesa, isang miyembro na ng tribung Agta ang nag-file ng certificate of candidacy para kapitan ng barangay Lumotan sa Bayan ng General Nakar habang ang ibang mga miyembro ng tribu sa siyam pang mga barangay sa paanan ng Sierra Madre ay nagpasya na ring kumandidato.
    "Inaasahan namin na marami pang susunod", sabi niya.
    Nalulungkot siya na ang mga katutubo ay wala pa ring boses at representasyon sa lokal na pamahalaan sa kabila ng mga kautusan.

Isang Pulong ng mga Katutubong Agta
    Nagtataka lang ako kung bakit nasasabi nila na wala silang boses at representasyon sa lokal na pamahalaan.
    Batid naman siguro nila na ang barangay mismo ang magbibigay sa kanila ng kapangyarihan upang makagawa ng polisiya para sa ikabubuti ng bawat isa sa kanila.
    Sabi pa ni Astoveza na matagal na nilang ipinaglalaban na mapasama sila sa pamamahalaang lokal para mapangalagaan ang kanilang kapakanan.
    "Ngunit nababaliwala kami dahil sa pulitika", ayon pa sa kanya.
    Dalawang miyembro na ng mga katutubo ang lumahok noon bilang konsehal ng bayan ng General Nakar ngunit kapwa sila natalo.
    Tulad ng maraming Pinoy, maaring ang problema sa mga ito, minamaliit nila ang kahalagahan ng barangay. Sa kanila parang walang kapangyarihan at hindi sikat kapag kapitan o kagawad "lamang" sila.
    Para sa kanila iba ang dating kapag konsehal ka ng bayan o hindi kaya vice-mayor o mayor.
    Sana mali ako. Pero sa kanila na nanggaling ang salitang, "tumakbo na rin tayo kahit man lamang sa barangay".
    
    
   







   

      
 

PINAKAMALAKING BARANGAY SA BANSA HAHATIIN


     Napaulat kamakailan sa Inquirer na ang pinakamalaking barangay sa bansa, ang Barangay Bagong Silang na matatagpuan sa Lungsod ng Caloocan, ay maaring magkahati-hati sa pitong maliliit na barangay.  Ito ay bunsod ng maraming reklamo na hindi nakararating ng husto ang mga pangumahing serbisyo sa mga tagarito.  Ang resulta ay pahirap at panganib sa buhay ng may 245,000 na residente nito.

Barangay Bagong Silang
      Ang pamamalakad ng barangay ay tulad din ng pamamalakad ng isang pribado o publikong organisasyon.  Para maging epektibo ang namumuno rito, kailangan din niya na sundin ang ilang basic management principles para maging maayos ang kanyang pamamahala.
    Tulad halimbawa ng tinatawag na span of control.  Kahit gaano kagaling ang isang tao, kapag lumampas na sa lima ang taong hawak niya, bumababa na ang kanyang tinatawag na effectiveness, ayon sa ilang management experts.  
    Maaring namamangha tayo sa maayos at epektibong pamamalakad ng mga malalaking organisasyon kahit libu-libo pa ang tauhan ng mga ito. Ang presidente ng kumpanya ay nasa 3 hanggang 5 bise presidente lamang kadalasan ang direktang hawak, gayundin ng mga nasa ilalim ng mga ito.
    Ang isa pang mahalagang management principle ay ang delegation.  Marami na akong pinuno na naobserbahan na laging natataranta dahil hindi sila marunong magbahagi ng trabaho sa mga tauhan at sila lahat ang pumapapel. 
    Ang delegation ay epektibo lamang kung ang mga nasa ibaba ay may kwalipikasyon at maasahan na gagawin ng tama ang ipinasang trabaho sa kanila.   
    Hindi ko maubos-maisip kung papaano ang istilo ng pamamahala ng mga namumuno sa Barangay Bagong Silang; bakit maraming residente rito ang nagrereklamo sa kalidad ng serbisyo ng pamunuan nito.

Location Map, Bagong Silang
     Ayon kay Caloocan Mayor Oscar Malapitan, sinusuportahan niya ang panukalang inihain kamakailan sa Sangguniang Panglungsod na hatiin ang naturang barangay.  
     Simula pa noong Dekada 70, nagsilbing dalahan ang Barangay Bagong Silang ng mga pamilyang pinaalis sa iba’t ibang mga squatter areas (informal settlers na ang tawag sa  mga ito ngayon) sa Metro Manila.
     Ayon sa National Statistics Office, ang Bagong Silang ang pinakamalaking barangay sa Pilipinas kung ang paguusapan ay bilang ng populasyon nito.  May sukat ito na 524.68 ektarya at tahanan ng mahigit 245,000 na residente o 16 porsiyento ng populasyon ng Lungsod ng Caloocan.  Karamihan ng mga residente na inilipat dito mula pa noong panahon ni Marcos ay galing sa Tondo, Commonwealth at San Juan.
     Halos ganito rin kalaki ang sukat ng barangay na tinitirahan ko pero wala pa kaming 10,000 residente rito.      
     At ito ang masarap na parte.  Sa taong ito, maaring umabot hanggang P100 million ang IRA o Internal Revenue Allotment ng barangay na ito na matatagpuan sa dulong bahagi ng North Caloocan at karatig na ng Bulacan. 
     Bagama’t naipagmamalaki ng mga tagarito ang kanilang barangay bilang pinakamalaking barangay sa buong bansa, mas makabubuti na hatiin na ito ayon sa mga naninirahan dito, upang mas mapaganda ang pamamahala nito at pagkakaloob ng serbisyo sa mga residente.
     Isa sa mga nairereklamo ay ang kakulangang ng mga health centers.  Hindi makapunta at makapagpatingin ang karamihan ng mga residente dahil sa layo sa kanilang bahay ng mga ito.
     Ang isa pang problema nila ay ang peace and order.  Madalas maging laman ng mga pahayagan ang Bagong Silang dahil sa maraming krimen na nagaganap dito. Walang sapat na tanod at mga pulis ang barangay upang mapangalagaan ang katahimikan. May mga kwento pa ako na narinig na pati raw mga pulis takot pumasok sa barangay na ito.
     Ayon kay Kagawad Carlito Peralta, mas makabubuti na hatiin na ang Bagong Silang sa mas maliliit na barangay dahil mas maraming opisyal ang makapag-lilingkod sa mga residente.  
     Ayon pa sa kanya, may 60 porsiyento ng mga tagarito ang pabor dito.  Sa bandang huli, sila rin naman ang makikinabang. 
    Kapag naipatupad na ang panukalang paghahati ng Bagong Silang, mainam para sa mga tagarito.  Mas marami na ang maari nilang maasahang maglilingkod sa kanila.  
    Mainam din para sa pitong kagawad nito.  Hindi na sila maglalaban-laban pa sa puwesto ng kapitan dahil mahahati na ito sa kanilang pito. 









Linggo, Oktubre 20, 2013

ANO ANG HANAP MO SA ISANG OPISYAL NG BARANGAY


   Gusto mo bang maipaabot ang iyong saloobin sa mga kandidato sa iyong barangay?
   Ngayong papalapit na ang halalang pambarangay, tinanong ng TV Patrol http://www.abs-cbnnews.com/nation/metro-manila/10/18/13/netizens-comment-upcoming-barangay-elections noong isang araw ang mga Filipino kung ano ang hinahanap nila sa mga opisyal ng barangay.

Si Superman ba ang hanap mo?

    Sa Facebook, iba-iba ang mga sagot sa kung ano ang hanap nila sa isang kandidato para punong barangay o kagawad.
    Sa mga mambabasa ng Balitang Barangay, pupulsuhan din namin kung ano ang inyong saloobin tungkol sa isyung ito. 
    Narito ang ilan sa mga reaksiyon ng mga nakapanayam ng TV Patrol:
    Ayon kay Melchi Mendoza  "Hindi nila dapat ginagamit ang pondo ng barangay para sa kanilang personal na pangangailangan".
   Sabi niya, "Bilang isang mamamayan, isa sa mga katangian na gusto ko sa isang chairman o kagawad is yung pagkamatapat sa serbisyo niya".
    Dagdag pa niya, dapat gawin nila nang maayos ang trabaho nila at maging mahusay na pinuno sila.
    Ang sabi naman ni Joi Madridano-Adan, boboto siya sa mga kandidato na bukas ang isip at kayang papag-isahin ang mga tao sa ikabubuti ng komunidad. Ang mabuting lider ay matatag at hindi pikon sa mga puna, para sa mabuting mga polisiya.  Maglingkod lamang sila at huwag gamitin ang kanilang kapangyarihan upang makapanlamang sa kapwa.

   Ayon naman kay Jane Dimayuga Nido Flor, ang mahusay na pinuno ay may malasakit sa pangangailangan ng iba tulad ng mga matatanda, mga may sakit at ang mga namatayan sa kanilang pamilya.
    "Dapat hindi sugarol, hindi babaero, hindi puro pakitang tao yung pag hiningan mo ng tulong anjan palagi,” sabi niya.
    Para kay Dante Delos Reyes, ang isang magiging boses ng buong barangay ang tamang-tama para maging chairman o kagawad. Binigyang diin niya na ang kailangan ay isang kandidato na alam ang mga nangyayari sa kanyang barangay.

    "Kailangang marunong siyang mag-ikot sa kaniyang kapaligiran o nasasakupan, dahil hindi naman tantong napakalaking lugar ng isang barangay o bawat barangay," sabi niya.
    Idinagdag pa niya na dapat ini-inspeksyion niya ang mga internet cafes para sawayin ang mga estudyante na nagbubulakbol o nagsusugal dahil hindi kayang supilin ng paaralan ang mga ito.
Samantala binigyang diin ni Lp Tolentino na dapat may sariling pag-iisip ang mga pinuno ng barangay.
    "Dapat may sariling pag iisip, di lang independente sa partido kundi sa pamumuno. Dapat hindi kaya diktahan ng mayor oh congressman. Higit sa lahat walang kabit na binubuhay".


    
    Sa Twitter, samu't-saring mga opinyon din ang pinadala ng mga netizens.
    Sabi ni ASHER ‏(@ana2my) “Yung maglilingkod ng tapat. malinis at marangal. Iniisip ang kapakanan ng mga tao niya.”
    Nag-tweet din si Zandro Sabillo ‏(@zandronii), ang isang chairman ay dapat handang tumulong at gawin ang kanyang tungkulin hindi dahil sa pagkita ng pera. 
   “Yung handang tumulong at hindi lang nagkukulong sa kani-kanilang tahanan! Huwag sanang gawing source of income lang,” sabi niya.
   Si Jean ‏(@ricajean_unice) ay naniniwala na ang chairman ay isang tao na buong-pusong tumutulong sa barangay. Sabi niya “Yung maglilingkod ng buong puso at iniisip din kung nakakabuti sa mga mamamayan ang kanyang ginagawa.”
    Ayon naman kay SittieYasmin AA (@sittieyas) ang chairman ay dapat na “socially, morally, and spiritually responsible. May paninidigan at may pakialam!”
    Idiniin ni Ka Erning (‏@The6thErnesto) na ang isang public servant ay handang tumulong kahit kanino na nangangailangan.
   Sabi niya “Isang tunay na public servant. Hangad ang pagtulong kanino man. Kaunlaran, kaayusan, katahimikan, kalinisan ang hangarin.”
   Ikaw, ano ang hanap mo sa mga opisyal ng barangay mo?  Mag-comment na sa ibaba upang maiparating mo ang iyong saloobin at baka sakaling marinig ang iyong boses ng mga nag-nanais na maglingkod sa iyong barangay.