Hinikayat ng kanilang pinunong si Ramcey Astoveza ang iba pang mga namumuno sa tribo na lumahok sa halalang barangay sa ika-28 ng Oktubre, 2013.
"Kung gusto nating madinig ang boses natin, tumakbo na rin tayo kahit man lamang sa barangay" sabi niya sa isang panayam kamakailan.
Isang Katutubong Agta |
Sino ba ang mga taong ito? Bakit iginigiit nila na magkaroon sila ng representasyon sa lokal na pamahalaan?
Kung tawagin sila ay mga Dumagat at kabilang sila sa mga Agta na kalahi rin ng mga Ita. Sila ang mga unang tao na nanirahan sa mga kabundukan ng Sierra Madre na nasasakupan ng Aurora at Quezon. Marahil ay naroon na sila mula pa noong unang panahon.
Nang dumating ang lahing pinagmulan ng mga Tagalog na galing sa Indonesia at kalaunan ang mga Kastila, nagkawatak-watak at napilitan silang lumayo at mamuhay sa mga kagubatan.
Ang uri ng kanilang pamumuhay ay pagala-gala lamang. Kung saan may makakain sa kagubatan, doon sila maglalagi at kapag naubos na ito ay maghahanap na naman sila ng malilipatan.
Nang lumaon ay natuto na rin silang makihalubilo sa mga nasa kapatagan at natutunan na rin nila ang mga gawi at uri ng pamumuhay dito, kasama na ang masama at mabuting sistema ng pamamahala ng mga ito.
Sa ngayon ay matatagpuan ang iba sa kanila sa siyam na barangay sa Bayan ng General Nakar at may mahigit na 2,000 botante mayroon sa mga barangay na ito.
Bilang mga katutubo, may mga batas na nagtatakda ng mga alituntunin upang sila ay mapangalagaan at magkaroon ng karapatan. Bilang mga mamamayan, may karapatan din sila na makilahok sa pagbuo ng mga polisiya na direktang makapagpapabuti sa kanilang pamumuhay at higit sa lahat, ang mamuno.
Ang mga batas na ito ay ang Republic Act 8371 o ang Indigenous Peoples' Rights Act of 1997 at ang Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991.
Ayon kay Astovesa, isang miyembro na ng tribung Agta ang nag-file ng certificate of candidacy para kapitan ng barangay Lumotan sa Bayan ng General Nakar habang ang ibang mga miyembro ng tribu sa siyam pang mga barangay sa paanan ng Sierra Madre ay nagpasya na ring kumandidato.
"Inaasahan namin na marami pang susunod", sabi niya.
Nalulungkot siya na ang mga katutubo ay wala pa ring boses at representasyon sa lokal na pamahalaan sa kabila ng mga kautusan.
Isang Pulong ng mga Katutubong Agta |
Batid naman siguro nila na ang barangay mismo ang magbibigay sa kanila ng kapangyarihan upang makagawa ng polisiya para sa ikabubuti ng bawat isa sa kanila.
Sabi pa ni Astoveza na matagal na nilang ipinaglalaban na mapasama sila sa pamamahalaang lokal para mapangalagaan ang kanilang kapakanan.
"Ngunit nababaliwala kami dahil sa pulitika", ayon pa sa kanya.
Dalawang miyembro na ng mga katutubo ang lumahok noon bilang konsehal ng bayan ng General Nakar ngunit kapwa sila natalo.
Tulad ng maraming Pinoy, maaring ang problema sa mga ito, minamaliit nila ang kahalagahan ng barangay. Sa kanila parang walang kapangyarihan at hindi sikat kapag kapitan o kagawad "lamang" sila.
Para sa kanila iba ang dating kapag konsehal ka ng bayan o hindi kaya vice-mayor o mayor.
Sana mali ako. Pero sa kanila na nanggaling ang salitang, "tumakbo na rin tayo kahit man lamang sa barangay".
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento