Kitang kita sa video na ini-report sa 24 Oras ang pananampal ni Kapitan Fred Arthur Agatep, presidente ng ABC (Liga ng mga Barangay) sa bayan ng Lasam, sa emcee.
Hindi raw narinig ni Agatep na binanggit ng emcee ang kanyang pangalan.
Nagulat ang emcee, pati na rin ang ibang tao, dahil dinig naman daw na tinawag ang pangalan ng kapitan.
Lasing daw noon si Agatep, na kita rin sa video na medyo sumuray habang nasa entablado.
Nahaharap siya ngayon sa kasong physical injuries na balak isampa ng nasapak na emcee na si Jeremy Christian Rola, graduate ng University of the Philippines, Los Banos (UPLB) at kawani ng Department Agriculture regional office.
Ayon kay Rola, habang binabasa niya ayon sa alaphabetical order ang listahan ng 30 barangay sa bayan ng Lasam, Cagayan, bigla na lamang pumunta sa harapan ang kapitan para sabihing hindi nabasa ang pangalan niya.
"Lasing kasi siya at excited. Gusto niya po first in the list kasi siya ang ABC (Liga ng mga Barangay) President" sabi ni Rola.
Sa kabila ng ginawa ni Agatep, pinili ni Rola na ipagpatuloy ang programa sa halip na lumaban o basta na lamang umalis.
"Kung mayroong isang bagay na maipagmamalaki ko, ito ay ang mabuting asal na itinuro ng mga magulang ko...sa halip na gumanti o basta na lamang umalis, sinabi ko sa sarili ko na maraming mga manonood na naghihintay...ayaw kong sayangin ang kanilag oras, kung kaya't nagpatuloy ako na parang walang nangyari" sabi niya.
Balak ni Rola ngayon na mag-file ng kasong physical assault sa tulong ni Mayor Marjorie Apil Salazar.
Si Agatep ay kapitan ng Barangay Centro II (Poblacion) ng bayan ng Lasam, Cagayan at ABC President ng nasabing bayan.
Wala pang pahayag ang naturang kapitan.
Tanong ng The Lazy Boy's Journey, isang site sa You Tube, "Ano Kaya ang dapat gawin sa mga tarantadong politiko na ganito?". GMA News.