Miyerkules, Pebrero 10, 2016

Sumbungan sa Barangay ng 4Ps Itinalaga



Iniutos kamakailan ng tanggapan ng DSWD Region 2 sa Tuguegarao, Cagayan sa lahat ng Municipal Advisory Councils sa Region 2 na magkaroon ng mga Barangay Complaint Desks para harapin ang mga reklamo sa lugar tungkol sa Pantawid Pamilyang Pilipino or 4Ps.                                                                 
Sinabi ni Maricel Asejo, Information Officer ng nasabing tanggapan, marami silang natatanggap na reklamo tungkol sa programa at ang mga naging gawi ng mga nakatatanggap ng benepisyo.                      

“Sa pagkakaroon ng mga complaint desks, mabilis na matutugunan ang bawat reklamo ng mga beneficiaries at magawan ng agarang aksyon” sabi ni Asejo.  

Sinabi rin niya na isa sa mga bunga ng pagsasakatuparan ng programa ay ang pagpapalakas sa kakayahan at maisulong ang magandang pagtitinginan ng mga pamilyang nakatatanggap.   

Karamihan aniya sa mga reklamong kanilang nahaharap ay may kinalaman sa pagtrato ng mga kalalakihan sa kanilang asawa na siyang tumatanggap ng mga benepisyo. Bukod dito, nabanggit din niya ang pagkakasangkot ng mga ito sa bisyo tulad ng sugal at awayan ng mga pamilya.   

“Ito ang mga halimbawa ng mga reklamong idinudulog sa amin” dagdag pa niya.   

Ang complaint desk ay kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa Municipal Local Government Office, Municipal Social Welfare and Development, Punong Barangay, Municipal Link at ang Parent Leader. (Philippine Information Agency)