Miyerkules, Setyembre 23, 2020

Barangay sa Bulacan, pagtatayuan ng New Manila International Airport

Ano ang isang malaking kaganapang mangyayari sa Barangay Taliptip na magpapabago sa buhay ng mga naninirahan dito?

Matatagpuan sa bayan ng Bulakan, 35 kilometro ang layo mula sa Metro Manila, sisimulan na sa barangay na ito ang P734-Billion New Manlia International Airport bago matapos ang taong ito.

Dahil dito, nagsimula nang lumikas ang mga nainirahan dito papunta sa kani-kanilang lugar na pinanggalingan sa Samar, Negros, Nueva Ecija, Sorsogon, Mindoro, Masbate, Camarines Sur, Malabon, Bataan, Valenzuela, Paranaque, Dumaguete, at Albay.

Ayon kay Mr. Ramon Ang, presidente ng San Miguel Corporation, ang builder ng naturang airport, nagkakahalaga ng P100 milyon ang nagastos para mabayaran ang mga ari-arian ng may 369 na mga dating naninirahan dito.

Ang mga naiwan ay bibigyan ng pagkakataon na mag-training at makapagtrabaho sa itatayong airport habang ito ay ginagawa pa lang hanggang sa ito ay nakatayo at operational na.

Kapag bukas na, inaasahan na ang may laking 2,400 na ektaryang airport ay magbibigay daan sa pagpasok ng mas maraming turista at pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa dahil kaya nitong tumanggap ng 100 milyong pasahero sa loob ng isang taon.

Sa malaking pagbabagong ito sa Barangay Taliptip, may matitira pa kayang lupain para sa mga tagarito kapag naitayo na ang bagong airport?

Mayroon pa kayang Pamahalaang Barangay ng Taliptip sampu ng mga opisyal at kawani nito? 

May pamayanan pa kaya ng mga residente na maninirahan dito? 

May mga eskuwelahan, simbahan, palaruan o mga pamilihan pa kayang matatagpuan o tuluyan nang mabubura sa mapa ang barangay na ito? 

(Photo Credit: San Miguel Corporation)       


 

Martes, Setyembre 22, 2020

Buhay sa Fuga Island, isang malayong barangay sa karagatan ng Aparri, Cagayan


 

Ayon sa isang report ng CNN, kahirapan, kawalan ng sapat na social services para sa mga mamamayan at walang sariling lupang kinatitirikan ng tahanan at pinagkukunan ng kabuhayan ang ilan sa mga nakalulungkot na sitwasyon na kinakaharap araw-araw ng may 2,015 na residente ng Fuga Island sa bayan ng  Aparri sa Cagayan.

May sukat na 7,000 ektarya (kasing laki ng Quezon City), ang islang ito ay kabilang sa Babuyan Islands na nasa may dulong bahagi Hilagang Luzon.

Ito ay pag-aari ng Fuga Island Holdings, isang pribadong korporasyon, at karamihan ng mga residente rito ay nakatira sa may dalampasigan ng Naguilian (Musa) community na nasa katimugang bahagi ng isla.

Para makapunta sa Fuga Island, may 2 hanggang 3 oras na byaheng ferry service mula sa Claveria, Cagayan.  Mayroon din itong mahigit isang kilometrong habang paliparan para sa mga light planes.

Sa kasalukuyan, ang barangay na ito ay pinamumunuan ni Punong Barangay Melchor A. Visario. (News and video credits: CNN and YouTube)