Martes, Marso 1, 2016

Mga Kasambahay Kailangang Iparehistro sa Barangay

Inatasan kamakailan ni DILG Secretary Mel Senen S. Sarmiento ang mga barangay na obligahin ang bawa’t kabahayan na may kasambahay sa kanilang nasasakupan na iparehistro ang mga ito sa Kasambahay Master List.

“Bilang bahagi ng Barangay Assembly Day sa bawa’t barangay ngayong buwan ng Marso 2016, dapat isama sa pag-uusapan ang Barangay Registration ng mga Kasambahay” sabi ni Sarmiento.

Ipinaliwanag ng DILG Secretary na ito ay naaayon sa Republic Act No. 10361 o mas kilala bilang An Act Instituting Policies for the Protection and Welfare of Domestic Workers na inaprubahan ni Pangulong Aquino dalawang taon na ang nakalilipas.

“Ito ay isang paalala sa lahat ng mga opisyal ng barangay na huwag balewalain ang pagpaparehistro ng mga kasambahay.  Ang mga kinatawan ng Pag-IBIG, PhilHealth at SSS ay maaaring anyayahan para maglagay ng kanilang lamesa para tumanggap ng mga aplikasyon para maging miyembro” sabi ni Sarmiento.

Isinasaad ng batas na ang kasambahay ay sinuman na gumagawa bilang katulong sa bahay, “nurse maid” o yaya, tagapagluto, hardinero o tagapaglaba, nguni’t hindi kabilang ang sinuman na hindi tuluy-tuloy o pangmatagalan ang pamamasukan.

Hindi rin kabilang dito ang mga foster children, mga pinag-aaral o binibigyan ng baon, pamasahe, mga project o gawain sa eskwela.

Barangay Kasambahay Desk
Noong Hulyo 2013, inatasan ng DILG ang mga barangay na magkaroon ng Kasambahay Desks. Ang mga Punong Barangay ay pinagawa ng mga sistema para matiyak na ang pagpaparehistro ng lahat ng mga kasambahay sa kanilang barangay, kabilang na rito ang on-line registration sa pamamagitan ng kanilang website o e-mail.

Ang Kasambahay Registration Form (KR Form 1) at ang Kontrata sa Paglilingkod sa Tahanan ay maaaring makuha sa mga barangay at munisipyo o hindi kaya sa panglungsod na Public Employment Service Office (PESO). Maari ring mai-download ang mga ito mula sa  www.dilg.gov.ph and www.dole.gov.ph.

Kung sakaling natapos na ang kontrata, kalangang ipaalam kaagad sa  Kasambahay Desk ng amo para maitala ito.

Ipinagbabawal sa mga taga-barangay o ng lokal na tanggapan ng Public Employment Office ang pagbubunyag ng impormasyon tungkol sa kasambahay o ng tungkol sa amo.

Ito ay nasasakop Republic Act No. 10173 (Data Privacy Act of 2012) at iba pang mga batas.  Ang paglabag dito ay may kaukulang multa o pagkabilanggo.