Martes, Agosto 1, 2017

Walang permit para sa mga barangay na 'pasaway' sa Iloilo City



Iloilo City – Hindi bibigyan ng permit para sa anumang mga gawain ang barangay na hindi tumutulong sa pagsugpo ng iligal na droga, ayon kay Kon. Reyland Hervias, Pangulo ng Liga ng mga Barangay ng Iloilo City.

Ang mga permit na ito ay kinabibilangan ng mga gawain tulad ng mga parada, programa, perya, sound system, ‘binayle’ o benefit dance at iba pa, ayon sa Punong Barangay na nakaupo bilang Konsehal sa Sangguniang Panglunsod ng Iloilo na may 180 na barangay.

Tanging mga “gawaing pang relihiyon” lamang sa mga barangay na ito ang iisyuhan ng permit tulad ng prusisyon, bigay diin ni Hervias.

Ang mga Sangguniang Barangay ay tinaningan hanggang katapusan ng Agosto 2017 na maipakita na nakasunod sila sa mga panuntunan para maideklarang drug-free na ang kanilang lugar.

“Sa katapusan ng Agosto, malalaman na namin kung aling barangay ang nakatupad at alin ang hindi o hindi man lang nagisisikap na makatupad,” ayon pa kay Hervias.

Binalaan niya na mahaharap sa mga kasong administratibo ang mga opisyal ng barangay na hindi nakikipagtulungan.

 Sa kabilang banda, pinabulaanan ni Hervias na labis na pine-pressure ni Mayor Jed Patrick Mabilog ang mga opisyal ng barangay sa gitna ng akusasyon ni Pangulong Duterte na ang Mayor ay isang drug protector.

“Sa katunayan, gusto nga silang matulungan ng mayor na bumisita sa iba’t-ibang barangay ng lungsod kamakailan,” sabi ni Hervias.

Samantala, binigyang diin ng isang DILG memorandum ang kahalagahan ng  anti-drug abuse councils (BADACs) na pinamumunuan ng punong barangay sa kampanya laban sa iligal na droga. 

Sa ilalim ng DILG memorandum, ang hindi paglalaan ng bahagi ng kanilang budget para masuportahan ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ay dahilan para hindi maaprubahan ang taunang budget ng barangay.

Hinihimok ni Mabilog ang mga Ilonggo na baguhin ang negatibong tingin sa Lungsod ng Iloilo.  Tinawag ni pangulong Duterte and Iloilo na “most shabu-lized” at “bedrock” ng iligal na droga. 

Hinimok rin ng alkalde ang media na ipahayag ang “tunay na larawan” ng Iloilo “sa mundo.”  

Para sa Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police, maaari nang ideklara na drug-free ang isang barangay kung natupad na ang mga sumusunod: 

* wala nang makuha o mabiling droga sa lugar

*wala nang iligal na droga na dumaraan sa barangay para         ipamahagi sa ibang lugar 

* walang laboratoryo sa paggawa ng iligal na droga

* walang bodega ng iligal na droga

*walang pataniman ng marijuana

*walang drug den

*walang drug pusher

*walang drug users/dependents

*walang mga protector at financier

Kailangang ang mga barangay council o BADAC ang maghanda ng mga dokumento tungkol dito.

Sinabi ni Hervias na nahihirapan ang mga barangay na kumbinsihin ang mga drug personality na sumailalim ng rehabilitasyon.

Diin pa ni Superintendent Remus Zacharias Canieso, City Police Director, ang rehabilitation ay kinakailangan sa pagsugpo ng droga.  Ang Iloilo City Police Office ay bahagi ng oversight committee na umaalam kung nakatutupad ang mga barangay.

“Kung may drug users dapat mag-conduct ang mga barangay councils ng drug rehab program. Hindi  pwedeng may drug users sa barangay tapos walang intervention na ginagawa,” sabi ni Canieso. (Panay News)

Photo Credit:  Iloilo City Hall, iloilocity.gov.ph
Like us on Facebook and Share.