Martes, Agosto 8, 2017

Liga ng mga Barangay suportado ang Martial Law extension


Nagpahayag na ng kanilang pagsuporta ang Liga ng mga Barangay sa Pilipinas sa hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin ang martial law sa Mindanao para matuldukan na ang kaguluhang nilikha ng Maute Group at iba pang teroristang grupo.
Sa inilabas ng resolusyon ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas, sang-ayon ang grupo na magkaroon ng extension ang martial law sa Mindanao upang matapos na ang gulo at magkaroon na ng katahimikan ang naturang lugar.
Ayon sa nilagdaang resolusyon ng mayorya ng National Executive Board ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas na pinamumunuan ni Atty. Edmund Abesamis, sa pamamagitan ng pagpapalawig ng martial law sa Mindanao ay mas mapadadali sa tropa ng gobyerno na matapos ang gulong sinimulan ng Maute Group.
Naniniwala rin ang Liga ng mga Barangay sa Pilipinas na hindi inaabuso ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang idineklarang martial law sa Mindanao dahil ang tanging hangarin lamang ng batas militar ay sugpuin ang mga teroristang grupo.
Matatandaang noong May 23, 2017 nang ideklara ang Proclamation No. 216 (martial law) sa Mindanao na tumagal ng 60 araw base sa nakasaad sa batas at ngayong natapos na ang dalawang buwan ay hindi pa rin tuluyang nauubos ang mga terorista sa Marawi City kaya’t sa isinagawang joint session ng Kongreso, inaprubahan ang pagpapalawig sa martial law.
Ito’y base na rin sa kahilingan ni Pangulong Duterte na magkaroon ng extension ang martial law hanggang sa December 31, 2017 upang tuluyang masugpo ang mga terorista sa Marawi City at iba pang karatig na lugar.
May mga taga-Metro Manila ang labis na tumututol sa pagpapalawig ng martial law ngunit agad naman itong kinontra ng mga mismong naninirahan sa Mindanao.
Ayon pa nga sa kababayan nating naninirahan sa Mindanao, hindi sila natatakot sa pagpapatupad ng martial law dahil ang tanging layunin ng batas militar ay sugpuin ang mga nanggugulo sa kanilang lugar.
Naging usap-usapan pa nga sa social media ang tungkol sa martial law dahil karamihan sa mga taga-Mindanao ay pabor sa batas militar habang ang ilan namang nasa Luzon ay siya pa ang tumututol.
Nakatatawang isipin na kung sino pa ang hindi naaapektuhan ng martial law ay sila pa mismo ang tumututol dahil hindi nila naiintindihan ang damdamin ng mga taga-Mindanao na labis na naaapektuhan ng kaguluhan.
Hangarin ng Pangulo na matapos na ang kaguluhan sa Mindanao at tuluyang magkaroon ng kapayapaan ang naturang lugar kaya’t hinihiling nito ang pagpapalawig sa martial law(Reposted from Daily Star Ph)
PHOTO CREDIT:  National Liga President Atty. Edmund Abesamis - GMA Network