Mga palaka ang nakikitang isa sa mga solusyon ng barangay captain sa Old Balara, Quezon City para kontrolin ang dengue cases sa lugar na nasasakupan. May isandaang palaka ang pinakawalan sa mga damuhan at kanal sa Old Balara kamakailan bilang bahagi ng kanilang anti-dengue drive.
Bukod pa rito, may 400 pa ang ikinalat sa iba pang bahagi ng barangay. Inaasahan nilang susuot ang mga palaka sa masisikip na lugar na pinamumugaran ng mga lamok. Kakainin naman ng mga palakang ito ang mga lamok, ulat ng ABS-CBN News.
Hindi ito ang unang beses na nagpakalat ng mga palaka sa Brgy. Old Balara para sa anti-dengue operation nito. “Yung palaka ang maglilinis ng masusukal na lugar at yung mga drainage system na kulob at hindi namin mapasok ng tao para linisin,” paliwanag ni Bgy. Old Balara Captain Allan Franza.
Ginagawa na nila ito mula pa noong 2016. “Bagamat wala pa namang tiyak na pag-aaral, pero base sa aming observation ay nakakatulong siya,” ani Franza sa ulat ng Ulat Bayan ng PTV.
Tinatayang 19 na kaso na ang naitala sa lugar, 80 porsyentong mas mataas kesa noong 2021. (PEP.PH)