Biyernes, Marso 11, 2016

Barangay Sa Laguna Binago Ng Bilyonaryong Kapitan



Si Punong Barangay Eugenio S. Ynion Jr.



Dahil nais niyang mapalapit ng tirahan sa mga kaanak, nagpasiya ang negosyanteng si Eugenio S. Ynion Jr. na lumipat sa tahimik na lugar na ito sa Laguna para dito na manirahan at para mapalayo na rin sa ingay at kaguluhan ng Metro Manila.                      

"Mahabang kwento”, ang sinabi niya tungkol sa desisyon niya na lumipat sa La Marea - may sampung taon na ang nakalilipas - isang esklusibong subdibisyon malapit sa hangganan ng Metro Manila at Laguna, “ang gusto ko talaga ay mapalapit sa aking mga kapatid na naninirahan na rito”.  

Ang La Marea, na nasa Barangay San Antonio sa Lungsod ng San Pedro sa Laguna, ay pawang may kaya ang karamihan ng mga naninirahan. Magagara ang  mga tahanan, nasa matanawing bahagi ito ng lungsod. Tahimik at maginhawa ang klima sa  lugar na hinihipan ng malamig na hangin laluna kung gabi na nagmumula sa Lawa ng Laguna.  Tamang-tama ang lugar na ito sa mga nagnanais ng tahimik na pamamahinga sa gabi matapos ang maghapong gawain sa upisina.  

Tubong Iloilo, kuntento na sana si Jun sa kanyang sitwasyon nguni’t may mga pangyayaring naganap sa kanyang barangay na nagpabago sa takbo ng kanyang buhay – at ng barangay San Antonio mismo. 

“Labis akong nabahala sa problema ng barangay namin sa basura, sa mga nakawan at iba pang krimeng madalas na maganap dito.  Bagamat lagi akong  nakikipag-ugnayan sa aming mga opisyal dito, wala akong makitang agarang solusyon mula sa kanila” sabi niya.  

Ang Barangay San Antonio ang pinakamalaking barangay sa Lungsod ng San Pedro.  May kabuuang sukat ito na 780 ektarya at pangalawa sa pinakamaraming naninirahan na humigit kumulang ay 52,000 mga residente.

Maganda sana ang hinaharap ng komunidad na ito kung hindi sa talamak na problema sa droga at kahirapan ng maraming mamamayan dito.  Ang mga ito marahil at iba pang problema ang siyang humihila rito pababa kasama na rito ang mga mga kurap na opisyal ng barangay.  Ayon sa kanya, mas mahalaga pa sa kanila kung paano maipapasok ang mga kamay  sa kaban ng bayan.  

Ito ay noong hindi pa siya ang Punong Barangay. Sa halalang barangay noong 2013, tumakbo siya sa nasabing puwesto at nanalo kung kaya’t isang Ilonggo na ngayon ang namumuno sa Barangay San Antonio na pawang mga Tagalog ang karamihan ng mga sinaunang nakatira.  

Mula nang naupo siya bilang Punong Barangay, malaki ang nabago sa takbo ng buhay ng mga taga Barangay San Antonio. Naging isa itong huwarang komunidad. Umasa ito, hindi lamang sa pamamagitan ng sariling kakayahan nito, kung hindi pati na rin ng tulong mula sa kanyang mga kumpanya sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan, pagkakaloob ng hanapbuhay at marami pang mga programa at serbisyong pangkalusugan, edukasyon at kapaligiran.  

Ngayon ang Barangay San Antonio ay may sarili nang fire truck, mga rescue boats, school buses, mga motorsiklo at iba pang sasakyan gayundin ng iba’t ibang gamit pangkomunikasyon para mapaigi ang serbisyo sa mga mamayan.   

Ang pagpapaigting ng kampanya laban sa droga ay nakasilo ng mahigit 40 pushers. Libre ang serbisyong pangkalusugan, ang edukasyon ay binibigyan ng pangunahing pansin kasama na rito ang pamimigay ng mga gamit pang eskwela.  Ang kanyang mga kumpanya naman ay nagpaluwal sa pagpapagawa ng San Antonio Exchange Terminal at Casa de San Antonio para akitin ang mga mamumuhanan at paramihin ang mga trabaho’t kabuhayan.  

Ayon sa kanya, bilang Punong Barangay, ang serbisyo publiko ay parang isang kawang-gawa.  Upang maging epektibo, kailangang ng tuluy-tuloy na mga proyekto. 

“At para magpatuloy ang mga ito, kailangang nasa ayos ang paggamit ng pondo ng gubyerno” dagdag pa niya.  “Ako’y naniniwala na para maging epektibo ang isang naglilingkod sa bayan, kailangan ng maayos at  mabuting pamamahala at walang halong kurapsiyon.”  

Sa ngayon, mas nilawakan pa niya ang abot ng kanyang tanaw.  Tumatakbo bilang Mayor ng San Pedro City, ang kanyang plataporma: peace and order, transparency at good governance.

“Hindi kailanman pumasok sa aking isip noon na ako ay hahawak ng pwesto sa gubyerno” sabi niya.  “Ngunit naininiwala ako na may plano para sakin ang nasa Itaas bilang isang public servant”. “Gusto kong maging isang first class city ang San Pedro” pahayag ni  Kap Jun. 

 Magtagumpay kaya siya? Maaaring isang malaking balakid ang kanyang kinakaharap sa bagong pagsubok na ito nguni’t sanay na naman siyang humarap sa ganito noon pa mang nag-uumpisa siya bilang negosyante. Marami na siyang pinagdaaanan hanggang sa siya ay magtagumpay. 

 Tulad ng ibang mga nagosyanteng dumaan sa maraming pagsubok, ilang beses din siyang bumagsak at bumangon noon bago niya nakamit ang tagumpay.    

Ayon sa pinakahuling Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) niya, mahigit na P1 bilyon na ang halaga ng kanyang assets, halos katumbas na ng budget ng isang pangkaraniwang-laking lungsod.       

Si Kap Jun ay isang huwarang padre de familia, isang mapagmahal na asawa sa kanyang kabiyak na si Carissa, at mabuting ama sa kanyang anim na anak.  Siya ay may kapatid na tumatakbo ring konsehal sa Lungsod ng Iloilo.  (The Daily Guardian)