Si Punong Barangay Eugenio S. Ynion Jr. |
Dahil nais niyang
mapalapit ng tirahan sa mga kaanak, nagpasiya ang negosyanteng si Eugenio S.
Ynion Jr. na lumipat sa tahimik na lugar na ito sa Laguna para dito na
manirahan at para mapalayo na rin sa ingay at kaguluhan ng Metro Manila.
"Mahabang
kwento”, ang sinabi niya tungkol sa desisyon niya na lumipat sa La Marea - may
sampung taon na ang nakalilipas - isang esklusibong subdibisyon malapit sa
hangganan ng Metro Manila at Laguna, “ang gusto ko talaga ay mapalapit sa aking
mga kapatid na naninirahan na rito”.
Ang
La Marea, na nasa Barangay San Antonio sa Lungsod ng San Pedro sa Laguna, ay
pawang may kaya ang karamihan ng mga naninirahan. Magagara ang mga
tahanan, nasa matanawing bahagi ito ng lungsod. Tahimik at maginhawa ang klima
sa lugar na hinihipan ng malamig na hangin laluna kung gabi na nagmumula
sa Lawa ng Laguna. Tamang-tama ang lugar
na ito sa mga nagnanais ng tahimik na pamamahinga sa gabi matapos ang maghapong
gawain sa upisina.
Tubong
Iloilo, kuntento na sana si Jun sa kanyang sitwasyon nguni’t may mga
pangyayaring naganap sa kanyang barangay na nagpabago sa takbo ng kanyang buhay
– at ng barangay San Antonio mismo.
“Labis
akong nabahala sa problema ng barangay namin sa basura, sa mga nakawan at iba
pang krimeng madalas na maganap dito. Bagamat
lagi akong nakikipag-ugnayan sa aming mga opisyal dito, wala akong
makitang agarang solusyon mula sa kanila” sabi niya.
Ang
Barangay San Antonio ang pinakamalaking barangay sa Lungsod ng San Pedro.
May kabuuang sukat ito na 780 ektarya at pangalawa sa pinakamaraming
naninirahan na humigit kumulang ay 52,000 mga residente.
Maganda
sana ang hinaharap ng komunidad na ito kung hindi sa talamak na problema sa
droga at kahirapan ng maraming mamamayan dito. Ang mga ito marahil at iba
pang problema ang siyang humihila rito pababa kasama na rito ang mga mga kurap
na opisyal ng barangay. Ayon sa kanya, mas mahalaga pa sa kanila kung
paano maipapasok ang mga kamay sa kaban ng bayan.
Ito
ay noong hindi pa siya ang Punong Barangay. Sa halalang barangay noong 2013,
tumakbo siya sa nasabing puwesto at nanalo kung kaya’t isang Ilonggo na ngayon
ang namumuno sa Barangay San Antonio na pawang mga Tagalog ang karamihan ng mga
sinaunang nakatira.
Mula
nang naupo siya bilang Punong Barangay, malaki ang nabago sa takbo ng buhay ng
mga taga Barangay San Antonio. Naging isa itong huwarang komunidad. Umasa ito, hindi
lamang sa pamamagitan ng sariling kakayahan nito, kung hindi pati na rin ng
tulong mula sa kanyang mga kumpanya sa pagpapanatili ng katahimikan at
kaayusan, pagkakaloob ng hanapbuhay at marami pang mga programa at serbisyong
pangkalusugan, edukasyon at kapaligiran.
Ngayon
ang Barangay San Antonio ay may sarili nang fire truck, mga rescue boats,
school buses, mga motorsiklo at iba pang sasakyan gayundin ng iba’t ibang gamit
pangkomunikasyon para mapaigi ang serbisyo sa mga mamayan.
Ang
pagpapaigting ng kampanya laban sa droga ay nakasilo ng mahigit 40 pushers.
Libre ang serbisyong pangkalusugan, ang edukasyon ay binibigyan ng pangunahing
pansin kasama na rito ang pamimigay ng mga gamit pang eskwela. Ang
kanyang mga kumpanya naman ay nagpaluwal sa pagpapagawa ng San Antonio Exchange
Terminal at Casa de San Antonio para akitin ang mga mamumuhanan at paramihin
ang mga trabaho’t kabuhayan.
Ayon
sa kanya, bilang Punong Barangay, ang serbisyo publiko ay parang isang kawang-gawa.
Upang maging epektibo, kailangang ng tuluy-tuloy na mga proyekto.
“At
para magpatuloy ang mga ito, kailangang nasa ayos ang paggamit ng pondo ng
gubyerno” dagdag pa niya. “Ako’y naniniwala na para maging epektibo ang
isang naglilingkod sa bayan, kailangan ng maayos at mabuting pamamahala
at walang halong kurapsiyon.”
Sa
ngayon, mas nilawakan pa niya ang abot ng kanyang tanaw. Tumatakbo bilang
Mayor ng San Pedro City, ang kanyang plataporma: peace and order, transparency
at good governance.
“Hindi
kailanman pumasok sa aking isip noon na ako ay hahawak ng pwesto sa gubyerno”
sabi niya. “Ngunit naininiwala ako na may plano para sakin ang nasa Itaas
bilang isang public servant”. “Gusto kong maging isang first class city ang San
Pedro” pahayag ni Kap Jun.
Magtagumpay
kaya siya? Maaaring isang malaking balakid ang kanyang kinakaharap sa bagong
pagsubok na ito nguni’t sanay na naman siyang humarap sa ganito noon pa mang
nag-uumpisa siya bilang negosyante. Marami na siyang pinagdaaanan hanggang sa
siya ay magtagumpay.
Tulad
ng ibang mga nagosyanteng dumaan sa maraming pagsubok, ilang beses din siyang
bumagsak at bumangon noon bago niya nakamit ang tagumpay.
Ayon
sa pinakahuling Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) niya,
mahigit na P1 bilyon na ang halaga ng kanyang assets, halos katumbas na ng budget
ng isang pangkaraniwang-laking lungsod.
Si
Kap Jun ay isang huwarang padre de familia, isang mapagmahal na asawa sa
kanyang kabiyak na si Carissa, at mabuting ama sa kanyang anim na anak. Siya
ay may kapatid na tumatakbo ring konsehal sa Lungsod ng Iloilo. (The Daily Guardian)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento