Lunes, Hulyo 24, 2017

Mga senador nagkahati-hati sa panukalang ipagpaliban ang halalang barangay



Nagpahayag ng magkakaibang pananaw ang mga senador sa panukalang ipagpaliban ang halalang barangay.

 Para kay Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino, mahalaga na ang mga mamamayang Filipino ay may pagkakataon na piliin ang kanilang mga pinuno.

 “Pag may postponement, may holdover status at sa palagay ko, ayon sa isinasaad ng ating mga batas, hindi kinakailangan ang holdover status ng mga halal na opisyal.  Hindi rin maaring basta-basta na lamang sila tatanggalin sapagkat sila ay naihalal.  Dapat may tamang proseso dahil halal sila ng taumbayan at kadalasan, ang basta pagtatalaga lamang ay hindi pinapayagan ng batas”. 

Sa kanyang talumpati naman kamakailan sa ginanap na Strategic Consultation and Workshop on Federalism, Barangay Reform, and Role of Barangays in National Security Concerns na inorganisa ng Liga ng mga Barangay, hinamon ni Senador Aquilino Pimentel lll ang mga punong barangay na linisin nila ang kanilang hanay para mapatunayan nila kay Pangulong Duterte na walang katotohanan ang napaulat na aabot sa 40 porsiyento ng mga namumuno sa barangay ay sangkot sa iligal na droga.

“Kung mali ang naturang report, marahil ay wala nang dahilan para pag-usapan pa ang pagtatalaga at pagpapalit ng mga opisyal ng barangay," sabi ni Pimentel.

Subali’t dagdag niya na kailangang patunayan ng mga punong barangay sa Pangulo at sa mga anti-drug agencies tulad ng Philippine National Police at ng Philippine Drug Enforcement Agency na walang katotohanan ang nasabing report.

“Kaya sa palagay ko ay isang hamon iyan sa bawa’t isa sa inyo,” ayon saPangulo ng Senado.

Sinabi pa ni Pimentel na”kung ang isang barangay ay drug-infested, heavily drug-infested, ang ating intelligence community ay hindi malayong mag-isip na sangkot nga sa droga ang mga pinuno ng barangay…natural lang na maging ganoon ang kanilang paniniwala."  

Hinimok din ni Pimentel na kailangang ipakita ng pamunuan ng barangay sa mga gumagawa ng polisiya na sila ay masugid sa pagpapaigting ng kanilang pagkilos para masugpo ang salot na droga.  

Madalas nang mabanggit ni Pangulong Duterte na ginagagamit lang ng mga sindikato ng droga ang halalang barangay para sa kanilang kapakanan.  Naniniwala si Pangulong Duterte na kapag natuloy ang halalan, ang mga kandidatong may kuneksiyon sa droga ang tiyak na mananalo.

 Ayon sa mga umiiral na batas, kinakailangang maamyendahan muna ang batas bago makapagtalaga ang Pangulo ng mga opisyal sa mahigit na 42,000 barangay sa bansa. 

Samantala, isinulong ni Senate Majority Leader Vicente Sotto ang Senate Bill 1469 noong ika-23 ng Mayo 2017 na nagsasaad na sa halip na sa ikaapat ng Lunes ng Oktubre 2017 ganapin ang halalang barangay at SK, ipagpaliban na lamang ito sa Oktubre 2018.  Sinabi niya na magbibigay daan ito para maimbistighan ang mga may kuneksiyon sa iligal na droga.

Sinabi naman ni Sen. Francis Escudero na karapatan ng Kongreso na itakda ang termino ng mga opisyal ng barangay gayundin ang petsa ng halalan at tinanong din niya kung gaano katagal ito ipagpapaliban.

"So hold-over lang ba ang istado nila o tatanggalin?  At kung sila ay tatanggalin dapat nating alalahanin na halal na opisyal ang mga ito.  Dapat din nating kilalanin na pinili sila ng kanilang mga nasasakupan at hindi natin maaring suwayin ang hangad ng taumbayan."

Hinimok din ni Escudero ang  Department of Interior and Local Government na magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga napaghihinalaang opisyal ng barangay, kung may mga ebidensiya na kakutsaba nga sila ng mga sindikato sa kanilang mga nasasakupang lugar.

Pinuna naman ni Senator Sherwin Gatchalian ang DILG sa hindi nito pagsasagawa ng nararapat na aksyion laban sa mga opisyal ng barangay na sangkot sa iligal na droga.

 Sinabi ni Gatchalian na ang pagpapaliban ng halalang barangay ay hindi katanggap-tanggap para sa kanya dahil sa ito na ang pangalawang beses na ang kasalukuyang administrasyon ay humingi ng postponement. 

“Ano nangyari sa loob ng isang taon?  Ang katwiran sa unang pagpapaliban ay tanggalin ang sinasabing 40 porsiento ng mga kapitan ng barangay na sangkot sa iligal na droga.  Ang tanong ko, ano na ang nangyari doon sa 40%, tinanggal na ba?”

Hiningi niya na magbigay ang DILG ng ulat dahil malaki na ang panahong ibinigay sa departamento na linisin ang hanay ng barangay.

Para kay Senador Franklin Drilon naman, sa pagpapahayag ng kanyang pagtutol sa posibleng pagpapaliban ng halalan, ang taumbayan ang siyang dapat na pumili ng kanilang mga pinuno sa pamamagitan ng isang bukas at malinis na halalang barangay at SK. (SunStar Philippines)

Photo Credits: bamaquino.com; en.wikipedia.org; untvweb.com; rappler.com; politics.com.ph; gmanetwork.com. English Version: Barangay Reporter