Lunes, Setyembre 19, 2022

Mga basurang plastic malaking hamon sa mga coastal barangay ng Cagayan de Oro City

Marami pang dapat gawin para mabawasan ang mga plastic na basura sa mga dalampasigang barangay ng Cagayan de Oro City.

Base sa obserbasyon ni Chairman Allan Mabalacad ng Barangay Bonbon matapos ang taunang International Coastal Cleanup (ICC) Day na kung saan kasali ang 13 barangay, kailangang may matibay na patakaran para maiwasan ang pagdami ng mga plastic na basura.  

Sa isang panayam, sinabi niya na kaya mas maraming basurang plastic sa lugar ay dahil sa mga beach resort dito.

Ayon naman kay Maria Judelyn Pueblos, isa sa mga volunteers, karamihan sa mga nakuhang basura ay plastic bottles at wrappers.

Ang katatapos na clean up drive sa Cagayan de Oro ay nagmula sa Barangay Lapasan nitong nakaraang Biyernes ng buwang kasalukuyan at kinabibilangan ng iba pang mga barangay tulad ng Lapasan, Agusan, Bayabas, Bulua, Bugo, Cugman, Gusa, Macabalan, Puntod, Puerto, and Tablon.

Layon ng ICC Day na pakilusin ang maraming tao sa buong mundo para alisin ang mga basura sa mga dalampasigan, ilog at lawa.

Ito ay idinaraos tuwing ika-tatlong Sabado ng Setyembre taun-taon.  

Ayon sa mga environmentalists, ang top five sa mga nakokolektang bagay tuwing may ICC clean-up ay upos ng sigarilyo, plastic na bote ng soft drinks, plastic wrappers, plastic na takip ng bote at plastic straws.

Ayon naman sa pahayag ng international group na Surfrider Foundation, lahat ng mga basurang nakokolekta ay yari sa plastic. Ang katangian ng plastic na angkop at matibay na gamit pambalot ay isa ring environmental nightmare.  

Dahil ito ay non-biodegradable o hindi nabubulok, nagpipira-piraso sila sa pagkakabilad sa araw at kapag ang mga maliliit na piraso nito ay nanuot sa kapaligiran natin, malaking pinsala ang dulot nito sa ating wildlife at marine ecosystem.

Bagama’t ang Department of Environment and Natural Resources-Northern Mindanao ay wala pang datos kung gaano karami ang kabuuang volume ng mga basurang nakukuha, sabi ng mga volunteers at opisyal ng barangay na ang karamihan sa mga basurang nakokolekta ay m ula sa plastic.(Philippine News Agency) PHOTO: Couples for Christ MisOr