Huwebes, Hunyo 29, 2017

Apat lamang sa 182 barangay ng Davao ang may MRF


Ayon sa isang COA report na pinalabas noong ika-22 ng Hunyo, 2017, apat lamang sa 182 na barangay sa Lungsod ng Davao ang nakatupad sa Section 32 ng RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act na nagtatakda na magkaroon ng material recovery facilities (MRF) ang bawat barangay.

Sa ulat, lumalabas na 98% ng mga barangay sa sariling bayan mismo ni Pangulong Duterte ay hindi nakasusunod sa batas na naglalayong isulong ang recycling para pababain ang gastos sa pangongolekta at paliitin ang dami ng basura na itinatapon sa mga landfill.

Ayon sa record ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO), dapat may 16 na MRF na ang naitatayo at nagagamit ngunit lumilitaw sa ginawang inspeksiyon ng mga awditor ng pamahalaaan na ang mga barangay na may MRF lamang ay ang Barangay Crossing Bayabas, Dumoy, Hizon at Mahayag.  

 “May naitayo na dating mga MRF sa Barangay Gov. Paciano Bangoy, San Antonio-Agdao, Centro-San Juan, Lapu-lapu, Sasa, Matina Pangi at Calinan Proper ngunit natigil dahil sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng kakulangan ng pondo at pabago-bagong prayoridad ng administrasyon" ayon sa mga awditor.

Makikita sa isang kwenta ng mga ginastos ng pamahalaang lungsod noong 2016 na naglaan ng P151.74 million para sa “environment/sanitary services,” mas mataas ng P17.02 milyon kumpara sa ginastos para dito noong 2015.

Ang pagkukulang ay hindi dahil sa hindi naiintindihan ng mga opisyal ng barangay sa Davao ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng batas.  Naging kapuna-puna pa nga sa mga taga-COA na “mataas ang antas ng kanilang pagkakaunawa sa Solid Waste Management Act”. Ang problema ay nasa mga opisyal ng lungsod na nagpapatupad ng batas, ayon sa kanila.

Sabi ng mga opisyal ng Barangay Dumoy, Calinan Proper, Matina Pangi at Indangan, pinapayagan daw ng City Environment and Natural Resource Office o CENRO ang pangongolekta ng hindi naihiwalay na basura at ang pagsasama-sama ng iba’t ibang uri nito. 

Kinumpirma ito ng isang survey na isinagawa ng mga awditor sa mga residente ng 14 na barangay na may malalaking populasyon.


Ayon sa COA, ang ganitong mga gawi ay hindi lamang nagpaparami ng basurang kokolektahin at itatapon, kontra sa sistema ng 'waste segregation', kung hindi nagpapalaki pa ng gastos sa upa ng mga trak na panghakot. 

Bukod pa rito, sa halip na mapakinabangan pa ng matagal ang mga sanitary landfill na pinagtatapunan, madaling napupuno ang mga ito dahil sa pagtatapon ng hindi naihiwalay na basura.

Napatunayan lahat ito sa isang isinagawang inspeksiyon ng mga taga COA sa Davao Sanitary Landfill na nasa Barangay New Carmen sa Tugbok, Lungsod ng Davao.

Ang P268 Million Davao City Sanitary Landfill 
Tinanggap naman ni Engr. Elisa P. Madrazo, CENRO ng Davao City ang kinalabasan ng awdit ngunit ipinagtanggol pa rin niya ang kanyang tanggapan at sinabi na, “in good faith”, inaasahan niya ang mga barangay sa lungsod na tutupad sa kanilang tungkulin ayon sa itinatakda ng batas.

Tiniyak naman niya ang mga awditor na palalakasin pa ng CENRO ang pagpapatupad ng RA 9003 sa pamamagitan ng mas masusing pagmamatyag at pakikipag-ugnayan sa bawat barangay. (Malaya Business Insight) Photo Credits: Rappler. com; Durian Post. 

Lunes, Hunyo 26, 2017

Walang kinokolektang pera ang PDP-Laban para magpuwesto ng opisyal ng barangay

Senator Aquilino "Koko" Pimentel III. Photo Credit: Inquirer File Photo
Ayon kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, ang PDP-Laban ay hindi nangungulekta at hindi kailanman tatanggap ng anumang kabayaran mula sa mga nais magkaroon ng puwesto sa barangay.
Sa isang panayam sa Inquirer, sinabi niya na walang ganitong programa ang PDP-Laban o anumamg grupo, laluna iyong mga sumusuporta kay President Duterte.
Wala pa naman aniya na batas ang nagpapawalang bisa ng halalang barangay na nakatakda sa Oktubre at magtatalaga na lamang ng mga opisyal sa mahigit na 42,000 barangay sa buong bansa.
Nagbabala si Pimentel na mag-ingat sa mga taong ginagamit ang pangalan ng PDP-Laban para manghingi ng “registration fees” o kabayaran mula sa mga nais ma-appoint na opisyal ng barangay.
Lokohan Aniya, ang kapalit daw ng mga kinokolektang pera ay para mapasama sa listahan na gagamitin sa pagpili ng mga opisyal ng barangay kapag pinagpaliban ang halalan.
Sinabi ni Pimentel na may mga napaulat na mga insidente ng pangangalap ng pera sa Pampanga, Bicol at ilang bahagi ng Mindanao. Para mapigilan ang mga ganitong pangyayari, lalong pinabilis ng PDP-Laban ang pagre-reorganisa nito sa buong bansa at ang pagtatalaga ng mga tao sa mga lugar na hindi pa nasasakupan ng partido.
Sa ganitong paraan, madaling malaman kung sino ang tao ng partido sa bawat lalawigan at kung may isang grupo halimbawa ang pumunta sa Pampanga para mangalap ng pera sa pangalan ng partido, madaling mai-verify, sabi ni Pimentel.
Nais ni Presidente Duterte na ipagpaliban ang halalang barangay sa kadahilanang 40% ng mga opisyal ng mahigit 42,000 barangay sa buong bansa ay kurap o sangkot sa iligal na droga. (Inquirer.netInquirer.net)