Panglao, Bohol, May 2015.
Nagkaroon kamakailan ng isang public hearing sa Barangay Tangnan sa
Panglao Island, Lalawigan ng Bohol para sa pagtatayo ng isang jetty port o
daungan ng mga sasakyang dagat na gamit sa pangingisda at paghahatid ng
mga kalakal.
Subali’t may
mga taga barangay na nagprotesta sa nasabing proyekto at naghain pa ng
manipesto ng pagtutol dahil makasisira raw ito sa kalikasan, tataas
ang kriminalidad at iba pang mga dahilan. May mga nagsasabi na ang mga pagtutol
ay bunsod lamang ng mga udyok ng mga kalaban sa pulitika ng mga nakaupo sa pamahalaang lokal. May mga nakapuna pa na ang ibang pangalang nakalista sa
manipesto ay pawang mga patay na!
Kinumpirma
ni Punong Barangay Cirilo Gatase, Jr. na isang barangay resolution ang inaprubahan at ipinasa noong ika-9 ng
Hunyo, 2014 ng Sangguniang Barangay.
Ang resolution ay nagpapahintulot sa kanya na pumasok sa isang kasunduan
sa kumpanyang C. Harrison Power Enterprises ng Ormoc City para magtayo at patakbuhin ang nasabing daungan
para sa paghahatid ng mga gamit na kakailanganin sa pagtatayo ng bagong Bohol Airport.
Ang
nasabing jetty, na katulad ng isang mahabang
tulay mula sa tabing dagat para makadaan ang tao’t sasakyan at makalapit sa mga nakadaong na sasakyang dagat, ay 50 metro ang lapad, 300 metro ang haba
at may lalim na 15 metro.
Wala halos gagastusin ang barangay sa
pagtatayo nito maliban sa pagsasaayos ng mga papeles at permiso mula sa mga
lokal at nasyunal na ahensiya ng gubyerno.
Kapag nakatayo at nagagamit na, kikita pa ang
barangay mula sa mga docking fees at buwis.
Makikinabang din ang barangay sa pagsasaayos ng mga kalsada mula sa
daungan patungo sa highway na ang mga gastusin ay sagot din ng kontratista.
Kung
tutuusin, makabubuti para sa isang barangay ang ganitong proyekto. Masuwerte
ang mga barangay tulad ng Tangnan na sa ayaw at sa gusto nito ay nasa landas ng
progreso at kaunlaran. Nasa kanila na kung sasamantalahin nila ang ganitong
mga pagkakataon.
Dagdag
pa rito, ang sistemang napili para ito ay maisakatuparan ay napapanahon at nalilinya
sa tinatawag na Public-Private Partnership na kung saan ang mga proyektong
hindi kayang pondohan at isakatuparan ng pamahalaan ay inaako ng pribadong
sektor. Ito ngayon ang makabagong modelo
para mapabilis ang pag-unlad ng isang bayan, lalawigan gayundin ng isang barangay.
Dapat ang kanilang mindset ay hindi nakatuon lamang sa kung paano pagkakasyahin ang kanilang Internal Revenue Allotment o IRA. Ang isang punong barangay ay tulad din ng isang CEO o Chief Executive ng isang kumpanya at ang barangay na kanyang pinamamahalaan, tulad naman ng isang korporasyon.
Pangunahing tungkulin ng
isang punong barangay na palakasin ang ekonomiya ng kanyang barangay na
nasasakupan. Nang sa ganoon ay magkaroon
ito ng karagdagang kita at budget para matustusang lahat ang kailangang
serbiyso para sa mga mamamayan nito.
Ito dapat ang prayoridad ng isang punong barangay, ang sumabay sa makabagong sistema ng pamamahala. (Pinagmulan ng ulat: Bohol Daily News)
Ito dapat ang prayoridad ng isang punong barangay, ang sumabay sa makabagong sistema ng pamamahala. (Pinagmulan ng ulat: Bohol Daily News)