Lunes, Marso 23, 2020
Barangay Quarantine Pass Iligal - DILG
Pinagsabihan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya ang mga opisyal ng barangay na wala silang awtoridad para maningil para sa pinamimigay na quarantine pass sa kanilang mga nasasakupan.
Ginawa ito ng opisyal dahil sa mga ulat na ilang barangay ang naniningil para sa iniisyu nilang quarantine pass at maging mga food stub.
"Sana gamitin ng mga barangay captain at mga konsehal ang kanilang mga utak. Sa panahong ito, nakadagdag pa sila sa problema ng Pilipinas kung hindi nila pag-iisipang mabuti ang kanilang mga ginagawa,” sabi ni Malaya sa panayam ng himpilang DZBB nitong Linggo.
Binigyang-diin pa nito na wala namang binigay na pahintulot si Pangulong Rodrigo Duterte at maging ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IAFT-EID) para mag-isyu ng sarili nilang quarantine pass ang mga barangay.
Ayon kay Malaya, ang tungkulin ng mga opisyal ng barangay ay tulungan ang kanilang mga kalugar sa kinakaharap na banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19)
Sinabi pa nito na wala ring awtoridad ang mga barangay na maglagay ng mga checkpoint na hindi ikino-coordinate sa kanilang mga alkalde.
Binanggit pa ni Malaya na may mga ulat din na naglalagay pa ng kondisyon sa iniisyu nilang quarantine pass ang mga barangay katulad ng pagtatakda ng oras para bumili ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangan ng isang pamilya.
Ayon kay Malaya, iligal ang mga ganitong ginagawa ng mga barangay at maaari silang panagutin sa batas.
Higit sa lahat, hindi na aniya kinakailangan pang magpatupad din ng lockdown sa kanilang lugar ang mga barangay dahil isinailalim na nga sa enhanced community quarantine ang buong Luzon,’
“Under the Luzon-wide quarantine, hindi na po kailangan ang local lockdown, except dun sa mga lockdown na extreme at para lamang ito mga hot zone na may maraming kumpirmadong COVID-19 cases,” ayon pa kay Malaya.
(Buong ulat nagmula sa: Abante Tonite https://tonite.abante.com.ph/barangay-quarantine-pass-iligal-dilg/)
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)