Davao City - Isang
barangay kagawad ang inaresto sa lungsod na ito noong bisperas ng
bagong taon matapos na mahuling nagpapaputok para salubungin ang taong
2015.
Ang inaresto ng pulisya, kasabay ng
dalawa pang iba, ay si Barangay Kagawad Eduardo Santander. Nahulihan siya ng Saturn Box, dalawang
triyanggulo, Sinturon ni Hudas at isang whisle bomb.
"Labis lang akong na-attract sa
mga nakita ko. Ang ganda kasing tingnan ang mga paputok. Naiinggit ako. Gusto ko
lang din maaliw ang mga tao," sabi ni Santander.
Sinabi naman ni Police Chief Inspector
Ireneo Caburnay na ang mga lumabag ay dapat lang na managot sa kanilang
ginawa.
Mahigpit na ipinagbabawal sa Lungsod ng Davao ang pagpapaputok kapag bisperas ng bagong taon. (Pinagmulan ng Ulat: GMA News, Enero, 2015)
Sa Barangay Pogo Grande, Alas Dose ng Tanghali ang Umpisa ng Bagong Taon
Mahigpit na ipinagbabawal sa Lungsod ng Davao ang pagpapaputok kapag bisperas ng bagong taon. (Pinagmulan ng Ulat: GMA News, Enero, 2015)
Sa Barangay Pogo Grande, Alas Dose ng Tanghali ang Umpisa ng Bagong Taon
Dagupan - Sa
mga taga Barangay Pogo Grande sa Lungsod ng Dagupan, naging tradisiyon na ang
bagong taon ay sinasalubong sa pagsisindi ng mga paputok hindi sa bisperas kundi
sa katanghalian ng Enero 1.
Noong
nakaraang pagdiriwang ng bagong taon, sinindihan ng mga opisyal ng barangay ang
100,000 sari-saring paputok na nakakabit sa isang mahabang tali at nakasabit sa
buong kahabaan ng kalsada ng barangay.
Pagsapit
ng alas dose ng tanghali, sinindihan na ang isang dulo ng tali at nagsimula
ang putukan na tumagal ng may 30 minuto.
“Mahigit na sampung taon na namin itong
ginagawa. Nasisiyahan naman ang tao,”
sabi ni George Galvan, punong barangay ng Pogo Grande, na kilala bilang
pagawaan ng mga paputok. Ang mga paputok
na sinindihan ay ang mga hindi naipagbili.
Ang
kaganapang ito ay nakakaakit ng halos 2,000 manonood, kabilang na mga foreigner
at residente ng iba pang mga karatig barangay.
Sinabi
ni Galvan na naging tradisyon na ito sa barangay tuwing unang araw ng Bagong
Taon para raw itaboy ang kamalasan.
Isang
trak ng bumbero at ambulansiya ng Red Cross ang nakaantabay para sa mabilis na
pagresponde kung sakaling magkaroon ng aksidente. (Pinagmulan ng Ulat: Inquirer Northern Luzon, Enero, 2015)
Barangay Gumagawa ng Uling Mula sa mga Tuyong Dahon at Sanga ng Punong-kahoy
Mangaldan, Pangasinan - Ang
pag-gawa ng uling mula sa mga tuyong dahon at sanga ng mga puno ang siyang
pinagkakakitaan ngayon ng isang grupo ng mga mga magulang at kabataan sa
Barangay Alitaya, Mangaldan, Pangasinan.
Ayon kay Niño Garin, pinuno
ng Alitaya Parents and Youths Association (APYA), nakagagawa sila ng uling sa
tulong ng teknolohiyang itinuro sa kanila ng Share An Opportunity, isang samahan na tumutulong sa kaunlaran ng mga komunidad.
Malaki
ang naitulong ng proyekto sa pagbibigay ng hanapbuhay sa kanilang mga
kabarangay at plano nilang palawakin pa ito sa iba pang mga barangay sa buong
bayan ng Mangaldan.
Photo Credit: Share an Opportunity |
Ang kanilang
samahan ay kayang makagawa ng 1,000 kilo ng uling isang buwan. Ang halaga ng pagbebenta nila ay mula P18
hanggang P30 isang kilo.
Sa
maikling panahon lamang, nakapagtayo na sila ng gusali sa paggawa ng uling at
hangad nila na magkaroon din ng patuyuan para hindi maantala ang kanilang
paggawa, umulan man o umaraw.
Ang
maganda sa kanilang proyekto, hindi ito nakasasama sa kalusugan sapagkat wala
itong usok.
Mababawasan na rin ang walang habas na pagpuputol ng mga punong kahoy para ulingin na nagiging sanhi ng pagbaha. (Pinagmulan ng Ulat: Sunday Punch, Disyembre, 2014)
Mababawasan na rin ang walang habas na pagpuputol ng mga punong kahoy para ulingin na nagiging sanhi ng pagbaha. (Pinagmulan ng Ulat: Sunday Punch, Disyembre, 2014)
Mahuhusay na Barangay Pinarangalan
Baguio City - Tatlumpung
barangay sa Lungsod ng Baguio ang kinilala at ginawaran ng parangal dahil sa
kanilang mga natatanging kahusayan sa pamamahala. Ang pagkilala ay ginanap sa isang buwanang
pulong mg mga barangay sa lungsod.
Ang mga
barangay ay ginawaran ayon sa kanilang kahusayan sa pamamahala, pangangalaga ng
kalikasan at kapaligiran, mga pagawain, kaligtasan at kaayusan, kalusugan at
nutrisyon at kaunlaran ng pamayanan.
“Ang taunang patimpalak ay nilikha upang kilalanin ang mataas na antas ng pamamahala ng barangay hindi lamang sa pagsasakatuparan ng kanilang mga programa kung hindi upang makatulong na rin sa kanilang ikauunlad” sabi ni Agricultural Officer Alberto Tomas.
Sa 128
na barangay sa lungsod, 30 ang lumahok sa nasabing patimpalak sa taong
nakaraan. Hinikayat ni Mayor Mauricio
Domogan ang lahat ng mga barangay na sumali sa taunang paghahanap ng mga
mahuhusay na barangay.
Ang mga
ginawaran ng parangal at nakatanggap ng plake ng pagkilala ay ang Barangay
Upper Quarry, Irisan, Lourdes Subdivision Extension, Upper
Quezon Hill, Holy Ghost Proper, Greenwater Village, Loakan Proper, Middle Quirino Hill at Sto. Niño Slaughterhouse Compound.
Ang iba pang
mga sumaling barangay at kinilala ay ang Barangay Andres Bonifacio, Balsigan,
Cabinet Hill-Teachers Camp, City Camp Proper, DPS Compound, Fairview, Imelda
Marcos, Leonila Hill, Lualhati, Manuel Roxas, Pacdal, Phil-Am, Pinsao Proper,
San Roque Village, South Drive, Sto. Tomas Proper, T. Alonzo, Upper Q.M.
and Victoria Village.
Bilang Hall of Famer, isang Certificate of
Extra-ordinary Achievement ang pinagkaloob sa Imelda Village sa pamumuno ni
Punong Barangay Arturo Rapelo Jr.
Ang nasabing barangay ay naging palagiang aktibo at napanatili nito ang mataas na antas ng pamamahala mula pa noong 2011 hanggang sa kasalukuyan. (Pinagmulan ng Ulat: iBaguio Journal, Disyembre, 2014)
Ang nasabing barangay ay naging palagiang aktibo at napanatili nito ang mataas na antas ng pamamahala mula pa noong 2011 hanggang sa kasalukuyan. (Pinagmulan ng Ulat: iBaguio Journal, Disyembre, 2014)
Barangay Binigyan ng Panangga Laban sa mga Daluyong
Butuan City - Bilang paghahanda sa mga sakuna laluna
sa mga barangay na nasa tabing dagat, isang kungkretong
seawall ang pinasinayaan kamakailan sa Barangay Lumbocan ng nasabing lungsod.
Photo Credit wikimapia.org |
Noong mga unang buwan ng 2014, ang lungsod ay nakaranas ng isa sa mga matitinding pagbaha na natala mula pa noong 1980. Nakaapekto ito sa libu-libong pamilya rito laluna sa mga naninirahan sa mga mabababang lugar at dalampasigan.
Ang nasabing imprastraktura ay
inaasahang makatutulong na maibsan ang mga panganib na dulot ng biglaang
pagtaas ng tubig-dagat at mga daluyong.
Sa pangmatagalan, ang bagong gawang seawall ay inaasahang makatulong ng malaki sa
pagliligtas ng mga komunidad mula sa mga sakuna.
Ang
Barangay Lumbocan ay matatagpuan sa dalampasigan ng Butuan Bay sa may hilagang
bahagi ng Lungsod ng Butuan at may 4,347 na naninirahan. Ang kasalukuyang
Punong Barangay nito ay si Punong Barangay Shirley Reyes. (Pinagmulan ng Ulat: Philippine Information Agency, Disyembre,
2014)
3,000 Opisyal ng Barangay Nagtipun-tipon
Lingayen, Pangasinan - 3,000 mga punong barangay at kagawad ang
nagkatipun-tipon kamakailan sa Narciso Ramos Sports and Civic Center Gym sa Lingayen, Pangasinan upang ganapin ang Barangay Captains’ Day ng
lalawigan.
“Ang araw na ito ay para
sa inyo bilang pagkilala sa pagod, hirap, sakripisyo at serbisyo na ibinibigay
nyo sa ating mga kabarangay,” sabi ni Liga ng mga Barangay Provincial
Federation President at nakaupo ring Provincial Board Member na si Amado I.
Espino, Jr. sa kanyang panimulang pananalita.
Sinabi rin ni Espino na ang bagong gusali ng Liga
ng mga Barangay sa tabi ng Provincial Employment Services Office na
pinasinayaan kamakailan ang siyang magiging tanggapan kung saan ang mga punong
barangay at kagawad ay palagiang magkikita-kita para sa kanilang mga opisyal na transaksyion sa kapitolyo.
Si Provincial Liga Pres. Amado I. Espino Jr. |
Ibinalita rin niya sa
nasabing pagtitipon na ang kahilingan ng mga opisyal ng barangay na magkaroon
ng mga bagong Multi- purpose na sasakyan para sa bawa’t bayan at lungsod ay
inaprubahan na ni Governor Espino para matugunan ang mga pangangailangan ng
iba’t ibang barangay sa lalawigan.
Tuwang-tuwa sa pagdalo
ng mga barangay officials, ipinangako ni Governor Espino ang buong suporta niya sa mga ito
at hiniling niya na sana’y ipagkaloob din nila ang mataas na antas ng
paglilinkod sa publiko.
Samantala, hiniling ni Board Member Alfonso
Bince, Jr. sa mga pinuno ng barangay na naghahangad na palakasin ang barangay bilang
pangunahing yunit ng pamahalaan na suportahan ang mga programa at proyekto ng
pamahalaang panlalawigan.
Si Bince, na siyang pinakamatagal na bokal ng
Lalawigan ng Pangasinan (30 taon) ay naglingkod sa ilalim ng anim na dating
gubernador mula pa kay Conrado Estrella, Cipriano Primicias, Aguedo Agbayani,
Rafael Colet, Oscar Orbos, Victor Agbayani hanggang kay Governor Espino.
Ipinabatid
ng isa pang Board
Member na si Raul Sison na sa pagkakaroon ng bagong gusali ng Liga ng mga Barangay, mas madalas na ang ugnayan at mas mabibigyan pansin ang kanilang
pangangailangan at mga kahilingan.
“Kami mismong mga Board Members ang siyang
pupunta sa inyo para alamin kung ano ang inyong mga pangangailangan at kahilingan”.
(Pinagmulan ng Ulat: Pangasinan Province Website, Disyembre 2014)
Mga Opisyal ng Barangay Na-Ombudsman
Cebu City - Apatnapu’t
isang dati at kasalukuyang mga opisyal ng barangay sa Lungsod ng Cebu, kasama
na ang 7 punong barangay, ang nahaharap ngayon sa mga kasong isinampa sa
kanila sa tanggapan ng Ombudsman-Cebu sa mga alegasyon ng iregularidad na
kinasangkutan nila noong 2010.
Ang nasabing kaso ay bunsod ng mga proyektong ipinatupad ng EM Arante Construction, isang kontratista ng City Hall na naging kontrobersiyal noon dahil sa mga napaulat na sub-standard at depektibong mga proyekto nito sa mga barangay.
Ang mga nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 3019, o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act ay ang mga punong barangay ng Barangay Bonbon, Kalunasan, Babag, Inayawan, Suba, Sudlon II at Pamutan.
Nagmula ang reklamo sa desisyon ng mga opisyal ng barangay na i-award ang lahat ng kanilang Community Micro-Assistance Program projects sa isang kontratista lamang, ang EM Arante Construction.
“Natapos naman ang lahat ng proyekto ngunit ang naging isyu ay kung bakit iisa lamang ang naging kontratista ng lahat ng proyekto sa mga barangay” sabi ni Cebu City Vice Mayor Edgardo Labella sa isang panayam.
Dahil dito, hiniling ni Labella sa pangulo ng Liga ng mga Barangay na si Phillip Zafra na nakaupo rin bilang konsehal ng lungsod na magkaroon ng pagsasanay ang mga opisyal ng barangay at kasapi ng kanilang Bids and Awards Committee sa mga reglamento at batas tungkol sa procurement.
“Marami ang hindi nakababatid ng proseso ng procurement. Napag-aralan ko ang reklamo at wala naman akong nakitang paglabag. Bunsod ito ng kakulangan ng kaalaman ng mga opisyal ng barangay sa prosesong ito kung kaya’t kailangan silang sumailalim sa pagsasanay” dagdag pa ni Labella, na isang abugado.
Sa isa pang hiwalay na panayam, sinabi ni Liga President Zafra na mayroon nang nakatakdang pagsasanay sa mga unang buwan ng taong 2015.
Sinabi rin ni Zafra na bukod sa sistema ng procurement, tuturuan din ang mga opisyal ng barangay sa budgeting at iba pang makatutulong na paksa na may kinalaman sa paggamit ng pera ng bayan. (Pinagmulan ng Ulat: SunStar Cebu, Disyembre, 2014)
Konsultasyon sa Barangay Muling Inilunsad
Dagupan City - Bilang bahagi ng inisyatibo na mapalapit ang pamahalaan sa tao, muling binuhay
kamakailan sa Lungsod ng Dagupan, sa pangunguna ni Mayor Belen T. Fernandez,
ang programang Barangay Consultative Assembly na inumpisahan sa Barangay
Mangin.
Ayon kay Mayor Fernandez,
ang pangunahing layunin ng programa ay malaman mismo ng pamununuan ng lungsod
ang mga pangangailangan at problema ng taumbayan. Isa rin itong mabisang paraan para matugunan
ang kanilang mga pangangailangan at upang matiyak na ang serbisyo ng pamahalaan
ay naipagkakaloob sa bawa’t mamamayan.
Si Mayor Belen T. Fernandez (Kaliwang larawan, nagsasalita) |
“Sa pamamagitan ng mga pakikipagpulong na ito sa mga barangay, madali naming
malalaman at maiintindihan ang pangangailangan ng mga tao,” sabi ni Mayor Fernandez.
Dagdag pa niya na sa ganitong mga pakikipag-ugnayan, maipaplano ang mga kinakailangang programa at proyekto at maitatakda ang badyet para sa 2016.
Kasama rin ng Punong
Bayan ang mga hepe ng iba’t ibang departamento ng pamahalaang lungsod upang
makibahagi sa nasabing konsultasyon.
Nasa nasabing pulong din
ang Punong Barangay ng Mangin na si Benedict Cayabyab at nagpahayag ng kanyang
pasasalamat sa paglapit ng pamahalaang lokal sa kanilang barangay.
“Mabuti
ang programang ito para sa mas magandang koordinasyon ng aming barangay at ng lokal na gobyerno,”
sabi ni Cayabyab. (Pinagmulan ng Ulat:
Dagupan City Website, Enero 8, 2015)
Mga Barangay Gustong Magka-CCTV
Bacolod City - Maaring maantala ang
pagkakaroon ng closed-circuit television o CCTV ng mga barangay sa Lungsod ng
Bacolod.
Ito’y ayon kay Konsehal Em Ang matapos
ang isang public hearing kamakailan na dinaluhan ng mga pinuno ng may 30 barangay
sa lungsod.
Bilang hakbang sa pagsugpo ng
krimen, isinusulong ni Ang ang isang ordinansa sa pagkakaroon ng CCTV sa mga
barangay dito.
Ayon sa kanya, may mga pinuno ng
barangay ang nagsabi na maaring hindi makayanan ng maliliit na barangay ang halaga
ng pagkakabit ng CCTV. Ang halaga nito
ay P100,000 para sa 16 na camera lamang, hindi pa kasama ang mga kable.
Sinabi ni Ang na ang mga punong
barangay ay sang-ayon sa panukalang ordinansa nguni’t nahihirapan silang
maglaan ng pondo para dito.
Isinasaad ng nasabing ordinansa na
bawa’t barangay sa lungsod ay maglalaan ng badyet mula sa kanilang mga pondo para
sa pagkakabit ng CCTV.
Sinabi pa ni Ang na ito ay
makatutulong sa mabilis na paglutas ng krimen, tulad ng isang inisdente sa Lungsod ng
Mandaluyong na kung saan madaling nakilala ang mga gumawa ng krimen sa pamamagitan ng
CCTV.
Mas mabilis ang imbestigasyon kung
mayroon nito, dagdag pa niya. (Pinagmulan ng Ulat: Watchmen Daily Journal. Enero 9, 2015)
Ordinansa sa Pagbili at Bentahan ng Iskrap sa Barangay Pinag-aaralan
Cagayan De Oro City - Nirerepaso ngayon sa pangunguna ni Konsehal Yan Lam Lim bilang Chairman ng
Barangay Affairs Committee ng Cagayan de Oro ang ordinansa sa pagbili at
bentahan ng scrap sa Barangay Canitoan.
Ang Ordinance No. 14-007 na siyang sumasaklaw dito ay nagtatakda na ang isang mamimili at nangongolekta ng iskrap ay kailangang kumuha muna ng barangay
permit. Ito ay para mapangalagaan na rin ang mga residente ng barangay sa mga masasamang
elemento.
Isa pang ordinansa na ipinatupad ng barangay ay ang sumasaklaw sa pagpapasada
ng mga traysikel at nagtatakda ng color coding sa lahat ng mga pumapasada sa
barangay, gayundin ng mga tinatawag na “padyak” sa ilalim ng Ordinance No.
1410. (Pinagmulan ng Ulat: Philippine Information Agency. Enero 9, 2015)