Lunes, Pebrero 27, 2017

PDEA NAGLABAS NG GUIDELINES TUNGKOL SA DRUG OPERATIONS SA MGA BARANGAY

“Ang mga barangay, bilang unang hanay ng depensa, ang dapat gawing pamparami ng puwersa sa pangkalahatang pagkilos para matiyak ang tagumpay sa giyera laban sa droga sa bawat komunidad,” sabi ni PDEA Director General Isidro S. Lapeña sa isang pahayag.

Si PDEA Director General Isidro S. Lapeña
Kabilang sa mga alituntunin ng programa para sa drug-clearing program ay ang obligadong pagtatatag ng Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADACs) ng mga barangay sa buong bansa; ang pagsasagawa ng drug-clearing operations na may tatlong phases, ang Pre-Operation Phase, Operation Phase at Post-Operation Phase; ang klasipikasyon ng mga barangay para matukoy kung anong lugar ang uunahing linisin; ang mga tungkulin ng mga opisyal ng barangay sa operasyon at; ang kaukulang parusa sa hindi pagsunod.  

“Kinakailangang may anti-drug abuse council ang bawat barangay. Ang hindi pagsasagawa nito ay tahasang paglabag sa batas,” sabi ni Lapeña.

Ang BADAC ay binigyan ng kapangayarihan ng batas na magplano at magpatupad ng mga polisiya; suriin ang mga programa at proyekto sa pagsugpo at pagkontrol ng iligal na droga base sa political at police powers ng barangay na pangasiwaan ang kapakanan ng komunidad.

“Ang BADAC ang siyang pinakamabisang puwersa na mabubuo sa isang barangay dahil sa impluwensiya ng mga miyembro nito sa mga residente at ito ang siyang nakababatid ng mga pangangailangan ng mga naninirahan dito,” dagdag ni  Lapeña.

Kabilang sa pagsusustena ng clearing operations sa mga drug-affected na barangay ay ang pag-activate ng mga BADAC; pahusayin ang kakayahan ng lahat ng mga stakeholder sa pamamagitan ng mga seminar, pagsasanay, paggrupo-grupo ng mga kabahayan para mamatiyagan ang mga nagaganap sa kanilang kapaligiran; pagsusumite ng watch-list ng mga drug personalities at; pagkakaroon ng referral desk sa bawat barangay.   

“Ang Operation Phase ang aktuwal na implementasyon ng mga stratehiya sa pagbabawas ng supply at demand sa mga apektadong lugar. Dito papasok at kikilos ang PDEA at iba pang support agencies ng pamahalaan,” dagdag niya. 

Ang Post-Operation Phase naman ay naglalayong panatilihin ang pagiging ‘Drug-Cleared’ ng mga barangay matapos ang drug-clearing operations sa pamamagitan ng patuloy na pagsasagawa ng mga proyektong tulad ng sports, pang-spiritwal at gawaing pangkomunidad, mga proyektong pangakabuhayan at reintegration program para sa mga dating gumagamit at nagtutulak gayundin ng patuloy na drug-awareness campaigns.

“Ang mga lokal na pinuno ay may katungkulan na tiyakin ang pagtatatag ng BADAC sa lahat ng mga barangay sa kanilang nasasakupan, paglalaan ng sapat na bahagi ng badyet ng barangay para matiyak ang pagsunod sa mga tungkulin ng BADAC sa anti-drug campaign,” sabi pa ng hepe ng PDEA.

Ang kabiguan ng mga pinunong lokal na paglaanan ng sapat na bahagi ng kanilang Annual Budget para masuportahan at mapahusay ang pagpapatupad ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Damgerous Drugs Act of 2002 sa paghahanda ng budget ay dahilan para hindi maarubhan ang kanilang Annual Budget na isusumite at sa posibleng kasong administratibo sa hindi pagtupad sa tungkulin ayon sa Section 60 ng Local Government Code.

Bilang huling paalala, sinabi ng hepe ng PDEA na: “Sa mga alituntuning ito, dapat ay epektibong maipatupad at mapangasiwaan ang anti-drug clearing operations sa mga barangay.  Ginagawa namin ito sa bawa’t barangay hanggang ang lahat ng mga ito ay lubusang ligtas na sa masamang dulot ng iligal na droga.” (Pinagmulan ng ulat PDEA Website, Feb. 18, 2017)