Nagkasundo kamakailan ang DILG, Simbahang Katoliko at Liga ng mga Barangay na magtulungan sa paghimok sa mga mamamayan at mananampalataya na makilahok sa pamamahala ng mga barangay.
Tinawag na Ugnayan ng mga Barangay at Simbahan o UBAS, pinagtibay sa Palasyo ng Arsobispo sa Intramuros, Lungsod ng Maynila ang isang Memorandum of Agreement nila Cardinal Luis Antonio Tagle, Liga ng Mga Barangay National President Atty. Edmund Abesamis at DILG Secretary Mar Roxas.
Mula sa Kaliwa, Atty. Abesamis, Cardinal Tagle at DILG Sec. Mar Roxas |
Ayon kay Roxas, ang UBAS ay isinakatuparan upang himukin ang pakikilahok ng mga mamayan upang matyagan ang mga opisyal kung napapamahalaang mabuti ang kanilang mga barangay at nakasusunod sa walang-halong kurapsiyong pamantayan sa pagpapatupad ng mga proyekto at pagkakaloob ng serbisyo publiko.
“Pinapatunayan ng UBAS ang pagkakaisa ng DILG, ng Simbahan at ng mga Barangay para isulong ang mga inisyal na reporma ng Tuwid na Daan para sa ating mga Boss, ang mga mamamayan,” sabi ni Roxas.
Ayon naman kay Cardinal Tagle, “Napapanahon ang pag lulunsad ng UBAS upang tiyakin ang iisang tugon ng simbahan at barangay upang masiguro na ang pondo ng bayan ay tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan.”
Ang kasunduang magtulungan, na tinawag nilang “circle of integrity” ay nagsusulong ng mataas na antas na serbisyong pampubliko. Naka-angkla ito sa bukas at mabuting pamamahala at pakikilahok ng mga mamayan sa pamamahala.
Kanila ring susubaybayan ang tamang pagpapatupad ng mga proyekto sa mga barangay sa ilalim ng tinatawag nilang Grassroots Participatory Process (GPP), na dating kilala bilang Bottom Up Budgeting (BUB).
Sa kanyang pagpapahayag ng suporta, sinabi ni Abesamis, “Sa pagpapatupad ng GPP, ang UBAS ang magsisilbing matibay na ugnayan ng Simbahan at Barangay upang palakasin ang boses ng mamamayan sa proseso ng pagpili ng mga proyektong kontra-kahirapan.”
Ang UBAS, na ipapatupad na sa iba’t ibang lalawigan sa buong bansa, ay magsasagawa rin ng iba pang mga gawain tulad ng Community-Based Disaster Risk Reduction and Management (CBDRRM), pangangalaga ng kapaligiran, katahimikan at kaayusan sang-ayon sa gustong magyari ng mga mga mamamayan mismo. (Pinagmulan ng Ulat: DILG News Advisory)