Lunes, Hunyo 20, 2022

Barangay sa Pasig naglunsad ng malawak na breastfeeding program



Ang Barangay San Antonio sa Pasig City ay naglunsad noong June 16, 2022 ng kauna-unahan at malawak na breastfeeding program gayundin ng sarili nitong milk bank.

Tinawag na “BSA Moomas”, layon ng programa na makatulong sa mga nag-papagatas na ina hindi lamang sa barangay kung hindi sa buong lungsod, ayon sa Punong Barangay nito na si Raymond Lising.  

“Gusto naming suportahan ang First 1,000 Days Law na ipinatutupad na sa buong bansa. Isinasaad ng batas na ito na ang pundasyon ng isang bagong panganak na bata ay nagsisimula nang ito ay mabuo hanggang sa ikalawang taon ng buhay niya, kung kaya ang tamang nutrisyon at tamang mga gawain para siya maging malusog at malakas ay dapat na nagsimula mula nang siya ay ipinaglilihi pa lamang” sabi naman ni Kagawad Rachel Marie Rustia, Chair ng Committee on Health and Nutrition ng barangay.

Dagdag pa ni Rustia na ang Barangay San Antonio ang una at bukod-tanging barangay sa Pasig na may lactation specialist na gagabay sa mga ina sa pagbi-breastfeeding.

Ipinaliwanag din niya na mas makatititipid ang mga mahihirap na ina kapag nagbi-breastfeed sila kumpara sa paggamit ng magastos na mga milk formula para sa kanilang mga sanggol.

Bukod sa breastfeeding program, mayroon din ang barangay ng sarili nitong Milk Bank na kung saan ang mga nai-donate na gatas ay itatabi para sa mga inang walang masyadong gatas at mga nag-iisang ama na siya ring nag-aalaga ng kaniyang sanggol.

Ang Milk Bank ng barangay ay matatagpuan sa Nutrition Room ng Health Center nito.

“Lahat ng gustong mag-donate ay dadaan muna sa health screening para matiyak na ang gatas na idino-donate ay malinis at masustansiya.” sabi ni Lising.  Idinagdag pa niya na kahit na hindi mga residente ng barangay ay maaaring mag-donate.  

Ayon pa rin sa punong barangay, may naipundar din na isang chest freezer ang barangay para sa storage ng mga nai-donate na gatas.  (Manila Bulletin)