Lunes, Enero 19, 2015

LAHAT BA NG MGA PAGTATALO SA BARANGAY, NALULUTAS SA BARANGAY?


Naranasan mo na ba ang mabarangay o ikaw ang nagpabarangay? 


Hayaan mong i-share ko sa iyo ang ilang kaalamang natutunan ko sa loob ng tatlong taon ng aking panunungkulan bilang dating miyembro ng Lupong Tagapamayapa sa barangay kung saan ako naninirahan.


May mga taong naniniwala na karamihan, kung hindi man lahat, ng pagtatalo ng mga magkakabarangay ay kayang malutas sa barangay.  Ang totoo, hindi lahat.


Totoo, mula nang magkaroon tayo ng sistema ng Katarungang Pambarangay, malaki ang nagawa nito para mabilis na ma resolba ang mga reklamo at mabawasan ang mga nakatambak na kaso sa mga korte, na inaabot ng napakaraming taon bago maayos.



Ang sistemang ito ay isinakatuparan para kilalanin at bigyang halaga ang tradisyon nating mga Pilipino na idaan muna sa pakikipag-ayos ang mga alitan ng mga pamilya’t magkakabarangay bago isampa sa mas mataas na dulugan.


Ang sistemang ito ay napaloob sa Presidential Decree 1508 noong Hunyo 11, 1978 na nag-aatas na lahat ng mga pagtatalo ay kailangang ayusin muna sa barangay bago magsampa ng kaso sa korte, kung sakaling hindi magkakasundo ang magkabilang panig.[1]


Isinasaad ng Section 408 ng Local Government Code of 1991 [2] na “ang lupon ng bawat barangay ay magkakaroon ng kapangyarihan na pagharapin ang mga panig na aktwal na naninirahan sa parehong lungsod o bayan para sa mapayapang pagsasaayos ng lahat ng mga pagtatalo, maliban sa : 


(a) Kung saan ang isang panig ay ang pamahalaan o alinmang subdibisyon o instrumentalidad nito;


 (b) Kung saan ang isang panig ay pangmadlang pinuno o kawani (public officer or employee), at ang pagtatalo ay may kaugnayan sa pagtupad ng mga opisyal na gawain;


(c) Mga pagkakasalang ang parusa ay pagkabilanggo ng mahigit sa isang taon (1) o multang hihigit sa Limang Libong Piso (P5,000.00);


(d) Mga pagkakasalang kung saan ay walang pinagkasalanang pribadong panig;


(e) Kung saan ang pagtatalo ay sumasaklaw sa mga tunay (real properties) na pag-aaring  natatayo sa magkakaibang lungsod o bayan maliban kung ang mga panig doon ay nagkasundong iharap ang kanilang di-pagkakaunawaan sa mapayapang pagsasaayos ng isang angkop na lupon;


(f) Mga pagtatalong sumasaklaw sa mga panig na aktwal na tumitira sa mga barangay ng magkabilang lungsod o bayan, maliban kung saan ang gayong mga yunit ng barangay ay magkaratig at ang mga panig doon ay nagkakasundong iharap ang kanilang di-pagkakaunawaan sa mapayapang pagsasaayos ng isang angkop na lupon;  at


(g) Mga iba pang uri ng pagtatalo na kung alin ang Pangulo ay maaring magpasya sa kapakanan ng katarungan o sa Rekomendasyon ng Kalihim ng Katarungan.


Idagdag pa sa mga kundisyong nabanggit, ang mga panig ay maaring tuwirang pumunta sa hukuman kung ang akusado ay nasa piitan o hindi kaya kung ang isang tao ay sa ibang paraan ay inalisan ng pansariling laya (deprived of personal liberty) na nangangailangan ng ‘writ of habeas corpus’o kautusan ng mataas na korte na ipaliwanag kung bakit nakukulong ang isang tao.


Ang mga hindi nagkasundo sa lupon ay maaring humingi ng Certificate to File Action na nagbibigay ng karapatan sa isang tao na magsampa ng reklamo sa korte.


Ngayon malinaw na ba?  Kung hindi pa, maaari kang magtanong o mag-comment tungkol sa isyung ito sa ibaba at baka masagot namin sa abot ng aming makakaya.  O baka may mambabasa rin na mas nakaiintindi ng batas tungkol dito at gustong mag-react sa comment mo.  




[1] Supreme Court Administrative Circular 14-93, Hulyo 15, 1993
[2] Local Government Code of 1991, salin sa Filipino ni Geronimo Alilio