Martes, Marso 29, 2016

Barangay Assembly Para Saan Nga Ba Ito?



Dalawang beses sa isang taon, sa mga buwan ng Marso at Oktubre, itinakda ng batas na isagawa ang isang pagtitipon ng mga residente ng bawat barangay sa pangunguna ng mga opisyal nito sa buong bansa.        

Ayon sa Local Government Code, ang mga kabilang sa barangay assembly ay ang mga taong naninirahan dito ng mahigit anim na buwan, may gulang na 15 pataas at mga mamamayang Pilipino.                     

Ang programa ng pagtitipon ay sinisimulan ng Punong Barangay sa paglalahad ng State of Barangay Address o SOBA para mag-ulat ng mga naisagawa ng pamunuan sa unang kalahati ng taong kasalukuyan o ng huling kalahati ng nakalipas na taon at ng mga pinakahuling-ulat tungkol sa mga proyekto at programa nito; ulat sa pananalapi kasama na ang mga buwanang nalikom gayundin ng mga kinita at pinagkagastahan. Iuulat din ang iba pang mga bagay na may kinalaman sa pananalapi tulad ng badyet sa hinaharap at mga planong bibilhin para sa pangangailangan ng barangay.  

Ngayong 2016, ang ilan sa mga bagay na bibigyan ng pangunahing pansin ay ang pagtalakay kung paano masusugpo ang droga, ang pagpaparehistro ng mg kasambay ng kanilang mga amo, mga pangunahing proyektong popondohan ng Barangay Bottom-up Budgeting o BBuB, at ang pakikilahok ng mga simbahan sa pagsubaybay sa mga proyekto at programa ng barangay.  

Ang iba pang mga isyung may kinalaman sa pagpapalakad ng barangay ay tatalakayin din tulad ng disaster preparedness at solid waste management. Ang mga kagawad na chairman ng kanilang kumite ay maari ring magbigay ng mga pinakahuling ulat tungkol sa kanilang mga programang pinamumunuan.  

Para makaakit ng maraming bilang ng mga dadalo sa assembly, ang mga kaganapan tulad ng mga medical missions, cultural presentations at pati na mga tiangge ay maaaring ganapin sa lugar ng pagtitipunan.  

At para naman makatawag ng pansin sa gagawing pagtitipon, maaring magkabit ng mga poster at banner sa mga mataong lugar tulad ng barangay hall, plaza, terminal ng mga sasakyan, mga tindahan, palengke at talipapa.  Maari rin mag-anunsiyo sa ibat-bang bahagi ng barangay gamit ang mga sasakyang may public address equipment. (Barangay Reporter)