Gusto mo bang maipaabot ang iyong saloobin sa mga kandidato sa iyong barangay?
Ngayong papalapit na ang halalang pambarangay, tinanong ng TV Patrol http://www.abs-cbnnews.com/nation/metro-manila/10/18/13/netizens-comment-upcoming-barangay-elections noong isang araw ang mga Filipino kung ano ang hinahanap nila sa mga opisyal ng barangay.
Si Superman ba ang hanap mo? |
Sa Facebook, iba-iba ang mga sagot sa kung ano ang hanap nila sa isang kandidato para punong barangay o kagawad.
Sa mga mambabasa ng Balitang Barangay, pupulsuhan din namin kung ano ang inyong saloobin tungkol sa isyung ito.
Narito ang ilan sa mga reaksiyon ng mga nakapanayam ng TV Patrol:
Ayon kay Melchi Mendoza "Hindi nila dapat ginagamit ang pondo ng barangay para sa kanilang personal na pangangailangan".
Sabi niya, "Bilang isang mamamayan, isa sa mga katangian na gusto ko sa isang chairman o kagawad is yung pagkamatapat sa serbisyo niya".
Dagdag pa niya, dapat gawin nila nang maayos ang trabaho nila at maging mahusay na pinuno sila.
Ang sabi naman ni Joi Madridano-Adan, boboto siya sa mga kandidato na bukas ang isip at kayang papag-isahin ang mga tao sa ikabubuti ng komunidad. Ang mabuting lider ay matatag at hindi pikon sa mga puna, para sa mabuting mga polisiya. Maglingkod lamang sila at huwag gamitin ang kanilang kapangyarihan upang makapanlamang sa kapwa.
Ayon naman kay Jane Dimayuga Nido Flor, ang mahusay na pinuno ay may malasakit sa pangangailangan ng iba tulad ng mga matatanda, mga may sakit at ang mga namatayan sa kanilang pamilya.
"Dapat hindi sugarol, hindi babaero, hindi puro pakitang tao yung pag hiningan mo ng tulong anjan palagi,” sabi niya.
Para kay Dante Delos Reyes, ang isang magiging boses ng buong barangay ang tamang-tama para maging chairman o kagawad. Binigyang diin niya na ang kailangan ay isang kandidato na alam ang mga nangyayari sa kanyang barangay.
"Kailangang marunong siyang mag-ikot sa kaniyang kapaligiran o nasasakupan, dahil hindi naman tantong napakalaking lugar ng isang barangay o bawat barangay," sabi niya.
Idinagdag pa niya na dapat ini-inspeksyion niya ang mga internet cafes para sawayin ang mga estudyante na nagbubulakbol o nagsusugal dahil hindi kayang supilin ng paaralan ang mga ito.
Samantala binigyang diin ni Lp Tolentino na dapat may sariling pag-iisip ang mga pinuno ng barangay.
"Dapat may sariling pag iisip, di lang independente sa partido kundi sa pamumuno. Dapat hindi kaya diktahan ng mayor oh congressman. Higit sa lahat walang kabit na binubuhay".
Sa Twitter, samu't-saring mga opinyon din ang pinadala ng mga netizens.
Sabi ni ASHER (@ana2my) “Yung maglilingkod ng tapat. malinis at marangal. Iniisip ang kapakanan ng mga tao niya.”
Nag-tweet din si Zandro Sabillo (@zandronii), ang isang chairman ay dapat handang tumulong at gawin ang kanyang tungkulin hindi dahil sa pagkita ng pera.
“Yung handang tumulong at hindi lang nagkukulong sa kani-kanilang tahanan! Huwag sanang gawing source of income lang,” sabi niya.
Si Jean (@ricajean_unice) ay naniniwala na ang chairman ay isang tao na buong-pusong tumutulong sa barangay. Sabi niya “Yung maglilingkod ng buong puso at iniisip din kung nakakabuti sa mga mamamayan ang kanyang ginagawa.”
Ayon naman kay SittieYasmin AA (@sittieyas) ang chairman ay dapat na “socially, morally, and spiritually responsible. May paninidigan at may pakialam!”
Idiniin ni Ka Erning (@The6thErnesto) na ang isang public servant ay handang tumulong kahit kanino na nangangailangan.
Sabi niya “Isang tunay na public servant. Hangad ang pagtulong kanino man. Kaunlaran, kaayusan, katahimikan, kalinisan ang hangarin.”
Ikaw, ano ang hanap mo sa mga opisyal ng barangay mo? Mag-comment na sa ibaba upang maiparating mo ang iyong saloobin at baka sakaling marinig ang iyong boses ng mga nag-nanais na maglingkod sa iyong barangay.
How much is the salary of Punong Barangay?
TumugonBurahin