Biyernes, Agosto 9, 2013

BAKIT INAAMBISYON ANG PUWESTO NG BARANGAY CHAIRMAN


Halos dalawang buwan na lamang at halalang barangay na naman. 

Simula pa noong nakaraang buwan, marami na ang pumoporma bilang kandidato para sa puwesto ng Barangay Chairman.

Marami ang masidhi ang paghahangad na makuha ang pwestong ito tulad ng mga taga Barangay 176 sa Caloocan. Tuwing botohan, hindi bababa sa limang tagarito ang kumakandidato para sa posisyong ito.

Bukod sa may pinakamalaking populasyon sa buong Pilipinas, ang barangay 176 din ang may pinakamalaking parte na natatanggap mula sa Internal Revenue Allotment o IRA.

Para sa taong ito, may budget ang barangay na ito na P100 milyon at ang P89 milyon dito ay nagmula sa IRA na inilaan para sa pansuweldo ng mga kawani, pambili ng mga gamit at supplies at para sa mga proyekto at serbisyong pambarangay.

Mahigit na 42,000 ang bilang ng mga barangay sa buong bansa. Twenty percent (20%) ang share ng mga barangay mula sa mga buwis na nakokolekta ng pamahalaan. Sa taong ito ang IRA para sa barangay ay mahigit P60 bilyon at ang parte dito ng isang barangay ay depende sa bilang ng populasyon nito.

Ang ikasampung bahagi (10%) naman ng budget ay sa Sangguniang Kabataan o SK napupunta.

Bakit Marami ang Naghahangad?
Bakit nga ba marami ang naghahangad na masungkit ang puwestong ito ng chairman o kapitan ng barangay?

Marami ang nagsasabi na may pera daw kasi sa barangay, tulad ng Barangay 176.  Laluna na siguro sa mga mayayamang barangay sa bansa kagaya ng mga barangay sa  Makati o Quezon City.  

May barangay nga sa Cainta, Rizal na binisita namin kamakailan, P50M na ang natatatanggap sa isang taon.

Isang political analyst ang naniniwala na maraming kandidato sa barangay ay gagawin ang lahat manalo lamang sa botohan at magkaroon ng pagkakataon na mahawakan ang milyung-milyon pondo ng barangay.

"Sa totoo lang, baka yan lang ang pinakamalaking dahilan," sabi ni Ramon Casiple ng Institute for Political and Electoral Reforms. "Dahil sa perang hawak mo, magagawa mo kahit ano.  Maaari kang makagawa ng magagandang proyekto o mga palpak na polisiya."

Sa 2014, may karagdagan pang P7 bilyon ang makukuha mula sa IRA ng mga barangay.

"Doon pa lang makikita na ng kanilang mga ka-barangay na ganito kalaki ang kanilang pera at kung paano nila ginagastos ito...sabi ni Leocadio Trovela, Director ng National Barangay Operations Office ng DILG.


                                                           Google Photo
May mga nagsasabi naman na ang pagkakaroon ng kapangyarihan ang isa pang dahilan na nagbubunsod sa marami na malagay sa puwesto, maging ito ay kapitan ng barangay, mayor o congressman.   

Sadyang may mga tao na ang trip ay kapangyarihan at ang gusto nila ang laging nasusunod. At sa paghawak ng puwesto nila natatagpuan ang katuparan. 

Kung tutuusin, nasa punong barangay nga ang may pinakamaraming mahahalagang kapangyarihan na naatang sa balikat ng iisang opisyal ng gobyerno.

Talo pa nga nito ang Pangulo ng bansa na limitado lamang sa pagiging ehekutibo ang kapangyarihan.

Samantalang ang Punong Barangay, nasa kanya lahat -  ang executive, legislative at judicial powers.  

At sa tatlong mga puwestong nabanggit, siya lamang ang laging may pagkakataon na direktang makahalubilo ang taumbayan.

Kung kaya napakahalaga na makapaghalal ngayong darating na botohan ng mga pinuno sa barangay na maayos na mapapamahalaan ang una at mahalagang hanay na ito ng gobyerno.

(Ang ilang bahagi ng akdang ito ay hinango mula sa ulat: Why people covet the barangay chairman post, ABS-CBN News.com, http://www.abs-cbnnews.com/focus/08/05/13/why-people-covet-barangay-chairman-post. Retrieved 2013-08-06)










May Akda
Tungkol sa May Akda.  Si Jun Miranda ay isang retiradong business executive at consultant at kasalukuyang naglilingkod bilang volunteer member ng Lupon Tagapamayapa ng barangay na kung saan siya naninirahan sa halos 30 taon. Isa rin siyang manunulat, editor at researcher at Publisher/Editor ng Balitang Barangay, ang una at nag-iisang pahayagan ngayon na nag-uulat at sumusuri ng mga kaganapan sa mga barangay sa buong bansa.  Maari kayong makipag-ugnayan sa kanya sa balitangbarangay@yahoo.com o direkta sa 632-9175178468 kung may nais kayong itanong o linawin tungkol sa akdang ito.  Tumatanggap din siya ng mga ulat tungkol sa mga kaganapan sa iba't-ibang barangay na nais ninyong maipalathala gayundin ng mga patalastas at anunsiyo na gusto ninyong maiparating sa mga mambabasa.  

























     

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento