Umaga pa lang, kalbaryo na sa ilang residente sa isang barangay sa Rosario, Batangas ang sangkaterbang kadiring langaw na naglipana sa loob at labas ng kanilang mga bahay.
Sa ulat ni Lorenzo Ilagan sa GMA Regional TV "Balitang
Southern Tagalog" nitong Huwebes, sinabi ni Estela Malibiran ng Barangay
Maalas-as, na araw-araw nilang sakit ng ulo ang mga langaw.
Umaga pa lang, puno na ng langaw ang nakalatag na fly trap sa
loob ng kaniyang bahay.
"Hindi na makakain, nagkakasakit na yung aking matanda don.
Kakain ka niyan puro langaw. Pati ang baboy, nagkakasakit na," reklamo
niya.
"Pumasok kayo sa bahay ko, tingnan niyo yung kusina ko, ang
rice cooker kailangan may taklob na tela at sobrang grabe na ang langaw,"
dagdag niya.
Ang 92-anyos na ina ni Malibiran na nasa labas ng bahay,
makikita na napuno na ng langaw ang pinggan na pinagkainan.
Inirereklamo rin ni Mario Ramos at mga katabi pa niyang
kabahayan ang naglipanang mga langaw sa kanilang lugar.
Ang itinuturo nilang pinagmumulan ng langaw, ang kapabayaang
poultry farm o manukan na nasa kanilang barangay.
Binisita ng joint inspection team ng bayan ang isang manukan na
sinasabing nagkaroon umano ng problema sa linya ng tubig.
Kasi once na nababasa yung ipot,
magkakaroon na siya ng larva. Possible na magkaroon siya ng langaw. So 'yon
yung una naming tinitingnan dito, yung mga puwedeng pagmulan ng langaw,"
paliwanag niya.
Sinabi ni Hernandez, na nakita nila sa binisitang manukan na may
tumutulong tubig sa water drinking line nito.
Inihayag naman ng namamahala sa manukan na naayos na nila ang
problema at patuloy ang pag-spray nila kontra sa langaw.
Iminungkahi naman ng inspection team na dapat magkaroon ng
ordinansa ang barangay na magbibigay sa kapangyarihan sa mga opisyal ng
barangay na suspindihin ang operasyon ng manukan kapag may nagreklamo upang
maaksyunan agad ang problema. --FRJ, GMA News
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento