Huwebes, Pebrero 5, 2015

MAY KARAPATAN BA ANG MGA TAONG BARANGAY NA GUMAMIT NG ARMAS?



Isang manggagawa sa pataniman ng saging sa Barangay Angalan sa Lungsod ng Davao ang napatay kamakailan ng punong barangay matapos na ito ay makatanggap ng reklamong panggugulo.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, ang nakapatay ay ang punong barangay na si Rogelio Ico, nang siya ay rumispunde sa reklamo ng mga residente na sina Jeremiah Gabato, 8; Joey Jorolan, 17, at Joel Gabato, 30.

Lumilitaw sa imbestigasyon na armado ng kalibre .357 na rebolber, binantaan ng manggagawang napatay na si Winston Licardo ang tatlo bago nagsumbong ang mga ito.

Kasama ang ilang barangay tanod, rumispunde ang punong barangay na si Ico at pumunta safarm kung nasaan si Licardo nguni’t sila diumano ay biglang pinaputukan nito.  Gumanti naman ng putok si Lico at tinamaan si Licardo sa ulo.


Matapos ang insidente, dinala si Ico sa istasyon ng pulisya para imbistigahan.[1]

Hindi na ito bago.  Maraming nang ganitong sitwasyon sa buong bansa ang kinaharap ng mga namumuno sa barangay.  Kadalasan, sa kakapusan ng mga pulis, ang unang humaharap sa mga gulo sa barangay ay ang mga tanod at punong barangay.

Kaya naman ang batas ay may probisyon na nagbibigay karapatan sa isang punong barangay na magdala ng armas bilang pansariling proteksiyon.

Isinasaad ng Seksyon 389 (c) ng Local Government Code of 1991 na sa pagpapatupad ng kanyang tungkuling nauukol sa kapayapaan at kaayusan, may karapatan ang punong barangay na mag-ari at magdala ng armas na pumuputok sa loob ng kanyang nasasakupang barangay.

Paano naman kung ang rumispunde sa gulo at nakapatay ay isang barangay tanod?  May karapatan din ba siyang gumamit ng armas? 

Sa isang barangay sa Lalawigan ng Rizal mahigit dalawang taon na ang nakalilipas, isang nagwawalang lasing na lalaki ang nabaril ng isang barangay tanod bilang pagtatanggol sa sarili matapos siyang rumisponde sa diumanong panggugulo nito. 

Ayaw paawat, sinugod pa nito ang tanod at akmang tatagain ngunit mabilis naman siyang pinaputukan nito ng shotgun sa mukha.

Bilang pagtatanggol sa sarili, may karapatan ang tanod sa kanyang ginawa.  Ngunit sa isyu ng pagdadala ng armas, walang sinasabi ang batas tungkol dito. Idagdag pa kung ito ay lisensiyado at may permit to carry. 

Pero kung ako ang tatanungin, mas makabubuti siguro na bigyan ng armas ang mga tanod dahil sila, at hindi ang kapulisan, ang madalas na unang nasasabak kapag may kaguluhan sa barangay.

Laluna na sa mga pook na malayo sa istasyon ng pulis, dapat lang na gawing legal ang pag-aarmas sa mga tanod para mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa barangay.

Kailangan lamang ng mga alituntunin kung paano ang tamang paraan ng pagkakaloob sa kanila ng kapangyarihan na humawak ng armas. Kasama na rito ang tamang pagpili ng mga taong ilalagay bilang tanod at masusing pagsasanay sa pag-gamit ng baril, gayundin sa “rules of engagement” at pag-aresto.

Baka ito ang solusyon sa problemang sinasabing madalas ng kapulisan na kulang sila sa tao. 
 

[1] Pinagmulan ng Ulat: SunStarDavao, Enero 16, 2015.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento