Martes, Pebrero 2, 2016

Kaunlaran ng Barangay Malapit sa Puso ni Leni Robredo


Maraming mga panukalang batas ang naisampa sa Kamara na naglalayon na mapaunlad ang mga barangay at mapaglingkuran nang maayos ang mga mamamayan.                       
Si House Representative Leni Robredo      Google Photo
Ito ang pahayag ni Rep. Leni Robredo ng Ikatlong Distrito ng Camarines Sur, bilang panauhing tagapagsalita sa pagbubukas ng First Children’s Summit on Health sa Lungsod ng Dagupan kamakailan.        

Sinabi ni Robredo, kandidato sa pagka bise-presidente ng Liberal Pary sa darating na halalan, isa sa mga mahahalagang panukalang batas na naipasa na ay ang Bottom Up Budgeting (BUB) na napapakinabangan na ngayon ng maraming lungsod at bayan sa buong bansa.                         

Sa kanyang pahayag sa summit, na kung saan ay kabilang ang mga kapitan ng barangay ng Lungsod ng Dagupan, ang BuB ay kinakailangang maging isang matibay na sistema o institusyon ng pamamahala sa barangay kahit magpalit-palit man ng administrasyon.  

Nabanggit din niya na ang BuB ay pinasimulan ng kanyang yumaong asawa na si Jesse Robredo nang ito ay Kalihim pa ng Department of Interior and Local Government (DILG).  

Sabi pa ni Robredo na sa ilalim ng BUB, tanging mga pamahalaang bayan at lungsod lamang ang nakakakuha ngayon ng mula P15 hanggang P20 milyong proyekto mula sa pamahalaang nasyonal.  Ang mga proyektong ito ay pinili mismo ng mga mamayan sa pamamagitan ng mga People’s Organizations.   

Sa taong 2017, sabi niya, lahat ng barangay sa buong bansa ay makakakuha rin ng tig-P1 milyong halaga ng proyektong BuB na mismong mga mamamayan ang  siyang mamimili kung anong mga proyketo ang gusto nilang maipatupad.  

Bukod sa BuB, isinulong din niya na maging institusyon na rin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para matiyak na ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang magandang programang ito na pinakikinabangan na ngayon ng maraming mahihirap sa bansa.  

Ipinaliwanag din niya na malapit sa kanyang puso ang mga barangay dahil kasa-kasama niya ang mga ito noong Punong Lungsod pa ng Naga ang kanyang asawa. Binanggit niya na siya ay co-author din ng Barangay Reform Bill na naisampa na sa Kamara.   

Layon ng batas na ito na habaan ang termino ng mga opisyal ng barangay mula tatlo hanggang limang taon. Masyadong maikli aniya ang tatlong taon para sa mga opisyal ng barangay gayundin ng kanilang mga hinirang para matupad ang kanilang mga naipangako sa mamamayan. Kung ito’y maipapasa, may dadgag pang dalawang taon ang mga naihalal na opisyal.   

Ikinatuwa at nagpalakpakan ang mga dumalong opisyal ng barangay na naroroon sa pangunguna  nila Lino Fernandez at Bryan Kua nang sabihin ni Robredo na sadyang kailangan nang habaan ang termino ng mga opisyal para sa isang tunay na pagbabago sa lahat ng mga barangay sa buong bansa.  

Sinabi ng magandang kongresista na sa maiksing tatlong taon para mamuno ang mga bagong halal na opisyal ng barangay, napapalitan ang mga barangay health workers o BHW kapag may bagong kapitan.   

Ayon sa kanya, nakakaapekto ito sa tuloy-tuloy na pagbibigay ng mga programang pangkalusugan sa mga barangay.  

Sa kanyang naisulong na bill, sasagutin ng pamahalaang nasyunal ang sweldo ng mga health workers at tanod gayundin ng iba pang mga volunteer workers sa barangay para matiyak na ang sweldo nila ay magkakapantay-pantay sa buong bansa.  

Iminungkahi pa niya na ang mga pagsasanay at seminar para sa mga opisyal ng barangay ay sagutin na rin ng pamahalaang nasyunal at hindi na manggagaling pa sa budget ng barangay para masinop ang limitadong budget nito.  

Sa panukalang ito ay magtatakda rin ng pagkakaroon ng pensiyon ang mga barangay health workers kapag nakakumpleto sila ng siyam na taong tuluy-tuloy na serbisyo bilang pabuya sa kanilang dedikasyon sa tungkulin.  (Barangay Reporter)








Walang komento:

Mag-post ng isang Komento