Martes, Marso 14, 2017

COMPUTERIZATION NG MGA BARANGAY

NI IKE SEÑERES

Sa teoriya, posibleng maging konektado ang may 42,035 na barangay sa isa’t isa sa internet basta’t may signal.

Photo Credit: saguntobarangay.blogspot.com
Sa ngayon, ang teoryang ito ay mabilis na nagiging malapit sa katotohanan dahil posible nang magkaroon ng signal ang bawa’t isa sa mga barangay na ito.

Kahit na mukhang napakahirap gawin, makatotohanan ito dahil kahit na walang signal sa isang lugar, posible na ngayon na magtayo ng mga alternatibong paraan.

Ang ilan sa mga ito ay sa pamamagitan ng Digital Service Line (DSL), General Pocket Radio Service ((GPRS), Long Term Evolution (LTE), Virtual Public Network (VPN) at microwave and fiber optic cables.  Ang internet mula sa satellite ay isa ring serbisyong komersiyal, ngunit hindi ito kinokonsiderang mga karaniwang paraan.

Maaari rin na makakuha ng signal mula sa tinatawag na Television White Space (TVWS) at gayundin sa Radio Frequency (RF).

Sa isang banda naman, bagama’t maaaring magkaroon ng signal ang isang lugar mula sa mga tagapagdala nito tulad ng satellite o microwave, dito papasok ang isyu ng gastusin.

Sa tingin ko, sulit na sulit ang computerization kung mababawi ang gastos sa kuneksiyon. Masasabing ang karunungan at kaalamang makakamit ay sobra-sobra nang pangsulit sa ginastos sa kuneksiyon, bukod pa sa ibang karagdagang benepisyong dulot nito.   

Para mas maintindihan natin kung paano gumagana ang computerization ng isang barangay, ipagpalagay natin na kailangan nito ng panloob at panlabas na sistema.  

Sa pangangailangang internal nito, ang isang barangay ay dapat na may software na pang-administratibo tulad ng human resources at accounting software gayundin ng sistema para sa directory ng mga residente at iba pang sektor sa barangay tulad ng mga bahay kalakal; software para sa mga lupon pangkatarungan at pangkaunlaran; para sa mga ordinansa, ID at iba pa.

Para sa sistemang panlabas, kakailanganin ng barangay ng mga sistema para sa electronic commerce, online learning, medical at disaster warning software halimbawa.  Sa ibang mga pagkakataon, maaari silang payagan ng mga LGU na magkaroon din ng sistema para sa business permits at real property taxes.

Sa teoriya (gayundin sa itinatakda ng Local Government Code) ang barangay ay maaaring  patakbuhin tulad ng isang korporasyon  sa ilalim ng mga alituntunin nito para sa mabuting pamamahala.  Gayunman, mahirap pa rin sa mga panahong ito na ipatupad ang mabuting pamamahala sa isang barangay kung hindi maisasakatuparan ang computerization.  

Kung ang barangay ay mapapatakbong tulad ng isang korporasyon, ang mamamayang naninirahan dito ay maituturing na isang customer na rin.  

Sa ganitong pananaw, ang pagkakaloob ng serbisyo sa mamamayan ay mapapamahalaan ng maayos sa tulong ng Customer Relations Management software  o CRM gayundin ng iba pa na ginagamit sa pamamahala ng isang pribadong korporasyon tulad ng Human Resource Information System (HRIS), Computerized Accounting System (CAS) at kahit na ang Geographic Information System o GIS na makatutulong sa pagpaplano at paghahanda sa mga sakuna.  (Isinalin sa Filipino at hinango mula sa Panay News)  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento