DINALUPIHAN, Bataan – Sa pagpapatuloy ng programang Dalaw sa Barangay na may temang “Kaya Mo Kaya Ko” ng Pamahalaang Bayan ng Dinalupihan na pinasimulan kamakailan lang, ang isinunod na dinalaw ni Mayor Gila at iba pang opisyal ng pamahalaan ay ang Barangay Sapang Balas.
Ayon kay Dinalupihan Mayor Gila Garcia ibinaba niya sa barangay ang programang ito para alamin ang mga suliranin at mabigyan ng katugunan na hindi umaalis ang mga mamamayan at opisyal ng barangay sa kani-kanilang lugar. Ang unang nabigyan ng mga nasabing serbisyo ay ang Barangay Tubo-Tubo kung saan ang halos lahat ng mga naninirahan ay mga kulot o Aeta.
Ang nasabing programang na isinasagawa tuwing Martes ay iikot sa 46 na barangay hanggang 2018.
Sinabi pa ng Mayora na sa ganitong pamamaraan mailalapit ng pamahalaan ang mga serbisyong kailangan ng mamamayan.
Ilan sa mga serbisyong dala sa mga barangay ay ang mga Health Services, Dental Services, Social Services, LCR Services, Agricultural Services, Veterinary Services, Peso Services, Engineering Services, Mpdo, Assesor, Business Permit & Licensing, Negosyo Center/ DTI, Treasury, Public Market at Administrative Support Services.
Isa sa mga nailapit ni Punong Barangay Rogelio Caraig ng Sapang Balas ang natitira pang 6 na kilometrong farm to market road na proyekto ng Department of Public Works and Highways, na kung matatapos at makokongkreto ay madali nilang maibababa ang kanilang aning gulay at palay sa pamilihan na sa tuwing uulan ay halos hindi na madaanan.
Sa kanyang maikling mensahe sa mga taga Sapang Balas, sinabi ni Mayor Gila na gaano man kalayo ang kanilang barangay sa kabayanan, gaano man kahirap ang kanilang buhay, na kung minsan gustuhin man nilang pumunta sa kabayanan ay wala naman silang pamasahe, kung kaya’t sila na mismo ang pumupunta sa barangay upang maipadama at mailapit sa mga mamamayan ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan.
Kinatawan naman ni G. Caraig ang buong pusong pasasalamat ng kanyang mga kabarangay kay Mayor Gila at sa lahat ng mga opsiyal na kasama pati na ang mga doktor at dentista na nagbigay ng kanilang oras at libreng sebisyo. (1Bataan)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento