Sa isang barangay, kapag may mga taong hindi nagkakasundo, ano ang isang mabisang paraan para sila magkaayos?
Ang naaayon sa batas na paraan ay ang Barangay Justice System. Ito ay matagal nang umiiral sa buong bansa mula pa noong 1978 sa bisa ng Presidential Decree 1508 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Kinikilala ng batas na ito ang matandang tradisyon nating mga Pilipino na ang pamilya at komunidad ang unang umaayos ng mga di-pagkakasundo.
Pagkalipas ng Edsa Revolution, naging bahagi na ito ng 1991 Local Government Code. Dito lalong kinilala na ang lakas ng sistemang ito ay nakasalalay sa kapangyarihan ng komunidad.
Sa kasalukuyang panahon, mabisang paraan ito para mabawasan ang mga nakabinbing kaso sa mga korte.
Gaano ba karami sa ating mga mamamayang Filipino ang nakababatid sa kahalagahan ng Barangay Justice System? Ilan sa atin ang tunay na naniniwala na malaki ang bahagi nito sa pagkakaroon ng katahimikan sa komunidad?
Para masagot ang mga tanong na ito, ang Synergia - isang organisasyon sa bansa na nagsusulong ng mabuting pamamahala sa gubyerno - sa pakikipagtulungan ng Global Community Engagement Resilience Fund (GCERF), isang non-profit foundation na nakabase si Geneva, Switzerland at sumusuporta sa pandaigdigang kilusan laban sa karahasan, ay nagsagawa ng mga pakikipagpulong at pag-aaral sa mga pamahalaang bayan ng Pagapo, Lanao Del Sur; Buldon, Maguindanao at Jolo sa Lalawigan ng Sulu.
Lumitaw sa pag aaral na ito na sa mga lugar na nabanggit:
1. Sa bawat 10 sa kabuuang 239 na taong kinapanayam, pito sa mga ito ang walang karanasan sa Barangay Justice System.
2. Akala ng bawat 5 sa sampu, ang Barangay Assembly ay para pag-usapan lang ang mga programa ng gubyerno.
3. Alam ng 9 sa bawat 10 na tinanong, ang Punong Barangay ang nakaupo bilang pinuno ng Barangay Assembly.
4. Marami pa rin ang may gusto na ayusin na lamang ang mga pagtatalo sa labas ng Barangay Justice System.
5. Halos tatlo sa mga pagtatalo, sila na lamang ng magkatunggaling panig ang umaayos.
6. Wala pang 3 sa kanila ang lumalapit sa Punong Barangay para humingi ng tulong na maayos ang kanilang pagtatalo.
7. Labindalawang (12%) porsiyento sa kanila ay lumalapit sa mga nakatatanda para ayusin sila.
8. Labintatlong (13%) porsiyento naman sa kanila ang direktang humingi ng tulong sa kapulisan.
Sa mga nakaranas nang sumailalim sa Barangay Justice System, napag-alaman ng Synergeia :na ang mga karaniwang kaso na inilalapit sa Lupon Tagpamayapa ay:
1. Mga away pamilya.
2. Mga pagtatalo ng mga magkakapitbahay at mga magkabarangay.
3, Trespassing o ang walang pahintulot na pagpasok.
4. Hindi pagbabayad ng utang.
5. Walumpu't pitong (87%) porsiyento ng mga nakausap ay nagsabi na nakatulong ang Punong Barangay sa pag-aayos ng kanilang pagtatalo dahil sa pagpapatawag sa bawa't isa sa kanila at pagdining sa kanilang pagtatalo.
Matapos ang mga isinagawang pag-aaral sa mga lugar na nabanggit, nangako ang mga kasali na lalo pa nilang palalakasin sa kanilang lugar ang Barangay Justice System.
Hihimukin din ang magkabilang panig na ilapit ang mga pagtatalo sa kanilang pamahalaang barangay.
Sinabi rin ng isa sa kanila ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag sa kanilang kapaligiran gayundin ng pagkakaroon ng lakas ng loob na isuplong sa opisyal ng barangay ang mga kahina-hinalang kaganapan sa kanilang lugar.
Binigyang diin naman ng isang taga Jolo ang kahalagahan ng pagdinig sa bawat panig ng isang pagtatalo para maiwasan ang mga walang basehang palagay.
Sa pangkalahatan, ang mga tinanong ay nagkakaisa sa paghanap ng paraan kung paano palalakasin ang Barangay Justice system. Iminungkahi ng mahigit sa kalahati sa kanila ang mga sumusunod na hakbangin:
1. Paigtingin ang kakayahan ng mga residente na maintindihan ang kanilang mga karapatan.
2. Pag-ibayuhin pa ang kakayahan ng mga barangay na ayusin at mamagitan sa mga pagtatalo.
3. Dalasan ang pagdaraos ng barangay assembly.
4. Himukin ang mga residente na alaming maigi kung ano ang mga tungkulin ng barangay.
Pagsisikapan ng Synergeia na gamitin ang mga mungkahing ito para sa kanilang mga susunod na gawain sa ilalim ng kanilang Project Brave.
Ito ay para gawing isang mabisang paraan ang Barangay Justice System sa pagpapalawig ng kapayapaan sa mga barangay. Photo credit and source of story: Page One.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento