Huwebes, Oktubre 8, 2026

"Civilized Forum" Nauwi sa Pagtatalo at Sigawan sa Pagitan ng Vice Mayor at mga Kapitan ng Barangay

 


Uminit ang talakayan at nauwi sa palitan ng maaanghang na salita ang isang Civilized Forum sa munisipyo ng Reina Mercedes, Isabela noong Lunes, Oktubre 5.

Nagtalo at nagsigawan si Reina Mercedes Vice Mayor Harold Respicio at ang kapitan ng Barangay Sinippil sa Reyna Mercedes sa Isabela habang tinatalakay ang paggamit ng pondo mula sa tobacco excise tax.

Ayon kay Respicio, layunin ng forum na malaman kung paano ginamit ng mga barangay ang nasabing pondo. Nagsimula ang tensiyon nang tanungin niya ang isang kapitan tungkol sa isang proyektong tinatayang nagkakahalaga ng P5 milyon na umano’y hindi naisagawa.

Iginiit ni Respicio na dapat makinabang nang direkta ang mga tobacco farmer sa excise tax at binatikos ang umano’y mga “ghost project.”

Uminit pa ang palitan nang hindi umano direktang masagot ng kapitan ang tanong kung nasimulan o natapos na ang proyekto. Sinita naman si Respicio ng isang kapitan dahil sa pagsigaw.

Samantala, naging mas mainit ang sitwasyon nang tanungin ang kapitan ng Barangay Sinippil tungkol sa umano’y panghaharang sa mga magsasaka ng tabako. Gumanti ito ng salita kay Respicio, na nauwi sa palitan ng masasakit na salita.

Sa gitna ng kaguluhan, tinawag ng kapitan si Respicio na “bastos,” habang tinawag naman siya ng bise alkalde na “magnanakaw.” Ilang beses silang inawat ngunit nagpatuloy ang pagtatalo.

Sa huli, sinabi ni Respicio na humingi siya ng paumanhin sa mga kapitan at nagkapatawaran ang magkabilang panig.

Samantala, ipinakita naman sa opisyal na Facebook page ng Barangay Sinippil ang kanilang barangay health station, child development center at ilang kalsada na ayon sa barangay ay pinondohan mula sa tobacco excise tax.

“Patunay na sa Barangay Sinippil, maayos at ramdam ang serbisyo para sa lahat!” ayon sa post.

Wala pa namang pahayag ang kapitan ng Barangay Sinippil tungkol sa insidente. (Pinagmulan ng ulat at larawan: ABS-CBN News) 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento