Sabado, Nobyembre 12, 2016

Pinalakas na Barangay Kayang Mabawasan ang mga Namamatay sa Panganganak

May kakayahan ang pinalakas na barangay na pangunahan ang pagsugpo sa maraming kaso ng pagkamatay sa panganganak ng mga kababaihan at sanggol sa bansa, sabi ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte na nag-file ng isang bill sa Kongreso na layong maisakatuparan ang kanyang  programa sa pangangalaga ng ina at sanggol sa loob ng unang 1,000 araw ng buhay nito, mula sa loob ng sinapupunan hanggang sa ikalawang taon nito.  

Photo Credit: bbc.com
Sinabi niya na nababahala siya sa pahayag kamakailan ni Anthony Costello, direktor ng maternal, children’s and adolescents’ health ng World Health Organizaton o WHO, na hindi matiyak kung tama nga ang bilang ng mga namamatay na ina at sanggol sa panganganak sa buong mundo.

Ayon sa WHO, 303,000 na kababaihan ang namamatay sa pagbubuntis at panganganak habang 2.7 milyong sanggol ang namamatay sa unang 28 araw ng kanilang buhay at 2.6 milyon naman ang patay na nang isilang.

World Health Organization Manila Office        File Photo
“Ang katotohanang maaaring maiwasan ang pagkamatay sa panganganak sa pamamagitan ng dekalidad na pangangalaga ay siyang basihan para kaagad na kumilos ang pamahalaan na makapagtayo ng mga pasilidad sa pangangalaga ng ina at sanggol sa bawat barangay sa bansa.”  

Ang mga abot-kayang programang pangkalusugan na nilikha para sa barangay at ang pagtataas ng antas ng kakayahan ng ating mga manggagawa ay makatutulong para maibsan ang kahirapan at maramdaman ng mas nakararaming mahihirap na Filipino ang pag-unlad ng bansa”, dagdag pa niya.

Kailangang matiyak ng pamahalaan na ang 42,035 na barangay sa buong bansa ay mapalakas para masugpo ang mga insidente ng pagkamatay sa panganganak at upang bigyang proteksiyon ang mga mahihirap na pamilya.  (Philippine Star)  

Sabado, Abril 9, 2016

Barangay Coal Plant sa Cebu Tinutulan ng Climate Groups



 
Mula sa kaliwa: Sina Atty. Aaron Pedrosa, Pinuno ng Energy Working Group ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ); Oxilium “Inday” Olayer ng MCG; at Teodorico Navea ng Sanlakas Cebu, nakasenyas ng stop ang mga kamay na may bahid ng uling para ipahayag ang kanilang pagtutol laban sa panukalang pagtatayo ng coal power plant sa Barangay Sawang Calero sa Lungsod ng Cebu (Larawan kuha ni Junjie Mendoza)
Dalawang grupong pangkalikasan ang tumututol sa panukalang magtayo ng coal power plant sa Barangay Sawang Calero sa Lungsod ng Cebu na, ayon sa kanila, makasasama sa kalusugan at kapaligiran.

Sabi ni Teodorico Navea, secretary general ng Sanlakas Cebu, magsasagawa sila ng isang protest rally sa harap ng Cebu City Hall habang dinidinig ng sangguniang panglunsod ang panukala. 

Ang mga kumpanyang Ludo Corporation, Marubeni Corporation at Tokyo Electric Power Company ay nagpaplanong magkasanib na itayo ang dalawang 150-megawatt na planta ng kuryente sa barangay.  Noong nakaraang taon, nagkaloob ang Department of Energy ng clearance para sa isang grid impact study ng proyekto.

“Nauna nang naipabatid sa mga residente ng barangay ang tungkol sa mga trabaho at iba pang mga biyayang kanilang matatanggap ngunit wala silang kamalay-malay sa panganib na kanilang kinakaharap,” sabi ni Navea. 

Sinabi niya na may 960 na ang natalang mga namatay bunsod ng 21  planta na nakatayo sa kasalukuyan.  Kung ang panukalang 20 bagong planta ay maaprubahan, hindi bababa sa 2,410 ang inaasahang mamamatay, dagdag pa niya.  

“Maaaring ang maging epekto ng mga plantang gumagamit ng coal ay mga sakit tulad ng kanser, sakit sa puso at baga at mga impeksiyon,” sabi naman ni Aaron Pedrosa ng  Philippine Movement for Climate Justice.

Ayon pa kay Pedrosa, matatandaan na ang sangguniang panglunsod ay nagpasa na ng isang resolusiyon tatlong taon na ang nakararaan na sumusuporta sa panawagang ihinto na ang paggamit ng coal at fossil fuels tulad ng langis para paburan ang mga teknolohiyang gumagamit ng renewable energies. (Cebu Daily News)

Martes, Marso 29, 2016

Barangay Assembly Para Saan Nga Ba Ito?



Dalawang beses sa isang taon, sa mga buwan ng Marso at Oktubre, itinakda ng batas na isagawa ang isang pagtitipon ng mga residente ng bawat barangay sa pangunguna ng mga opisyal nito sa buong bansa.        

Ayon sa Local Government Code, ang mga kabilang sa barangay assembly ay ang mga taong naninirahan dito ng mahigit anim na buwan, may gulang na 15 pataas at mga mamamayang Pilipino.                     

Ang programa ng pagtitipon ay sinisimulan ng Punong Barangay sa paglalahad ng State of Barangay Address o SOBA para mag-ulat ng mga naisagawa ng pamunuan sa unang kalahati ng taong kasalukuyan o ng huling kalahati ng nakalipas na taon at ng mga pinakahuling-ulat tungkol sa mga proyekto at programa nito; ulat sa pananalapi kasama na ang mga buwanang nalikom gayundin ng mga kinita at pinagkagastahan. Iuulat din ang iba pang mga bagay na may kinalaman sa pananalapi tulad ng badyet sa hinaharap at mga planong bibilhin para sa pangangailangan ng barangay.  

Ngayong 2016, ang ilan sa mga bagay na bibigyan ng pangunahing pansin ay ang pagtalakay kung paano masusugpo ang droga, ang pagpaparehistro ng mg kasambay ng kanilang mga amo, mga pangunahing proyektong popondohan ng Barangay Bottom-up Budgeting o BBuB, at ang pakikilahok ng mga simbahan sa pagsubaybay sa mga proyekto at programa ng barangay.  

Ang iba pang mga isyung may kinalaman sa pagpapalakad ng barangay ay tatalakayin din tulad ng disaster preparedness at solid waste management. Ang mga kagawad na chairman ng kanilang kumite ay maari ring magbigay ng mga pinakahuling ulat tungkol sa kanilang mga programang pinamumunuan.  

Para makaakit ng maraming bilang ng mga dadalo sa assembly, ang mga kaganapan tulad ng mga medical missions, cultural presentations at pati na mga tiangge ay maaaring ganapin sa lugar ng pagtitipunan.  

At para naman makatawag ng pansin sa gagawing pagtitipon, maaring magkabit ng mga poster at banner sa mga mataong lugar tulad ng barangay hall, plaza, terminal ng mga sasakyan, mga tindahan, palengke at talipapa.  Maari rin mag-anunsiyo sa ibat-bang bahagi ng barangay gamit ang mga sasakyang may public address equipment. (Barangay Reporter)   
 

Biyernes, Marso 11, 2016

Barangay Sa Laguna Binago Ng Bilyonaryong Kapitan



Si Punong Barangay Eugenio S. Ynion Jr.



Dahil nais niyang mapalapit ng tirahan sa mga kaanak, nagpasiya ang negosyanteng si Eugenio S. Ynion Jr. na lumipat sa tahimik na lugar na ito sa Laguna para dito na manirahan at para mapalayo na rin sa ingay at kaguluhan ng Metro Manila.                      

"Mahabang kwento”, ang sinabi niya tungkol sa desisyon niya na lumipat sa La Marea - may sampung taon na ang nakalilipas - isang esklusibong subdibisyon malapit sa hangganan ng Metro Manila at Laguna, “ang gusto ko talaga ay mapalapit sa aking mga kapatid na naninirahan na rito”.  

Ang La Marea, na nasa Barangay San Antonio sa Lungsod ng San Pedro sa Laguna, ay pawang may kaya ang karamihan ng mga naninirahan. Magagara ang  mga tahanan, nasa matanawing bahagi ito ng lungsod. Tahimik at maginhawa ang klima sa  lugar na hinihipan ng malamig na hangin laluna kung gabi na nagmumula sa Lawa ng Laguna.  Tamang-tama ang lugar na ito sa mga nagnanais ng tahimik na pamamahinga sa gabi matapos ang maghapong gawain sa upisina.  

Tubong Iloilo, kuntento na sana si Jun sa kanyang sitwasyon nguni’t may mga pangyayaring naganap sa kanyang barangay na nagpabago sa takbo ng kanyang buhay – at ng barangay San Antonio mismo. 

“Labis akong nabahala sa problema ng barangay namin sa basura, sa mga nakawan at iba pang krimeng madalas na maganap dito.  Bagamat lagi akong  nakikipag-ugnayan sa aming mga opisyal dito, wala akong makitang agarang solusyon mula sa kanila” sabi niya.  

Ang Barangay San Antonio ang pinakamalaking barangay sa Lungsod ng San Pedro.  May kabuuang sukat ito na 780 ektarya at pangalawa sa pinakamaraming naninirahan na humigit kumulang ay 52,000 mga residente.

Maganda sana ang hinaharap ng komunidad na ito kung hindi sa talamak na problema sa droga at kahirapan ng maraming mamamayan dito.  Ang mga ito marahil at iba pang problema ang siyang humihila rito pababa kasama na rito ang mga mga kurap na opisyal ng barangay.  Ayon sa kanya, mas mahalaga pa sa kanila kung paano maipapasok ang mga kamay  sa kaban ng bayan.  

Ito ay noong hindi pa siya ang Punong Barangay. Sa halalang barangay noong 2013, tumakbo siya sa nasabing puwesto at nanalo kung kaya’t isang Ilonggo na ngayon ang namumuno sa Barangay San Antonio na pawang mga Tagalog ang karamihan ng mga sinaunang nakatira.  

Mula nang naupo siya bilang Punong Barangay, malaki ang nabago sa takbo ng buhay ng mga taga Barangay San Antonio. Naging isa itong huwarang komunidad. Umasa ito, hindi lamang sa pamamagitan ng sariling kakayahan nito, kung hindi pati na rin ng tulong mula sa kanyang mga kumpanya sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan, pagkakaloob ng hanapbuhay at marami pang mga programa at serbisyong pangkalusugan, edukasyon at kapaligiran.  

Ngayon ang Barangay San Antonio ay may sarili nang fire truck, mga rescue boats, school buses, mga motorsiklo at iba pang sasakyan gayundin ng iba’t ibang gamit pangkomunikasyon para mapaigi ang serbisyo sa mga mamayan.   

Ang pagpapaigting ng kampanya laban sa droga ay nakasilo ng mahigit 40 pushers. Libre ang serbisyong pangkalusugan, ang edukasyon ay binibigyan ng pangunahing pansin kasama na rito ang pamimigay ng mga gamit pang eskwela.  Ang kanyang mga kumpanya naman ay nagpaluwal sa pagpapagawa ng San Antonio Exchange Terminal at Casa de San Antonio para akitin ang mga mamumuhanan at paramihin ang mga trabaho’t kabuhayan.  

Ayon sa kanya, bilang Punong Barangay, ang serbisyo publiko ay parang isang kawang-gawa.  Upang maging epektibo, kailangang ng tuluy-tuloy na mga proyekto. 

“At para magpatuloy ang mga ito, kailangang nasa ayos ang paggamit ng pondo ng gubyerno” dagdag pa niya.  “Ako’y naniniwala na para maging epektibo ang isang naglilingkod sa bayan, kailangan ng maayos at  mabuting pamamahala at walang halong kurapsiyon.”  

Sa ngayon, mas nilawakan pa niya ang abot ng kanyang tanaw.  Tumatakbo bilang Mayor ng San Pedro City, ang kanyang plataporma: peace and order, transparency at good governance.

“Hindi kailanman pumasok sa aking isip noon na ako ay hahawak ng pwesto sa gubyerno” sabi niya.  “Ngunit naininiwala ako na may plano para sakin ang nasa Itaas bilang isang public servant”. “Gusto kong maging isang first class city ang San Pedro” pahayag ni  Kap Jun. 

 Magtagumpay kaya siya? Maaaring isang malaking balakid ang kanyang kinakaharap sa bagong pagsubok na ito nguni’t sanay na naman siyang humarap sa ganito noon pa mang nag-uumpisa siya bilang negosyante. Marami na siyang pinagdaaanan hanggang sa siya ay magtagumpay. 

 Tulad ng ibang mga nagosyanteng dumaan sa maraming pagsubok, ilang beses din siyang bumagsak at bumangon noon bago niya nakamit ang tagumpay.    

Ayon sa pinakahuling Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) niya, mahigit na P1 bilyon na ang halaga ng kanyang assets, halos katumbas na ng budget ng isang pangkaraniwang-laking lungsod.       

Si Kap Jun ay isang huwarang padre de familia, isang mapagmahal na asawa sa kanyang kabiyak na si Carissa, at mabuting ama sa kanyang anim na anak.  Siya ay may kapatid na tumatakbo ring konsehal sa Lungsod ng Iloilo.  (The Daily Guardian)