Idineklara na ng Korte Suprema na ang mga pinag-aagawang barangay ng Makati at Taguig ay sakop ng Lungsod ng Taguig. Sa desisyon ng mataas na hukuman, ang Fort Bonifacio, Barangay Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, at Pitogo gayundin ang Philippine Army headquarters, Navy installation, Marines' headquarters, Consular area, JUSMAG area, Heritage Park, Libingan ng mga Bayani, AFP Officers Village, at 6 pang katabing barangay ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Taguig batay sa mga historical, documentary, at testimonial evidence. Ayon sa pahayag kamakailan ni dating Makati Vice Mayor ng Makati Ernesto Mercado, ipinaliwanag ng tagapagsalita ng Korte Suprema na si Brian Hosaka na ibinasura ng mataas na hukuman ang omnibus petition ng Makati City government na humihiling na iapela ang kaso ng land dispute sa Supreme Court En Banc dahil sa kakulangan ng merito. Ipinaliwanag din ni Hosaka na dahil naglabas na ng pinal na desisyon ang SC, hindi na ito tatanggap ng anumang pleading, mosyon, liham, o komunikasyon hinggil sa kaso. Ang desisyon ng Korte ay nag-utos din sa Makati City na sagutin ang mga gastos sa kaso ng land dispute. Sinabi naman ng Taguig City na umaasa ang Makati City na makikipagtulungan para sa maayos na transisyon ng mga apektadong barangay upang matiyak ang tuluy-tuloy na serbisyo publiko at para sa kapakanan ng mga dating residente ng Makati. Ayon naman sa isang dating residente na ipinangak at lumaki sa Makati, malaki ang magiging implikasyon ng desisyong ito sa mga institusyong tulad ng Unibersidad ng Makati na matatagpuan sa West Rembo at sa Ospital ng Makati na nasa Barangay Pembo na naglalagay na sa parehong pasilidad sa hurisdiksyon ng Lungsod ng Taguig. Sa paglilipat ng mga barangay, napakarami rin ang dapat isaalang-alang sa transisyong magaganap, aniya. (Inquirer.net) PHOTO CREDIT: FB Page Ospital ng Makati