Hiniling ng Sangguniang Panlalawigan ng Agusan del Norte kamakailan sa Committee on Education ng House of Senate at House of Representatives na maglaan ng pondo para sa Scholarship Grants Program ng mga opisyal ng barangay at kanilang mga anak.
Naipasa at inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang isang resolusyon na humihiling sa Kamara na isama ang paglalaan ng pondo sa General Appropriations Act para sa isang pangmatagalang pagkakaloob ng nasabing scholarship grant.
Isinasaad ng Section 393 B (4) of RA 7160 o ang Local Gevernment Code of 1991 na ang punong barangay, mga kagawad, ingat-yaman at kalihim at ang kanilang mga anak at mga opisyal ng Sangguniang Kabataan o SK na nag-aaral sa mga kolehiyo at pamantasan ay walang bayad sa tuition habang sila ay nasa puwesto.
Sa pagsunod sa nasabing batas, ang Commission on Higher Education (CHED) naman ay nagpalabas ng Memorandum Order Nos. 62-1997 at 15-2009 para sa mga alituntunin ng mga State Universities at Colleges o SUCs sa nasabing scholarship grant.
Ang problema, hindi kinikilala ng mga SUC ang nasabing programa dahil walang katiyakan ayon sa kanila na may pondong nakalaan mula sa pamahalaan at walang malinaw na mekanismo kung saan nila kukunin ang kabayaran sa tuition fees para sa mga scholarship beneficiaries.
Ang Sangguniang Panlalawigan ng Davao Oriental at Marinduque ay nagpahayag ng pagkabahala sa isyung ito at umayon sa panukala ng Sangguniang Panlalawigan ng Agusan del Norte na hilingin sa pamahalaan na magkaroon ng malinaw na mekanismo kung paano matitiyak na may pondo para sa programa.
Sinang-ayunan at simuportahan naman ng Sangguniang Panlalawigan ng Agusan del Norte ang kahilingang ito at kaagad na nagsulong at inaprubahan ang isang resolusyon na hinihiling sa Kongreso na malutas na ang problema. (PIA/Agusan Del Norte LGU)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento