Martes, Marso 29, 2016

Barangay Assembly Para Saan Nga Ba Ito?



Dalawang beses sa isang taon, sa mga buwan ng Marso at Oktubre, itinakda ng batas na isagawa ang isang pagtitipon ng mga residente ng bawat barangay sa pangunguna ng mga opisyal nito sa buong bansa.        

Ayon sa Local Government Code, ang mga kabilang sa barangay assembly ay ang mga taong naninirahan dito ng mahigit anim na buwan, may gulang na 15 pataas at mga mamamayang Pilipino.                     

Ang programa ng pagtitipon ay sinisimulan ng Punong Barangay sa paglalahad ng State of Barangay Address o SOBA para mag-ulat ng mga naisagawa ng pamunuan sa unang kalahati ng taong kasalukuyan o ng huling kalahati ng nakalipas na taon at ng mga pinakahuling-ulat tungkol sa mga proyekto at programa nito; ulat sa pananalapi kasama na ang mga buwanang nalikom gayundin ng mga kinita at pinagkagastahan. Iuulat din ang iba pang mga bagay na may kinalaman sa pananalapi tulad ng badyet sa hinaharap at mga planong bibilhin para sa pangangailangan ng barangay.  

Ngayong 2016, ang ilan sa mga bagay na bibigyan ng pangunahing pansin ay ang pagtalakay kung paano masusugpo ang droga, ang pagpaparehistro ng mg kasambay ng kanilang mga amo, mga pangunahing proyektong popondohan ng Barangay Bottom-up Budgeting o BBuB, at ang pakikilahok ng mga simbahan sa pagsubaybay sa mga proyekto at programa ng barangay.  

Ang iba pang mga isyung may kinalaman sa pagpapalakad ng barangay ay tatalakayin din tulad ng disaster preparedness at solid waste management. Ang mga kagawad na chairman ng kanilang kumite ay maari ring magbigay ng mga pinakahuling ulat tungkol sa kanilang mga programang pinamumunuan.  

Para makaakit ng maraming bilang ng mga dadalo sa assembly, ang mga kaganapan tulad ng mga medical missions, cultural presentations at pati na mga tiangge ay maaaring ganapin sa lugar ng pagtitipunan.  

At para naman makatawag ng pansin sa gagawing pagtitipon, maaring magkabit ng mga poster at banner sa mga mataong lugar tulad ng barangay hall, plaza, terminal ng mga sasakyan, mga tindahan, palengke at talipapa.  Maari rin mag-anunsiyo sa ibat-bang bahagi ng barangay gamit ang mga sasakyang may public address equipment. (Barangay Reporter)   
 

Biyernes, Marso 11, 2016

Barangay Sa Laguna Binago Ng Bilyonaryong Kapitan



Si Punong Barangay Eugenio S. Ynion Jr.



Dahil nais niyang mapalapit ng tirahan sa mga kaanak, nagpasiya ang negosyanteng si Eugenio S. Ynion Jr. na lumipat sa tahimik na lugar na ito sa Laguna para dito na manirahan at para mapalayo na rin sa ingay at kaguluhan ng Metro Manila.                      

"Mahabang kwento”, ang sinabi niya tungkol sa desisyon niya na lumipat sa La Marea - may sampung taon na ang nakalilipas - isang esklusibong subdibisyon malapit sa hangganan ng Metro Manila at Laguna, “ang gusto ko talaga ay mapalapit sa aking mga kapatid na naninirahan na rito”.  

Ang La Marea, na nasa Barangay San Antonio sa Lungsod ng San Pedro sa Laguna, ay pawang may kaya ang karamihan ng mga naninirahan. Magagara ang  mga tahanan, nasa matanawing bahagi ito ng lungsod. Tahimik at maginhawa ang klima sa  lugar na hinihipan ng malamig na hangin laluna kung gabi na nagmumula sa Lawa ng Laguna.  Tamang-tama ang lugar na ito sa mga nagnanais ng tahimik na pamamahinga sa gabi matapos ang maghapong gawain sa upisina.  

Tubong Iloilo, kuntento na sana si Jun sa kanyang sitwasyon nguni’t may mga pangyayaring naganap sa kanyang barangay na nagpabago sa takbo ng kanyang buhay – at ng barangay San Antonio mismo. 

“Labis akong nabahala sa problema ng barangay namin sa basura, sa mga nakawan at iba pang krimeng madalas na maganap dito.  Bagamat lagi akong  nakikipag-ugnayan sa aming mga opisyal dito, wala akong makitang agarang solusyon mula sa kanila” sabi niya.  

Ang Barangay San Antonio ang pinakamalaking barangay sa Lungsod ng San Pedro.  May kabuuang sukat ito na 780 ektarya at pangalawa sa pinakamaraming naninirahan na humigit kumulang ay 52,000 mga residente.

Maganda sana ang hinaharap ng komunidad na ito kung hindi sa talamak na problema sa droga at kahirapan ng maraming mamamayan dito.  Ang mga ito marahil at iba pang problema ang siyang humihila rito pababa kasama na rito ang mga mga kurap na opisyal ng barangay.  Ayon sa kanya, mas mahalaga pa sa kanila kung paano maipapasok ang mga kamay  sa kaban ng bayan.  

Ito ay noong hindi pa siya ang Punong Barangay. Sa halalang barangay noong 2013, tumakbo siya sa nasabing puwesto at nanalo kung kaya’t isang Ilonggo na ngayon ang namumuno sa Barangay San Antonio na pawang mga Tagalog ang karamihan ng mga sinaunang nakatira.  

Mula nang naupo siya bilang Punong Barangay, malaki ang nabago sa takbo ng buhay ng mga taga Barangay San Antonio. Naging isa itong huwarang komunidad. Umasa ito, hindi lamang sa pamamagitan ng sariling kakayahan nito, kung hindi pati na rin ng tulong mula sa kanyang mga kumpanya sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan, pagkakaloob ng hanapbuhay at marami pang mga programa at serbisyong pangkalusugan, edukasyon at kapaligiran.  

Ngayon ang Barangay San Antonio ay may sarili nang fire truck, mga rescue boats, school buses, mga motorsiklo at iba pang sasakyan gayundin ng iba’t ibang gamit pangkomunikasyon para mapaigi ang serbisyo sa mga mamayan.   

Ang pagpapaigting ng kampanya laban sa droga ay nakasilo ng mahigit 40 pushers. Libre ang serbisyong pangkalusugan, ang edukasyon ay binibigyan ng pangunahing pansin kasama na rito ang pamimigay ng mga gamit pang eskwela.  Ang kanyang mga kumpanya naman ay nagpaluwal sa pagpapagawa ng San Antonio Exchange Terminal at Casa de San Antonio para akitin ang mga mamumuhanan at paramihin ang mga trabaho’t kabuhayan.  

Ayon sa kanya, bilang Punong Barangay, ang serbisyo publiko ay parang isang kawang-gawa.  Upang maging epektibo, kailangang ng tuluy-tuloy na mga proyekto. 

“At para magpatuloy ang mga ito, kailangang nasa ayos ang paggamit ng pondo ng gubyerno” dagdag pa niya.  “Ako’y naniniwala na para maging epektibo ang isang naglilingkod sa bayan, kailangan ng maayos at  mabuting pamamahala at walang halong kurapsiyon.”  

Sa ngayon, mas nilawakan pa niya ang abot ng kanyang tanaw.  Tumatakbo bilang Mayor ng San Pedro City, ang kanyang plataporma: peace and order, transparency at good governance.

“Hindi kailanman pumasok sa aking isip noon na ako ay hahawak ng pwesto sa gubyerno” sabi niya.  “Ngunit naininiwala ako na may plano para sakin ang nasa Itaas bilang isang public servant”. “Gusto kong maging isang first class city ang San Pedro” pahayag ni  Kap Jun. 

 Magtagumpay kaya siya? Maaaring isang malaking balakid ang kanyang kinakaharap sa bagong pagsubok na ito nguni’t sanay na naman siyang humarap sa ganito noon pa mang nag-uumpisa siya bilang negosyante. Marami na siyang pinagdaaanan hanggang sa siya ay magtagumpay. 

 Tulad ng ibang mga nagosyanteng dumaan sa maraming pagsubok, ilang beses din siyang bumagsak at bumangon noon bago niya nakamit ang tagumpay.    

Ayon sa pinakahuling Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) niya, mahigit na P1 bilyon na ang halaga ng kanyang assets, halos katumbas na ng budget ng isang pangkaraniwang-laking lungsod.       

Si Kap Jun ay isang huwarang padre de familia, isang mapagmahal na asawa sa kanyang kabiyak na si Carissa, at mabuting ama sa kanyang anim na anak.  Siya ay may kapatid na tumatakbo ring konsehal sa Lungsod ng Iloilo.  (The Daily Guardian)

Martes, Marso 1, 2016

Mga Kasambahay Kailangang Iparehistro sa Barangay

Inatasan kamakailan ni DILG Secretary Mel Senen S. Sarmiento ang mga barangay na obligahin ang bawa’t kabahayan na may kasambahay sa kanilang nasasakupan na iparehistro ang mga ito sa Kasambahay Master List.

“Bilang bahagi ng Barangay Assembly Day sa bawa’t barangay ngayong buwan ng Marso 2016, dapat isama sa pag-uusapan ang Barangay Registration ng mga Kasambahay” sabi ni Sarmiento.

Ipinaliwanag ng DILG Secretary na ito ay naaayon sa Republic Act No. 10361 o mas kilala bilang An Act Instituting Policies for the Protection and Welfare of Domestic Workers na inaprubahan ni Pangulong Aquino dalawang taon na ang nakalilipas.

“Ito ay isang paalala sa lahat ng mga opisyal ng barangay na huwag balewalain ang pagpaparehistro ng mga kasambahay.  Ang mga kinatawan ng Pag-IBIG, PhilHealth at SSS ay maaaring anyayahan para maglagay ng kanilang lamesa para tumanggap ng mga aplikasyon para maging miyembro” sabi ni Sarmiento.

Isinasaad ng batas na ang kasambahay ay sinuman na gumagawa bilang katulong sa bahay, “nurse maid” o yaya, tagapagluto, hardinero o tagapaglaba, nguni’t hindi kabilang ang sinuman na hindi tuluy-tuloy o pangmatagalan ang pamamasukan.

Hindi rin kabilang dito ang mga foster children, mga pinag-aaral o binibigyan ng baon, pamasahe, mga project o gawain sa eskwela.

Barangay Kasambahay Desk
Noong Hulyo 2013, inatasan ng DILG ang mga barangay na magkaroon ng Kasambahay Desks. Ang mga Punong Barangay ay pinagawa ng mga sistema para matiyak na ang pagpaparehistro ng lahat ng mga kasambahay sa kanilang barangay, kabilang na rito ang on-line registration sa pamamagitan ng kanilang website o e-mail.

Ang Kasambahay Registration Form (KR Form 1) at ang Kontrata sa Paglilingkod sa Tahanan ay maaaring makuha sa mga barangay at munisipyo o hindi kaya sa panglungsod na Public Employment Service Office (PESO). Maari ring mai-download ang mga ito mula sa  www.dilg.gov.ph and www.dole.gov.ph.

Kung sakaling natapos na ang kontrata, kalangang ipaalam kaagad sa  Kasambahay Desk ng amo para maitala ito.

Ipinagbabawal sa mga taga-barangay o ng lokal na tanggapan ng Public Employment Office ang pagbubunyag ng impormasyon tungkol sa kasambahay o ng tungkol sa amo.

Ito ay nasasakop Republic Act No. 10173 (Data Privacy Act of 2012) at iba pang mga batas.  Ang paglabag dito ay may kaukulang multa o pagkabilanggo. 

Martes, Pebrero 23, 2016

Mga Tauhan ng Barangay sa Davao Nagsanay sa ‘Mobile Journalism’

Nagsanay kamakailan ang mga tauhan ng barangay sa Davao sa ‘Mobile Journalism’ para mag-ulat ng mga insidente ng illegal logging sa bayan ng Monkayo, Campostela.

Ang pagsasanay ay proyekto ng Department of Environment and Natural Resources XI, sa ilalim ng programa ng Monitoring and Coordinating Council ng National Task Force Diwalwal (PMCC-NTFD).

May 20 katao mula sa apat na barangay na kabilang sa Diwalwal Mineral Reservation Area (DMRA) ang lumahok sa pagsasanay sa Cellphone Photography at Videography na ginanap sa Grand Regal Hotel sa Lungsod ng Davao noong ika-15 hanggang 17 ng Pebrero, 2016.

Ang mga barangay na kalahok ay ang Barangay Salvacion, Mt. Diwata, Tubo-tubuo at Upper Ulip na pawang nasa Bayan ng  Monkayo, Compostela Valley.

Binigyan diin ni Atty. Chelin Joan Sonza Alug, hepe ng  administration division at PMCC Regional Program Coordinator, na layon ng pagsasanay na paigtingin ang pangangalaga ng kagubatan sa pamamagitan ng mga citizen-journalists.

“Inaasahan po namin kayo na magpapadala ng mga larawan at video ng mga iligal na gawain sa inyong nasasakupang lugar” sabi Atty. Alug sa mga lumahok sa seminar.

Ang pagsasanay ay isinigawa ng tanggapan ng Philippine Information Agency sa Region XI. (Ulat ni Michael Uy ng PIA Region XI: Barangaypersonnel trained on Mobile Journalism for DENR's Bantay Lasang)

Miyerkules, Pebrero 17, 2016

Scholarship Grants Para sa Barangay Officials Isinulong sa Kongreso



Hiniling ng Sangguniang Panlalawigan ng Agusan del Norte kamakailan sa Committee on Education ng House of Senate at House of Representatives na maglaan ng pondo para sa Scholarship Grants Program ng mga opisyal ng barangay at kanilang mga anak.                                                            

Naipasa at inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang isang resolusyon na humihiling sa Kamara na isama ang paglalaan ng pondo sa General Appropriations Act para sa isang pangmatagalang pagkakaloob ng nasabing scholarship grant.  

Isinasaad ng Section 393 B (4) of RA 7160 o ang Local Gevernment Code of 1991 na ang punong barangay, mga kagawad, ingat-yaman at kalihim at ang kanilang mga anak at mga opisyal ng Sangguniang Kabataan o SK na nag-aaral sa mga kolehiyo at pamantasan ay walang bayad sa tuition habang sila ay nasa puwesto.  

Sa pagsunod sa nasabing batas,  ang Commission on Higher Education (CHED) naman ay nagpalabas ng Memorandum Order Nos. 62-1997 at 15-2009 para sa mga alituntunin ng mga State Universities at Colleges o SUCs sa nasabing scholarship grant.   

Ang problema, hindi kinikilala ng mga SUC ang nasabing programa dahil walang katiyakan ayon sa kanila na may pondong nakalaan mula sa pamahalaan at walang malinaw na mekanismo kung saan nila kukunin ang kabayaran sa tuition fees para sa mga scholarship beneficiaries.  

Ang Sangguniang Panlalawigan ng Davao Oriental at Marinduque ay nagpahayag ng pagkabahala sa isyung ito at umayon sa panukala ng Sangguniang Panlalawigan ng Agusan del Norte na hilingin sa pamahalaan na magkaroon ng malinaw na mekanismo kung paano matitiyak  na may pondo para sa programa.   

Sinang-ayunan at simuportahan naman ng Sangguniang Panlalawigan ng Agusan del Norte ang kahilingang ito at kaagad na nagsulong at inaprubahan ang isang resolusyon na hinihiling sa Kongreso na malutas na ang problema.  (PIA/Agusan Del Norte LGU)