Lunes, Hulyo 24, 2017

Mga senador nagkahati-hati sa panukalang ipagpaliban ang halalang barangay



Nagpahayag ng magkakaibang pananaw ang mga senador sa panukalang ipagpaliban ang halalang barangay.

 Para kay Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino, mahalaga na ang mga mamamayang Filipino ay may pagkakataon na piliin ang kanilang mga pinuno.

 “Pag may postponement, may holdover status at sa palagay ko, ayon sa isinasaad ng ating mga batas, hindi kinakailangan ang holdover status ng mga halal na opisyal.  Hindi rin maaring basta-basta na lamang sila tatanggalin sapagkat sila ay naihalal.  Dapat may tamang proseso dahil halal sila ng taumbayan at kadalasan, ang basta pagtatalaga lamang ay hindi pinapayagan ng batas”. 

Sa kanyang talumpati naman kamakailan sa ginanap na Strategic Consultation and Workshop on Federalism, Barangay Reform, and Role of Barangays in National Security Concerns na inorganisa ng Liga ng mga Barangay, hinamon ni Senador Aquilino Pimentel lll ang mga punong barangay na linisin nila ang kanilang hanay para mapatunayan nila kay Pangulong Duterte na walang katotohanan ang napaulat na aabot sa 40 porsiyento ng mga namumuno sa barangay ay sangkot sa iligal na droga.

“Kung mali ang naturang report, marahil ay wala nang dahilan para pag-usapan pa ang pagtatalaga at pagpapalit ng mga opisyal ng barangay," sabi ni Pimentel.

Subali’t dagdag niya na kailangang patunayan ng mga punong barangay sa Pangulo at sa mga anti-drug agencies tulad ng Philippine National Police at ng Philippine Drug Enforcement Agency na walang katotohanan ang nasabing report.

“Kaya sa palagay ko ay isang hamon iyan sa bawa’t isa sa inyo,” ayon saPangulo ng Senado.

Sinabi pa ni Pimentel na”kung ang isang barangay ay drug-infested, heavily drug-infested, ang ating intelligence community ay hindi malayong mag-isip na sangkot nga sa droga ang mga pinuno ng barangay…natural lang na maging ganoon ang kanilang paniniwala."  

Hinimok din ni Pimentel na kailangang ipakita ng pamunuan ng barangay sa mga gumagawa ng polisiya na sila ay masugid sa pagpapaigting ng kanilang pagkilos para masugpo ang salot na droga.  

Madalas nang mabanggit ni Pangulong Duterte na ginagagamit lang ng mga sindikato ng droga ang halalang barangay para sa kanilang kapakanan.  Naniniwala si Pangulong Duterte na kapag natuloy ang halalan, ang mga kandidatong may kuneksiyon sa droga ang tiyak na mananalo.

 Ayon sa mga umiiral na batas, kinakailangang maamyendahan muna ang batas bago makapagtalaga ang Pangulo ng mga opisyal sa mahigit na 42,000 barangay sa bansa. 

Samantala, isinulong ni Senate Majority Leader Vicente Sotto ang Senate Bill 1469 noong ika-23 ng Mayo 2017 na nagsasaad na sa halip na sa ikaapat ng Lunes ng Oktubre 2017 ganapin ang halalang barangay at SK, ipagpaliban na lamang ito sa Oktubre 2018.  Sinabi niya na magbibigay daan ito para maimbistighan ang mga may kuneksiyon sa iligal na droga.

Sinabi naman ni Sen. Francis Escudero na karapatan ng Kongreso na itakda ang termino ng mga opisyal ng barangay gayundin ang petsa ng halalan at tinanong din niya kung gaano katagal ito ipagpapaliban.

"So hold-over lang ba ang istado nila o tatanggalin?  At kung sila ay tatanggalin dapat nating alalahanin na halal na opisyal ang mga ito.  Dapat din nating kilalanin na pinili sila ng kanilang mga nasasakupan at hindi natin maaring suwayin ang hangad ng taumbayan."

Hinimok din ni Escudero ang  Department of Interior and Local Government na magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga napaghihinalaang opisyal ng barangay, kung may mga ebidensiya na kakutsaba nga sila ng mga sindikato sa kanilang mga nasasakupang lugar.

Pinuna naman ni Senator Sherwin Gatchalian ang DILG sa hindi nito pagsasagawa ng nararapat na aksyion laban sa mga opisyal ng barangay na sangkot sa iligal na droga.

 Sinabi ni Gatchalian na ang pagpapaliban ng halalang barangay ay hindi katanggap-tanggap para sa kanya dahil sa ito na ang pangalawang beses na ang kasalukuyang administrasyon ay humingi ng postponement. 

“Ano nangyari sa loob ng isang taon?  Ang katwiran sa unang pagpapaliban ay tanggalin ang sinasabing 40 porsiento ng mga kapitan ng barangay na sangkot sa iligal na droga.  Ang tanong ko, ano na ang nangyari doon sa 40%, tinanggal na ba?”

Hiningi niya na magbigay ang DILG ng ulat dahil malaki na ang panahong ibinigay sa departamento na linisin ang hanay ng barangay.

Para kay Senador Franklin Drilon naman, sa pagpapahayag ng kanyang pagtutol sa posibleng pagpapaliban ng halalan, ang taumbayan ang siyang dapat na pumili ng kanilang mga pinuno sa pamamagitan ng isang bukas at malinis na halalang barangay at SK. (SunStar Philippines)

Photo Credits: bamaquino.com; en.wikipedia.org; untvweb.com; rappler.com; politics.com.ph; gmanetwork.com. English Version: Barangay Reporter

Biyernes, Hulyo 7, 2017

Pagkuha ng barangay clearance at mayor’s permit pag-iisahin na


Pinag-aaralan ngayon ng DILG at mga lokal na pamahalaan na pag-isahin na ang pag-iisyu ng barangay clearance at business permit sa bawat lungsod at bayan sa buong bansa.

Sinabi ni DILG Officer-in-Charge Catalino S. Cuy sa isang consultation-workshop na ginanap kamakailan na tinitipon na nila ang lahat ng mungkahi mula sa mga LGU bilang bahagi ng pagsasa-ayos ng pangongolekta ng mga bayarin sa barangay. 

Ito ay bilang paghahanda sa pagpapatupad ng sistemang kasama na ang barangay clearance sa ini-isyung business permit ng Business Permit at Licensing Office (BPLO) ng mga LGU.

“Sa simula pa lamang, may malinaw na direktiba na ang Pangulong Duterte na pabilisin ang proseso ng pag-iisyu ng business permit ng mga LGU.  Mas lalong ma-eenganyo ngayon ang mga negosyante na makipagtransaksiyon sa mga LGU dahil mas mabilis na silang mabibigyan ng permit ng mga lokal na pamahalaan” sabi ni Cuy.

Bago pa ito, inatasan ng Pangulo ang lahat ng mga tanggapan ng pamahalaan na bawasan ang mga requirements sa pakikipag-transaksiyon sa gobyerno para mas mapabilis ang mga pangunahing serbisyo.
Sa nasabing workshop na ginanap sa Napolcom-DILG Center, isa sa mga nag-share ng kanilang karanasan sa pagsasanib ng barangay clearance sa kanilang sistema ay ang Lungsod ng Valenzuela.  Sa kasalukuyan, 22 na sa 33 barangay ng Valenzuela ang may ordinansa na nagbibigay kapangyarihan sa lungsod na mangolekta ng mga bayarin para sa barangay business permit.
  
Ang ilan sa mga dumalo sa nasabing pulong ay mga BPLO ng
Valenzuela, Marikina, Paranaque, Manila at Quezon City.Naroon din ang mga kagawad ng Barangay San Roque ng Marikina at Barangay Gen. T. Deleon ng Valenzuela, mga model LGUs sa pagbabalangkas ng polisiya at alituntunin para mapabuti pa ang sistema sa pag-iisyu ng business permit. 

Nasa pulong din ang mga kinatawan ng Bureau of Local Government Finance (BLGF) sa ilalim ng Department of Finance at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ang DILG, sa pamamagitan ng Bureau of Local Government Development (BLGD), ay magsasagawa na ng mga hakbang at gawain para mas makubinsi at makuha ang suporta ng publiko sa pagpapatupad ng sistema.  

Nagsimula na rin ang konsultasyon ng mga BPLOs, Department of Trade and Industry (DTI), National Competitiveness Council (NCC) at Department of Finance (DOF) tungkol sa standardization ng mga forms na gagamitin. (DILG News Archives) Photo Credit: Wikipedia.

Huwebes, Hunyo 29, 2017

Apat lamang sa 182 barangay ng Davao ang may MRF


Ayon sa isang COA report na pinalabas noong ika-22 ng Hunyo, 2017, apat lamang sa 182 na barangay sa Lungsod ng Davao ang nakatupad sa Section 32 ng RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act na nagtatakda na magkaroon ng material recovery facilities (MRF) ang bawat barangay.

Sa ulat, lumalabas na 98% ng mga barangay sa sariling bayan mismo ni Pangulong Duterte ay hindi nakasusunod sa batas na naglalayong isulong ang recycling para pababain ang gastos sa pangongolekta at paliitin ang dami ng basura na itinatapon sa mga landfill.

Ayon sa record ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO), dapat may 16 na MRF na ang naitatayo at nagagamit ngunit lumilitaw sa ginawang inspeksiyon ng mga awditor ng pamahalaaan na ang mga barangay na may MRF lamang ay ang Barangay Crossing Bayabas, Dumoy, Hizon at Mahayag.  

 “May naitayo na dating mga MRF sa Barangay Gov. Paciano Bangoy, San Antonio-Agdao, Centro-San Juan, Lapu-lapu, Sasa, Matina Pangi at Calinan Proper ngunit natigil dahil sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng kakulangan ng pondo at pabago-bagong prayoridad ng administrasyon" ayon sa mga awditor.

Makikita sa isang kwenta ng mga ginastos ng pamahalaang lungsod noong 2016 na naglaan ng P151.74 million para sa “environment/sanitary services,” mas mataas ng P17.02 milyon kumpara sa ginastos para dito noong 2015.

Ang pagkukulang ay hindi dahil sa hindi naiintindihan ng mga opisyal ng barangay sa Davao ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng batas.  Naging kapuna-puna pa nga sa mga taga-COA na “mataas ang antas ng kanilang pagkakaunawa sa Solid Waste Management Act”. Ang problema ay nasa mga opisyal ng lungsod na nagpapatupad ng batas, ayon sa kanila.

Sabi ng mga opisyal ng Barangay Dumoy, Calinan Proper, Matina Pangi at Indangan, pinapayagan daw ng City Environment and Natural Resource Office o CENRO ang pangongolekta ng hindi naihiwalay na basura at ang pagsasama-sama ng iba’t ibang uri nito. 

Kinumpirma ito ng isang survey na isinagawa ng mga awditor sa mga residente ng 14 na barangay na may malalaking populasyon.


Ayon sa COA, ang ganitong mga gawi ay hindi lamang nagpaparami ng basurang kokolektahin at itatapon, kontra sa sistema ng 'waste segregation', kung hindi nagpapalaki pa ng gastos sa upa ng mga trak na panghakot. 

Bukod pa rito, sa halip na mapakinabangan pa ng matagal ang mga sanitary landfill na pinagtatapunan, madaling napupuno ang mga ito dahil sa pagtatapon ng hindi naihiwalay na basura.

Napatunayan lahat ito sa isang isinagawang inspeksiyon ng mga taga COA sa Davao Sanitary Landfill na nasa Barangay New Carmen sa Tugbok, Lungsod ng Davao.

Ang P268 Million Davao City Sanitary Landfill 
Tinanggap naman ni Engr. Elisa P. Madrazo, CENRO ng Davao City ang kinalabasan ng awdit ngunit ipinagtanggol pa rin niya ang kanyang tanggapan at sinabi na, “in good faith”, inaasahan niya ang mga barangay sa lungsod na tutupad sa kanilang tungkulin ayon sa itinatakda ng batas.

Tiniyak naman niya ang mga awditor na palalakasin pa ng CENRO ang pagpapatupad ng RA 9003 sa pamamagitan ng mas masusing pagmamatyag at pakikipag-ugnayan sa bawat barangay. (Malaya Business Insight) Photo Credits: Rappler. com; Durian Post. 

Lunes, Hunyo 26, 2017

Walang kinokolektang pera ang PDP-Laban para magpuwesto ng opisyal ng barangay

Senator Aquilino "Koko" Pimentel III. Photo Credit: Inquirer File Photo
Ayon kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, ang PDP-Laban ay hindi nangungulekta at hindi kailanman tatanggap ng anumang kabayaran mula sa mga nais magkaroon ng puwesto sa barangay.
Sa isang panayam sa Inquirer, sinabi niya na walang ganitong programa ang PDP-Laban o anumamg grupo, laluna iyong mga sumusuporta kay President Duterte.
Wala pa naman aniya na batas ang nagpapawalang bisa ng halalang barangay na nakatakda sa Oktubre at magtatalaga na lamang ng mga opisyal sa mahigit na 42,000 barangay sa buong bansa.
Nagbabala si Pimentel na mag-ingat sa mga taong ginagamit ang pangalan ng PDP-Laban para manghingi ng “registration fees” o kabayaran mula sa mga nais ma-appoint na opisyal ng barangay.
Lokohan Aniya, ang kapalit daw ng mga kinokolektang pera ay para mapasama sa listahan na gagamitin sa pagpili ng mga opisyal ng barangay kapag pinagpaliban ang halalan.
Sinabi ni Pimentel na may mga napaulat na mga insidente ng pangangalap ng pera sa Pampanga, Bicol at ilang bahagi ng Mindanao. Para mapigilan ang mga ganitong pangyayari, lalong pinabilis ng PDP-Laban ang pagre-reorganisa nito sa buong bansa at ang pagtatalaga ng mga tao sa mga lugar na hindi pa nasasakupan ng partido.
Sa ganitong paraan, madaling malaman kung sino ang tao ng partido sa bawat lalawigan at kung may isang grupo halimbawa ang pumunta sa Pampanga para mangalap ng pera sa pangalan ng partido, madaling mai-verify, sabi ni Pimentel.
Nais ni Presidente Duterte na ipagpaliban ang halalang barangay sa kadahilanang 40% ng mga opisyal ng mahigit 42,000 barangay sa buong bansa ay kurap o sangkot sa iligal na droga. (Inquirer.netInquirer.net)

Linggo, Hunyo 11, 2017

Kapitan ng barangay arestado sa pagtatago ng baril na walang lisensiya

Photo Credit:  PNP Lipa Facebook

Isang kapitan ng barangay ang inaresto sa pagtatago ng di-lisensiyadong armas sa kanyang bahay sa Lipa City sa lalawigan ng Batangas kamakailan, ayon sa pulisya.

Sinabi ni Chief Inspector Zyrus Serrano, provincial officer ng Batangas CIDG, si Kapitan Rodelio Fajutag, 60 ng Barangay San Guillermo, Lungsod ng Lipa, ay inaraesto  sa kanyang barangay mismo noong ika-25 ng Mayo.

Dagdag pa ni Serrano na ang nagsilbi ng search warrant kay Fajutag ay ang pinagsanib na puwersa ng Batangas CIDG, CIDG Region 4A at ng Batangas Provincial Safety Office.

Ang nag-issue ng search warrant ay si Judge Agripino Morga ng San Pablo City para sa kanyang di-umano’y paglabag sa Republic Act 10591 o ang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.”

Ang nakuha mula sa suspek ang isang kalibre-45 na baril, isang magazine at 5 bala.


Si Fajutag at ang mga nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa CIDG Batangas Office para maihanda nag kaso laban sa suspek. (Inquirer.net)

Biyernes, Mayo 26, 2017

LASING NA BARANGAY CAPTAIN NANAMPAL NG EMCEE SA TINUPIG FESTIVAL SA CAGAYAN



Kitang kita sa video na ini-report sa 24 Oras ang pananampal ni Kapitan Fred Arthur Agatep, presidente ng ABC (Liga ng mga Barangay) sa bayan ng Lasam, sa emcee.

Hindi raw narinig ni Agatep na binanggit ng emcee ang kanyang pangalan.

Nagulat ang emcee, pati na rin ang ibang tao, dahil dinig naman daw na tinawag ang pangalan ng kapitan.

Lasing daw noon si Agatep, na kita rin sa video na medyo sumuray habang nasa entablado.

Nahaharap siya ngayon sa kasong physical injuries na balak isampa ng nasapak na emcee na si Jeremy Christian Rola, graduate ng University of the Philippines, Los Banos (UPLB) at kawani ng Department Agriculture regional office.

Ayon kay Rola, habang binabasa niya ayon sa alaphabetical order ang listahan ng 30 barangay sa bayan ng Lasam, Cagayan, bigla na lamang pumunta sa harapan ang kapitan para sabihing hindi nabasa ang pangalan niya.

"Lasing kasi siya at excited.  Gusto niya po first in the list kasi siya ang ABC (Liga ng mga Barangay) President" sabi ni Rola.

Sa kabila ng ginawa ni Agatep, pinili ni Rola na ipagpatuloy ang programa sa halip na lumaban o basta na lamang umalis.

"Kung mayroong isang bagay na maipagmamalaki ko, ito ay ang mabuting asal na itinuro ng mga magulang ko...sa halip na gumanti o basta na lamang umalis, sinabi ko sa sarili ko na maraming mga manonood na naghihintay...ayaw kong sayangin ang kanilag oras, kung kaya't nagpatuloy ako na parang walang nangyari" sabi niya.

Balak ni Rola ngayon na mag-file ng kasong physical assault sa tulong ni Mayor Marjorie Apil Salazar. 

Si Agatep ay kapitan ng Barangay Centro II (Poblacion) ng bayan ng Lasam, Cagayan at ABC President ng nasabing bayan.    

Wala pang pahayag ang naturang kapitan.

Tanong ng The Lazy Boy's Journey, isang site sa You Tube, "Ano Kaya ang dapat gawin sa mga tarantadong politiko na ganito?". GMA News.

Huwebes, Marso 23, 2017

DIGONG GUSTO MULING IPAGPALIBAN ANG HALALANG BARANGAY

Gusto ni Pangulong Duterte na muling ipagpaliban ang 

halalang barangay ngayong taon. 

Sa kanyang pahayag sa First General Assembly ng League of Municipalities of the Philippines(LMP) sa Manila Hotel kamakailan, sinabi niya na ayaw  pa niyang magkaroon ng halalang pambarangay sa taong ito dahil sa impluwensiya ng pera mula sa iligal na droga tuwing may eleksiyon.

Si Pangulong Rodrigo Duterte                                    Photo from Rappler
“Dahil sa anim o pitong taonng nakalipas, isa na tayong narco-politcs state,” sinabi ng Pangulo sa may 1,300 na punong bayan na dumalo sa general assembly. 
 “Kailan pa tayo makakaasa ng malinis na eleksiyon na hindi malaya sa impluwensiya ng pera galing sa droga?  Ngyong taon?  
"Sinabi ko kay Senate President Aquilino Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez na sabihin sa mga mambabatas na kung magkakaroon ng halalang barangay ngayon…patay,” ayon sa kaniya. 
 “Sa mga susunod na election, nakapwesto na ang mga ‘yan,” sabi ng Pangulo  na ang tinutukoy ay ang mga opisyal ng barangay na suportado ng perang galing sa iligal na droga.
Ang halalang barangay at Sanguniang Kabataan ay naipagpaliban noong ika-31 ng Oktubre 2016 at naitakda sa darating na ika-23 ng Oktubre ng taong ito.
Sinabi rin ng Pangulo na maaaring nagamit din noong nakaraang election ang perang galing sa droga ng ilang mga kandidato.
Sa kanyang talumpati na tumagal ng isang oras at 15 minuto, muling ibinaling ng pangulo ang kanyang paksa sa problema ng iligal na droga.
Sa may halos sa ikatlong bahagi ng kanyang pahayag, ipinakita niya ang isang makapal na folder na may nakatatak na:  “Updated as of January 30…” na nagsasaad ng sitwasyon ng droga sa buong bansa.
Biniro pa niya ang mga dumalong punong bayan habang sinusuri ang mga pahina.
 “Mukhang nakita ko ang pangalan ninyo dito….Hindi rito, sa attendance,”  pabiro niyang sinabi na umani ng mga palakpak at tawanan at siyang pumunit ng halos nakabibinging katahimikan sa bulwagan.
Ngunit sinabi pa rin ng Pangulo na talagang may mga punong bayan sa listahan pero hindi niya binanggit ang mga pangalan.
Sinabi rin niya na may 6,000 pulis ang sangkot sa iligal na droga at halos 40 porsiyento o 16,814 ng mga  barangay sa bansa ang nasa ilalim ng impluwensiya ng droga.
Sa isang bahagi ng kanyang talumpati, may ilang segundo rin na mabilis niyang inisa-isa ang mga pahina ng napakakapal na file.  Ang tunog lamang nito ang maririnig sa gitna ng katahimikan.
 “That’s how thick it is,” sabi ng Pangulo.
“That’s why I told Congress… Paano ba ‘yan? You want barangay elections? Who will win?  Those who have money. Money generated from somebody else’s pocket?  Meron, pero druga…,,” dagdag pa ng Pangulo.
Sinabi ng isang mayor mula sa Western Visayas na dumalo sa pulong na welcome sa maraming alkalde ang pagpapaliban ng halalan  dahil  “mas liliit ang gastusin namin at makapagtatalaga kami ng taong gusto namin sa puwesto.”  (Isinalin sa Filipino at hinango mula sa inquirer.net)
Sa Susunod: Digong Gustong Magtalaga ng Barangay OICs Kapag Hindi Natuloy ang Halalan