Martes, Marso 1, 2016

Mga Kasambahay Kailangang Iparehistro sa Barangay

Inatasan kamakailan ni DILG Secretary Mel Senen S. Sarmiento ang mga barangay na obligahin ang bawa’t kabahayan na may kasambahay sa kanilang nasasakupan na iparehistro ang mga ito sa Kasambahay Master List.

“Bilang bahagi ng Barangay Assembly Day sa bawa’t barangay ngayong buwan ng Marso 2016, dapat isama sa pag-uusapan ang Barangay Registration ng mga Kasambahay” sabi ni Sarmiento.

Ipinaliwanag ng DILG Secretary na ito ay naaayon sa Republic Act No. 10361 o mas kilala bilang An Act Instituting Policies for the Protection and Welfare of Domestic Workers na inaprubahan ni Pangulong Aquino dalawang taon na ang nakalilipas.

“Ito ay isang paalala sa lahat ng mga opisyal ng barangay na huwag balewalain ang pagpaparehistro ng mga kasambahay.  Ang mga kinatawan ng Pag-IBIG, PhilHealth at SSS ay maaaring anyayahan para maglagay ng kanilang lamesa para tumanggap ng mga aplikasyon para maging miyembro” sabi ni Sarmiento.

Isinasaad ng batas na ang kasambahay ay sinuman na gumagawa bilang katulong sa bahay, “nurse maid” o yaya, tagapagluto, hardinero o tagapaglaba, nguni’t hindi kabilang ang sinuman na hindi tuluy-tuloy o pangmatagalan ang pamamasukan.

Hindi rin kabilang dito ang mga foster children, mga pinag-aaral o binibigyan ng baon, pamasahe, mga project o gawain sa eskwela.

Barangay Kasambahay Desk
Noong Hulyo 2013, inatasan ng DILG ang mga barangay na magkaroon ng Kasambahay Desks. Ang mga Punong Barangay ay pinagawa ng mga sistema para matiyak na ang pagpaparehistro ng lahat ng mga kasambahay sa kanilang barangay, kabilang na rito ang on-line registration sa pamamagitan ng kanilang website o e-mail.

Ang Kasambahay Registration Form (KR Form 1) at ang Kontrata sa Paglilingkod sa Tahanan ay maaaring makuha sa mga barangay at munisipyo o hindi kaya sa panglungsod na Public Employment Service Office (PESO). Maari ring mai-download ang mga ito mula sa  www.dilg.gov.ph and www.dole.gov.ph.

Kung sakaling natapos na ang kontrata, kalangang ipaalam kaagad sa  Kasambahay Desk ng amo para maitala ito.

Ipinagbabawal sa mga taga-barangay o ng lokal na tanggapan ng Public Employment Office ang pagbubunyag ng impormasyon tungkol sa kasambahay o ng tungkol sa amo.

Ito ay nasasakop Republic Act No. 10173 (Data Privacy Act of 2012) at iba pang mga batas.  Ang paglabag dito ay may kaukulang multa o pagkabilanggo. 

Martes, Pebrero 23, 2016

Mga Tauhan ng Barangay sa Davao Nagsanay sa ‘Mobile Journalism’

Nagsanay kamakailan ang mga tauhan ng barangay sa Davao sa ‘Mobile Journalism’ para mag-ulat ng mga insidente ng illegal logging sa bayan ng Monkayo, Campostela.

Ang pagsasanay ay proyekto ng Department of Environment and Natural Resources XI, sa ilalim ng programa ng Monitoring and Coordinating Council ng National Task Force Diwalwal (PMCC-NTFD).

May 20 katao mula sa apat na barangay na kabilang sa Diwalwal Mineral Reservation Area (DMRA) ang lumahok sa pagsasanay sa Cellphone Photography at Videography na ginanap sa Grand Regal Hotel sa Lungsod ng Davao noong ika-15 hanggang 17 ng Pebrero, 2016.

Ang mga barangay na kalahok ay ang Barangay Salvacion, Mt. Diwata, Tubo-tubuo at Upper Ulip na pawang nasa Bayan ng  Monkayo, Compostela Valley.

Binigyan diin ni Atty. Chelin Joan Sonza Alug, hepe ng  administration division at PMCC Regional Program Coordinator, na layon ng pagsasanay na paigtingin ang pangangalaga ng kagubatan sa pamamagitan ng mga citizen-journalists.

“Inaasahan po namin kayo na magpapadala ng mga larawan at video ng mga iligal na gawain sa inyong nasasakupang lugar” sabi Atty. Alug sa mga lumahok sa seminar.

Ang pagsasanay ay isinigawa ng tanggapan ng Philippine Information Agency sa Region XI. (Ulat ni Michael Uy ng PIA Region XI: Barangaypersonnel trained on Mobile Journalism for DENR's Bantay Lasang)

Miyerkules, Pebrero 17, 2016

Scholarship Grants Para sa Barangay Officials Isinulong sa Kongreso



Hiniling ng Sangguniang Panlalawigan ng Agusan del Norte kamakailan sa Committee on Education ng House of Senate at House of Representatives na maglaan ng pondo para sa Scholarship Grants Program ng mga opisyal ng barangay at kanilang mga anak.                                                            

Naipasa at inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang isang resolusyon na humihiling sa Kamara na isama ang paglalaan ng pondo sa General Appropriations Act para sa isang pangmatagalang pagkakaloob ng nasabing scholarship grant.  

Isinasaad ng Section 393 B (4) of RA 7160 o ang Local Gevernment Code of 1991 na ang punong barangay, mga kagawad, ingat-yaman at kalihim at ang kanilang mga anak at mga opisyal ng Sangguniang Kabataan o SK na nag-aaral sa mga kolehiyo at pamantasan ay walang bayad sa tuition habang sila ay nasa puwesto.  

Sa pagsunod sa nasabing batas,  ang Commission on Higher Education (CHED) naman ay nagpalabas ng Memorandum Order Nos. 62-1997 at 15-2009 para sa mga alituntunin ng mga State Universities at Colleges o SUCs sa nasabing scholarship grant.   

Ang problema, hindi kinikilala ng mga SUC ang nasabing programa dahil walang katiyakan ayon sa kanila na may pondong nakalaan mula sa pamahalaan at walang malinaw na mekanismo kung saan nila kukunin ang kabayaran sa tuition fees para sa mga scholarship beneficiaries.  

Ang Sangguniang Panlalawigan ng Davao Oriental at Marinduque ay nagpahayag ng pagkabahala sa isyung ito at umayon sa panukala ng Sangguniang Panlalawigan ng Agusan del Norte na hilingin sa pamahalaan na magkaroon ng malinaw na mekanismo kung paano matitiyak  na may pondo para sa programa.   

Sinang-ayunan at simuportahan naman ng Sangguniang Panlalawigan ng Agusan del Norte ang kahilingang ito at kaagad na nagsulong at inaprubahan ang isang resolusyon na hinihiling sa Kongreso na malutas na ang problema.  (PIA/Agusan Del Norte LGU)

Miyerkules, Pebrero 10, 2016

Sumbungan sa Barangay ng 4Ps Itinalaga



Iniutos kamakailan ng tanggapan ng DSWD Region 2 sa Tuguegarao, Cagayan sa lahat ng Municipal Advisory Councils sa Region 2 na magkaroon ng mga Barangay Complaint Desks para harapin ang mga reklamo sa lugar tungkol sa Pantawid Pamilyang Pilipino or 4Ps.                                                                 
Sinabi ni Maricel Asejo, Information Officer ng nasabing tanggapan, marami silang natatanggap na reklamo tungkol sa programa at ang mga naging gawi ng mga nakatatanggap ng benepisyo.                      

“Sa pagkakaroon ng mga complaint desks, mabilis na matutugunan ang bawat reklamo ng mga beneficiaries at magawan ng agarang aksyon” sabi ni Asejo.  

Sinabi rin niya na isa sa mga bunga ng pagsasakatuparan ng programa ay ang pagpapalakas sa kakayahan at maisulong ang magandang pagtitinginan ng mga pamilyang nakatatanggap.   

Karamihan aniya sa mga reklamong kanilang nahaharap ay may kinalaman sa pagtrato ng mga kalalakihan sa kanilang asawa na siyang tumatanggap ng mga benepisyo. Bukod dito, nabanggit din niya ang pagkakasangkot ng mga ito sa bisyo tulad ng sugal at awayan ng mga pamilya.   

“Ito ang mga halimbawa ng mga reklamong idinudulog sa amin” dagdag pa niya.   

Ang complaint desk ay kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa Municipal Local Government Office, Municipal Social Welfare and Development, Punong Barangay, Municipal Link at ang Parent Leader. (Philippine Information Agency)

Martes, Pebrero 2, 2016

Kaunlaran ng Barangay Malapit sa Puso ni Leni Robredo


Maraming mga panukalang batas ang naisampa sa Kamara na naglalayon na mapaunlad ang mga barangay at mapaglingkuran nang maayos ang mga mamamayan.                       
Si House Representative Leni Robredo      Google Photo
Ito ang pahayag ni Rep. Leni Robredo ng Ikatlong Distrito ng Camarines Sur, bilang panauhing tagapagsalita sa pagbubukas ng First Children’s Summit on Health sa Lungsod ng Dagupan kamakailan.        

Sinabi ni Robredo, kandidato sa pagka bise-presidente ng Liberal Pary sa darating na halalan, isa sa mga mahahalagang panukalang batas na naipasa na ay ang Bottom Up Budgeting (BUB) na napapakinabangan na ngayon ng maraming lungsod at bayan sa buong bansa.                         

Sa kanyang pahayag sa summit, na kung saan ay kabilang ang mga kapitan ng barangay ng Lungsod ng Dagupan, ang BuB ay kinakailangang maging isang matibay na sistema o institusyon ng pamamahala sa barangay kahit magpalit-palit man ng administrasyon.  

Nabanggit din niya na ang BuB ay pinasimulan ng kanyang yumaong asawa na si Jesse Robredo nang ito ay Kalihim pa ng Department of Interior and Local Government (DILG).  

Sabi pa ni Robredo na sa ilalim ng BUB, tanging mga pamahalaang bayan at lungsod lamang ang nakakakuha ngayon ng mula P15 hanggang P20 milyong proyekto mula sa pamahalaang nasyonal.  Ang mga proyektong ito ay pinili mismo ng mga mamayan sa pamamagitan ng mga People’s Organizations.   

Sa taong 2017, sabi niya, lahat ng barangay sa buong bansa ay makakakuha rin ng tig-P1 milyong halaga ng proyektong BuB na mismong mga mamamayan ang  siyang mamimili kung anong mga proyketo ang gusto nilang maipatupad.  

Bukod sa BuB, isinulong din niya na maging institusyon na rin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para matiyak na ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang magandang programang ito na pinakikinabangan na ngayon ng maraming mahihirap sa bansa.  

Ipinaliwanag din niya na malapit sa kanyang puso ang mga barangay dahil kasa-kasama niya ang mga ito noong Punong Lungsod pa ng Naga ang kanyang asawa. Binanggit niya na siya ay co-author din ng Barangay Reform Bill na naisampa na sa Kamara.   

Layon ng batas na ito na habaan ang termino ng mga opisyal ng barangay mula tatlo hanggang limang taon. Masyadong maikli aniya ang tatlong taon para sa mga opisyal ng barangay gayundin ng kanilang mga hinirang para matupad ang kanilang mga naipangako sa mamamayan. Kung ito’y maipapasa, may dadgag pang dalawang taon ang mga naihalal na opisyal.   

Ikinatuwa at nagpalakpakan ang mga dumalong opisyal ng barangay na naroroon sa pangunguna  nila Lino Fernandez at Bryan Kua nang sabihin ni Robredo na sadyang kailangan nang habaan ang termino ng mga opisyal para sa isang tunay na pagbabago sa lahat ng mga barangay sa buong bansa.  

Sinabi ng magandang kongresista na sa maiksing tatlong taon para mamuno ang mga bagong halal na opisyal ng barangay, napapalitan ang mga barangay health workers o BHW kapag may bagong kapitan.   

Ayon sa kanya, nakakaapekto ito sa tuloy-tuloy na pagbibigay ng mga programang pangkalusugan sa mga barangay.  

Sa kanyang naisulong na bill, sasagutin ng pamahalaang nasyunal ang sweldo ng mga health workers at tanod gayundin ng iba pang mga volunteer workers sa barangay para matiyak na ang sweldo nila ay magkakapantay-pantay sa buong bansa.  

Iminungkahi pa niya na ang mga pagsasanay at seminar para sa mga opisyal ng barangay ay sagutin na rin ng pamahalaang nasyunal at hindi na manggagaling pa sa budget ng barangay para masinop ang limitadong budget nito.  

Sa panukalang ito ay magtatakda rin ng pagkakaroon ng pensiyon ang mga barangay health workers kapag nakakumpleto sila ng siyam na taong tuluy-tuloy na serbisyo bilang pabuya sa kanilang dedikasyon sa tungkulin.  (Barangay Reporter)








Martes, Enero 26, 2016

Budget ng Barangay, Mapapasakamay na ng Mamamayan?



Ayon sa DILG, ang programang Bottom-up Budgeting (BuB) o ang tinaguriang“Budget ng Bayan sa Kamay ng Taumbayan” ay malapit nang ipatupad.

Sinabi ng kasalukuyang DILG Secretary na si Mel Senen S. Sarmiento, bibigyang kapangyarihan na ang taumbayan at mga namumuno sa barangay na mag-desisyon kung anong mga proyekto ang kanilang ipatutupad para maisulong na ang pakikilahok at pananagutan ng taumbayan sa pamahalaang barangay.  

Ayon pa kay Sarmiento, sa pagkakaloob sa mga barangay ng daan para sila mismo ang magpatupad ng kanilang mga proyekto, mas maiintindihan nila ang iba’t ibang aspeto ng batas sa procurement law, budget law at mga alituntuning isinasaad nito. Sa ganitong paraan ay mas mapagbubuti pa ang antas ng pamamahala sa mga barangay.

“Para ito direktang makita, maramdaman at mapakinabangan ng mamamayan sa mga komunidad” dagdad pa ni Sarmiento.

Sa ngayon, ang BUB ay pawang sa mga lungsod at bayan pa lamang naipatutupad.

Inulundsad noong 2012, ito ay isang programa na nagsusulong ng pakikilahok ng mga barangay sa pambansang pagpaplano ng budget at pagpapatupad ng mga proyekto.   

Nang wala pa ito, pawang sa "itaas" lamang nanggagaling ang mga desisyo. Ngayon, ang mga mamamayan sa bawat komunidad, kasama ang kanilang mga lokal na pamahalaan ay may kapangyarihan nang mag-desisyon kung ano ang proyektong dapat unahin sa kani-kanilang lugar.  

Noong nakaraang Disyembre, 2015, ang DILG ay bumuo ng isang Technical Working Group (TWG) para sa pre-implementation phase ng Barangay BuB sa taong 2017. 

Ito ay nakabatay sa prinsipiyo na ang mga barangay ay dapat bigyan ng kapangyarihan at himukin ang mga Civil Society Organizations sa proseso ng pagba-budget.  Ang Technical Working Group ang siyang bubuo ng mga alituntunin sa pagpapatupad ng BuB.

Sinabi ni Richard L. Villacorte, Project Manager ng DILG BuB Project Management Office, na sa sistemang Barangay BuB, direkta na itong ipapapatupad sa mga barangay ng pamahalaang nasyunal at hindi na pararaanin pa sa pamahalaang panlalawigan o munisipal. 

“Pag sinabi nating bottom-up budgeting, ang barangay ang pinaka-ibaba,  mas-grassroot kaysa municipal civil society organizations (CSOs),” sabi ni Villacorte.

Sinabi naman ni Atty. Edmund R. Abesamis, National President ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas, “Ito ay isang katuparan ng matagal nang isinusulong ng Liga, ang pagbibigay-kapangyarihan sa mga barangay.  Sa ilalim ng Barangay BuB, magkakaroon na ng kakayahan ang mga barangay na ipatupad ang mga proyektong pinondohan ng pamahalaang nasyunal.”

Sinabi pa niAbesamis na ang Liga ng mga Barangay sa Pilipinas ay sinasangguni rin sa paghahanda at pagsasakatuparan ng Barangay BuB at nakipagtulungan sila sa maayos at walang-sagabal na pagpapatupad ng proyektong ito. (Ulat mula sa website ng DILG:
Bottom-up Budgeting going more grassroot at barangay-level)